Wednesday, August 8, 2012

Obligasyon!




                                            Obligasyon!




Parang batong nag-uumpugan ang pamahalaan at Simbahang Katoliko sa usapin ng pagpaplano ng pamilya partikular sa Reproductive Health (RH) o Responsible Parenthood (RP) bill.
Mala-adobe sa tigas ang paninindigan ng Simbahan na tutulan ang naturang mga panukalang batas na naglalayong big­yan ng karapatan ang magsing-irog tungkol sa kanilang pagpapamilya o pagkakaroon ng dami ng anak.
Habang ang pamahalaan naman ay seryoso sa layunin nito na kumbinsihin ang Kamara at Senado na ipasa ang panukala para maging ganap na polisiya ng gobyerno.
Mauunawaan natin ang moral na obligasyon ng Simbahan na tutulan ang panukalang batas dahil sa salungat ito sa doktrina na “humayo kayo at magpakarami.” Pa’no ba naman, isinusulong sa programa na bigyan ng kaalaman ang mag-irog na planuhin ang pagkakaroon nila ng anak - sa puntong hanggang kaya lang nilang buhayin at pag-aralin.
Sa totoo lang, taliwas sa ilang kritisismo ng Simbahan na isinusulong ng RH o RP bill ang aborsiyon o pagpapalaglag sa bata. Walang ganitong probisyon na nakasaad sa panukala. At hindi ito maaaring ilagay dahil labag iyon sa probisyon sa a­ting Saligang Batas.
Ang layunin ng panukala ay lubos na itaguyod ang pagbibigay ng kaalaman sa mag-irog sa paggamit ng mga artipisyal na paraan upang hindi kaagad mabuntis - hindi ang ipalaglag ang ipinagbubuntis.
***
Napag-usapan ang artificial method, kabilang sa paraan na ito’y paggamit ng mga contraceptive pills na sa totoo lang ay nabibili at nagagamit ngayon - iyon nga lang, ang mga may kakayahan lamang na bumili ng pills ang nakakagawa nito.
Ang tanong ni Mang Gusting: papaano naman ang mga mahihirap - lalo na ang mga nanay na ayaw mabuntis pero laging sinisipingan ng kanilang mister na lasing?
Ang ganitong problema ay maaaring matugunan sa RH o RP bill – ito’y sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo para makapagkaloob ng libreng pills sa mga mahihirap. Dagdag pa diyan ang pagpapakalat ng impormasyon sa iba pang paraan upang hindi kaagad o tuluyan nang hindi mabuntis o makabuntis, sa pama­magitan ng pagpapa-kapon o vasectomy sa lalaki at IUD sa babae.
Malinaw ang layunin ng pamahalaan na pigilan ang pagdami ng populasyon sa NGAYON dahil hindi kayang sabayan ng kita o pondo ng pamahalaan ang patuloy na pagdami ng populasyon. Gaya halimbawa na magpagawa ngayon ang pamahalaan ng da­lawang paaralan, pero pagkaraan lamang ng anim na taon, isang batalyon na naman na mga bata ang papasok at kailangan mong pagawan muli ng panibagong paaralan.
Bukod pa diyan ang mataas nang bilang ng mga ina at ma­ging sanggol na nasasawi dahil sa panganganak. Bunga iyan ng kahirapan at kawalan ng sapat na kaalaman ng mga ina kung papaano iingatan ang kanilang pagbubuntis.
Kung mas kakaunti ang mabubuntis, mas magkakaroon ng sapat na pondo ang gobyerno para sila matulungan. Ibig sabihin, dapat unawain ang posisyon ng Simbahan sa pagkontra sa RH o RP bill, pero dapat ding unawin ang hangarin ng pamahalaan na nakatuon sa kapakanan ng mas nakararaming Pilipino.
Marahil, sa halip na pagkastigo lamang sa mga nagsusulong ng RH o RP bill, ang dapat na i-sermon ng mga pari sa kanilang misa ang pagbibigay-payo sa mga magulang o mag-asawa sa tamang pagpaplano ng pamilya sa abot lamang ng kanilang makakaya na isang malaking kasalanan kung mag-aanak nang mag-aanak at pagkatapos ay hahayaan silang mamalimos sa kal­ye at hindi pinag-aaral.
Pagtuunan din ng Simbahan ang kanilang moral na obligasyon na akayin sa tamang daan ang MORALIDAD ngayon ng mga kabataan na maagang namumulat sa “sex” kaya naman dumadami ang bilang ng teen-age pregnancies. Katuwang ang mga magulang pa rin at pati na ang paaralan, dapat pagtulungan na harapin ang malaking problema ng dumadaming kabataan na nabubuntis.
Sa ginagawang pagtalakay ng Kongreso sa kontrobersyal na panukalang ito, nawa’y manaig ang higit na makabubuti sa sambayanan. Laging tandaan: “Bata n’yo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: