Monday, July 30, 2012

Mga ampalaya!





Mga ampalaya!
REY MARFIL




Bagama’t bumaba nang konti ang satisfaction rating ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, ikinokonsidera pa rin itong ‘maganda’ dahil tatlo sa limang matatandang mga Pi­lipino o 63% ang “satisfied” sa pangkalahatang perfor­mance ng administrasyon.
Ibig sabihin, 18% lamang ang hindi nasisiyahan para sa “good” score na +44, alinsunod sa pinakabagong resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey, as in mayorya ng mga Pinoy ang kuntento sa trabaho ni PNoy o bilib sa pagtitimon nito.
Bukod dito, kahanga-hanga para kay PNoy na mapanatiling mataas ang kanyang rating lalo’t papasok sa kalagitnaan ng kanyang termino na hindi nagawa ng dating mga Pangulo ng bansa -- ito’y napakalayo sa “ex-housemate” ng Malacañang (Mrs. Arroyo) kung saan nabuhay sa nega­tibong numero, sa huling anim na taon matapos talikuran ang sumpang hindi tatakbo noong 2004 presidential election.
Malamang mga taong tutol sa tunay at makatotohanang reporma na ipinapatupad ni PNoy ang mga komokontra sa kanyang pamahalaan. Ika nga ng mga kurimaw: mas ma­labo pa sa sabaw ng pusit kung makikiisa sa pagtahak sa “daang matuwid” ni PNoy ang mga “taong-ampalaya”, as in “bitter” lalo pa’t hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 election at nasanay sa maluho at maanomal­yang pamahalaan.
Ang napakalinaw sa lahat at malaking pagbabago sa Pi­lipinas, naibalik ni PNoy ang kumpiyansa ng mga negos­yante sa bansa, maging international community, isang patunay ang pagbibigay ng pamahalaan sa mas maayos na serbisyo sa publiko dahil sa matuwid na daan.
***
Napag-usapan ang “daang matuwid”, ‘di hamak na mas maganda ngayon ang pakiramdam ng mga preso lalo’t na­lilinang ang kanilang kakayahan kahit nasa loob ang mga ito ng bilangguan.
Sa pamamagitan ng libreng gupit at grooming kits, 600 na preso sa New Bilibid Prisons (NBP) at Correctional Institute for Women (CIW) ang nagkaroon ng bagong porma ang mga sarili at magagamit din ang bagong talento sa paggugupit mula sa pagsasanay na isinagawa ng tinaguriang mga Specialistas ng Technical Education and Skills Deve­lopment Authority (TESDA).
Umikot si Secretary Joel Villanueva sa mga bilangguan para masamahan ang mga Specialistas na nagbigay ng lib­reng serbisyo sa mga bilanggo. Sa ganitong pamamaraan, at least merong “choice” ang mga naligaw ng landas upang ibangon ang sarili at burahin ang masamang panagi­nip na nangyari sa kanilang buhay.
Kahanga-hanga ang paghikayat ni Sec. Joel sa mga bilanggo na himukin ang mga ito na sumailalim sa skills trai­ning na magagamit nila kinalaunan para kumita kapag lumaya.
Ang “buhay-preso” ang pinakamasamang bangungot kapag lumabas ng bilangguan -- ito’y madalas pagkaitan ng pagkakataon sa lipunan kaya’t “balik-rehas” kapag walang oportunidad dahil paggawa ng krimen ang nalalaman.
At kamakailan, sinamahan ni Sec. Joel ang 16 na TESD­A Specialistas na nagbigay ng libreng gupit sa 10 bilanggo ng NBP na sinanay sa hair styling sa ilalim ng programa na inilunsad ng ahensiya -- isang paraan upang mabigyan ng hanapbuhay at kasanayan ang bilanggong lalaya.
Sa CIW, 15 TESDA Specialistas na nagtapos kamakailan sa Mobile Training Plus Program sa Barangay Tumana, Marikina ang nagbigay ng libreng serbisyo sa paggupit.
Sa ilalim ng matuwid na daan ni PNoy, sinabi ni Sec. Joel na magagawa ng TESDA na maging institusyunal ang libreng skills training sa loob ng mga kulangan sa buong bansa.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: