Monday, August 13, 2012

Kahit sariling buhay!




Kahit sariling buhay!
REY MARFIL



Hindi ba’t kahanga-hanga ang ginawang mga pagbisita ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa Metro Manila, Pampanga, Bataan, Bulacan at Tarlac upang personal na mataya ang pinsalang idinulot ng malawakang pagbahang hatid ng ulang Habagat at pangunahan ang distribusyon ng relief goods sa naapektuhang mga pamilya.
Hindi biro ang ginawa ni PNoy, as in apat lalawigan sa isang araw -- ipinaramdam ng Pangulo na hindi sila nag-iisa at kasama nila ang pamahalaan sa panahon ng kalamidad para umalalay at tumulong sa kanilang mga pangangailangan.
Nagbigay ng pag-asa sa mga biktima ang pagbisita ni PNoy upang manatiling mataas pa rin ang kanilang morale sa kabila ng negatibong mga epekto ng pagbaha.
At makabagbag-damdamin rin ang eksena nang ilagay ng Pangulo sa alanganin ang kanyang buhay matapos mag-emergency landing ang sinasakyan nitong chopper sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) dahil sa patuloy na masamang panahon at tumulak ng Tarlac sa pamamagitan ng panlupang transportasyon.
Inaasahang magreresulta rin sa bolunterismo ang naging mga pagbisita ng Pangulo sa binahang mga lugar.
Magandang marinig rin kay PNoy na ginagawa nito ang lahat para maresolba ang malawakang pagbaha sa pamamagitan ng pagtiyak na gagamitin ang pondo ng pamahalaan sa pagbuo ng mga imprastraktura kontra sa pagbaha at rehabilitasyon ng mga kalsada at tulay na nasira ng baha.
Nakakatuwa ang paninindigan ng pamahalaan na magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa pagbaha at tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino, lalung-lalo na sa panahon ng tag-ulan dahil talaga namang laging tinataaman ng mga bagyo at iba pang sama ng lagay ng panahon ang bansa.
Bagama’t mas malaki ang pinsalang idinulot ng mga ulang hatid ng Habagat kumpara sa bagyong Ondoy, kitang-kita naman na mas naging handa ang pamahalaan sa pagtugon sa malawakang pagbaha.
Sa tulong ng pagsusumikap ng Pangulo, mabilis na nakapagpakalat ng rescue teams ang mga lokal na pamahalaan.
Responsable rin ang Pangulo sa pagkumbinse sa mga pri­badong pamahalaan katulad ng San Miguel Corporation at Yokohama Tire Philippines na magkaloob ng tulong at suporta sa mga biktima ng pagbaha at inaasahan nating darating sa mga susunod na araw ang banyagang mga tulong.
Nasa likod rin ang Pangulo ng desisyon ng mga kumpanya ng langis na pansamantalang ipagpaliban ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo para mabigyan ang mga biktima ng baha na nais agarang makabangon sa pagbaha ng kaunting ginhawa.
***
Napag-uusapan ang aksyon, tama ang kautusan ni PNoy na isagawa ang malawakang pagrebyu sa lahat ng plano kontra sa pagbaha ng dating administrasyong Arroyo na minana ng kanyang pamahalaan.
Isang hakbang ito upang epektibong hanapan ng solusyon ang lumalala at lumalawak na problema sa pagbaha sa bansa, partikular sa Metro Manila.
Isang halimbawa dito ang pagbusisi sa ugat ng P18.7 bil­yong halaga ng “dredging project” ng nakalipas na administrasyon sa Laguna Lake para daw kayaning sumalo pa ng 4,000,000 cubic meters ng tubig.
Tinawag na nga ni Pangulong Aquino na “biro” ang plano at hiniling sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ni Secretary Rogelio Singson, tumatayong pan­samantalang water czar, na rebyuhin ito.
Kitang-kita ang malasakit ni Pangulong Aquino sa paghahanap ng matino at maayos na solusyon sa problema sa pagbaha katulad ng posibleng implementasyon ng road ring dike sa Laguna de Bay.
Kailangan naman talagang busisiin ang flood control pro­jects ng nakalipas na pamahalaan para matiyak na wala tayong mga proyektong gagawing gatasan lamang ng iilang mga taong nagpapasasa at nagsasamantala sa kaban ng bayan na inaasahang makakaperwisyo pa kinalaunan.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: