Positibo! | |
Positibong bagay ang pagkilala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa sari-sari store na bahagai ng retail industry na nakakatulong sa pagsulong sa progreso ng bansa.
Sa nakalipas na ikapitong Tindahan ni Aling Puring Sari-Sari Store Convention sa World Trade Center sa Pasay City, pinuri ng Pangulo ang mahalagang kontribusyon ng sari-sari stores sa industriya ng Pilipinas.
Sa katunayan, responsable ang retail industry sa pagkakaroon ng masiglang ekonomiya na kumakatawan sa 13 porsiyento o P1.3 trilyon ng P9.7 trilyong gross domestic product (GDP) ng Pilipinas para sa 2011.
Tama ang Pangulo sa pagsusulong ng interes at kagalingan ng retail business para lalong mapataas ang kanilang tubo sa pamamagitan ng palitan ng diskusyon sa mga eksperto, top managers at producers.
Tiniyak ng Pangulo sa mga may-ari ng sari-sari store, micro, small at medium enterprise at mga negosyante ang patuloy na suporta ng pamahalaan upang mas mapahusay nila ang pagpapatakbo ng kanilang mga negosyo.
Isa ang pagpapadali sa requirements na kailangan upang maitayo ang maliliit na mga negosyo sa mahahalagang mga programa ni Pangulong Aquino para tulungan ang kanilang sektor.
Tapos na ang nakagawiang sistema na kailangan upang magtungo sa iba’t ibang tanggapan para lamang makakuha ng kailangang mga papeles sa pagtatayo ng negosyo sa pamamagitan ng pagtatatag ng Philippine Business Registry and Business Name Registration System.
Nararamdaman na sa buong mundo ang pinadaling alituntunin sa pagbuo ng negosyo sa buong bansa na nakatulong upang tumaas ang kumpiyansa ng internasyunal na komunidad para mamuhunan sa bansa.
***
Hindi lang ‘yan, kapuri-puri din ang pagkakaloob ni PNoy ng P3 milyong ayuda sa pamamagitan ng scholarship program sa Congressional Spouses Foundation Inc. (CSFI) na inisyal na nagkaloob ng scholarship sa 100 high school graduates sa buong bansa.
Magmumula ang suportang pinansyal sa Presidential Social Fund at inaasahang isusulong ang scholarship program ng CSFI na sumusuporta sa inisyatibo ng pamahalaan na mas maabot ng mga kabataan ang edukasyon.
Lumalabas na determinado ang pamahalaan na ipatupad ang mga reporma at mapataas ang sistema ng edukasyon sa bansa at magkaloob ng pagkakataon sa hindi pinalad nating mga kababayan na maipadala ang kanilang mga anak sa eskwelahan.
Magandang punto na sumusuporta rin ang Kongreso sa hangarin ng administrasyong Aquino na mapalakas ng karunungan ang mga Filipino lalung-lalo na ang mga kabataan sa pamamagitan ng maayos na kalidad ng edukasyon.
Gagamitin rin ang karagdagang pondo para kunin ang serbisyo ng 13,000 mga guro; gumawa, kumpunihin at ayusin ang 45,231 silid-aralan at bumili ng mahigit 2.53 milyong desks at upuan.
Batid ng Pangulo ang kahalagahan ng edukasyon para makatulong ang mga kabataan na makamit ang kanilang mga pangarap na kritikal na bagay tungo sa progreso at kaunlaran.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment