Monday, May 14, 2012





Inaani na!
REY MARFIL




Nararapat ang pahayag ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na sertipikahang mahalaga ang mga resolusyong ipinasa ng Senado at Kamara de Representantes na nanawagan sa Commission on Elections (Comelec) na ipawalang-bisa ang kasalukuyang voters’ list sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at magsagawa ng panibagong pangkalahatang pagrerehistro ng mga botante doon.
Layunin nitong gawing malinis ang talaan ng mga botante upang matiyak na ang mga tunay na nanalo ang siyang mahihirang sa darating na halalan sa ARMM.
Ibig sabihin, makatwirang suportahan natin sina Sens. Franklin Drilon, Aquilino Pimentel III at 16 na iba pang senador sa kanilang pagsusulong ng Joint Resolution No. 17 para magsagawa ang Comelec ng bagong pagrehistro ng mga botante sa ARMM.
Nagdesisyon na rin ang Kamara de Represenantes na aprubahan ang Joint Resolution No. 29 na sumusuporta rin sa hakbang ng Senado para sa bagong listahan ng mga rehistradong mga botante sa ARMM.
Makakamit natin ang matino at maayos na pamamahala sa ARMM na isinusulong ni PNoy kung matitiyak ang malinis na eleksyon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng bagong voters’ list.
Hindi lang ‘yan, dapat ding suportahan ng publiko ang desisyon ng House committee on ways and means na aprubahan ang House Bill (HB) No. 5727 o ang panukalang sin taxes sa mga produktong alcohol at sigarilyo upang makalikom ng kahit P33 bilyong taunang buwis na magagamit para tustusan ang programa sa kalusugan ng mga Pilipino.
Kapuri-puri rin ang suporta ng Malacañang sa paglusot ng House Bill (HB) No. 5727 o “Act restructuring the excise tax on alcohol and tobacco products” na isinulong ni Cavite Rep. Joseph Abaya.
Nagsimula ang pagtatangka na repormahin ang excise tax system 15 taon na ang nakakalipas at ngayon lamang naisulong ito sa ganitong estado sa tulong ng mahusay at matikas na liderato ni Pangulong Aquino.
Layunin ng panukala na magkaroon ng pondo para sa pagpapagamot ng maysakit na mga Pilipino at mapabuti rin ang kalagayang pang-ekonomiya ng mga magsasaka ng tabako, mapalakas ang sistema ng pagbubuwis at ma­pataas ang koleksyon.
***
Sa iba pang good news, maganda ang mabilis na pagtugon ng administrasyong Aquino sa paghahanap ng solusyon sa problema ng smuggling ng baboy sa bansa. Positi­bong bagay para sa industriya ang pagiging sensitibo ng pamahalaan na agarang kumilos upang tugunan ang reklamo at hinaing ng mga nasa likod ng lokal na pagbababoy na nahihirapan sa patuloy na smuggling.
Sinimulan na nga ng Department of Agriculture, Department of Finance, Bureau of Customs at iba pang kinauukulang mga ahensiya ng pamahalaan ang implementas­yon ng mga hakbang para pigilan ang technical smuggling ng baboy.
Dapat lamang kilalanin natin ang pagsusumikap ng administras­yon sa pagtugon sa pangunahing hinaing ng hog raisers at pork producers sa bansa lalo’t nagresulta ang smuggling sa pagkawala sa trabaho ng 20% hog farmers sa nakalipas na taon.
At nakakabilib din ang plano ng pamahalaan na magluwas sa ibang bansa ng mataas na uri ng bigas sa susunod na taon na malinaw na produkto ng matuwid na daan ni PNoy.
Hindi naman talaga imposible ito matapos ilaan ang milyun-milyong pisong halaga ng pampublikong pondo sa paglinang ng mga pangangailangan sa agrikultura ng mga magsasaka.
Ilan lamang sa magagandang pamumuhunang ginawa ng administrasyon ang paglalagay ng maayos na sistemang patubig at certified seed program para mapataas ang aning agrikultural ng mga magsasaka.
Unti-unti na nating inaani ang sinserong malasakit ni PNoy sa kalagayan ng mga magsasaka. At inaasahan ang pag-export ng bigas sa susunod na taon.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)



No comments: