May choice ka! | |
REY MARFIL
Bagama’t ang korte na ang mayroong hurisdiksyon sa nakapiit na si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, tama naman ang posisyon ng Malacañang na dapat magkaroon muna ng masusing berepikasyon kung talagang kailangan itong operahan sa ibang bansa.
Kung talagang nasa balag ng alanganin ang buhay nito, si Pasay City Regional Trial Court Judge Jesus Mupas na dumidinig sa kasong pananabotahe sa halalan ng dating pangulo kaugnay sa May 2007 senatorial polls ang dapat na magdesisyon.
Sa mga naglalabasang balita, kinakapos sa hininga at nabubulunan si Gng. Arroyo dahil sa mga komplikasyong nag-ugat sa pagkalas ng titanium implant mula sa kanyang nakaraang operasyon sa problema sa leeg.
Ngunit para matiyak nating hindi naman malalagay sa alanganin ang kampanya ng pamahalaan laban sa katiwalian, dapat tiyaking mabuti ang tunay na kalagayan ng dating lider.
Hindi naman dapat lagyan ng kulay pulitika ang isyu dahil tinitiyak lamang ng pamahalaan na nasusunod ang lahat ng tamang proseso bago man payagan o makaalis ng bansa ang dating pangulo sa gitna ng malaking pangambang tatakas ito sa prosekusyon.
***
Sa good news tayo, alinsunod sa tagubilin ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, kapuri-puri ang hakbang ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Joel Villanueva na isailalim sa bokasyonal na pagsasanay ang mga kabataan sa ilang mahihirap na mga barangay sa mga lalawigan ng Cebu at Negros Oriental upang higit na maging produktibo ang mga ito.
Ipamamahagi ng TESDA sa mga benepisyaryo ang mga sertipikasyon ng pagsasanay na nagkakahalaga ng P2.3 milyon gamit ang Training for Work Scholarship Program (TWSP) sa ilalim ng bagong lunsad na Adopt-A-Barangay program ng TESDA sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan.
Sa tulong ng programa, magkakaroon ng mahuhusay na bihasang mga manggagawa ang bansa na nakahandang magtrabaho alinsunod sa pangangailangan at pamantayan ng mundo.
Inaasahang makakatulong ang tagumpay ng mga sinasanay na iskolar sa panahon ng kanilang pagtatapos at paghahanap ng trabaho upang baguhin ang kapalaran ng kanilang mahihirap na mga komunidad.
Kabilang sa kursong iaalok ang bartending, heavy equipment operation, hilot (wellness massage) at shielded metal arc welding.
Nitong 2011, nakatanggap ang Cebu ng training scholarship na nagkakahalaga ng P65.1 milyon.
Sa parehong taon, umabot sa kabuuang 81,190 ang enrollees sa ilalim ng iba’t ibang technical vocational education training (TVET) programs. Dahil dito, tumaas ang employment rate sa 85.88 porsyento sa hanay ng TVET graduates. At least, sa TESDA may Choice Ka!
Hindi lang ‘yan, siguradong makakatulong ng malaki sa kakayahan ng local government units (LGUs) sa Metro Manila ang ipapamahaging multi-purpose tents at power generators ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na rumesponde sa panahon ng kalamidad.
Magagamit kasi ang multi-purpose tents bilang command centers na mahalagang bagay sa pagtugon sa pangangailangan ng mga taong nasalanta ng kalamidad.
Aabot sa 170 tents ang ipamamahagi ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa 17 LGUs sa National Capital Region (NCR) kasama ang katulad na bilang ng power generators. Mayroong 35 metro kuwadrado ang bawat tent.
Tatanggap naman ang bawat LGU ng 10 tents at 10 generators. Nakatanggap na ang mga lungsod ng San Juan, Muntinlupa, at Malabon ng kanilang tents at generators.
Alinsunod ito sa matuwid na daan na kampanya ni PNoy upang mapalakas ang kakayahan ng LGUs na tumugon sa kalamidad at mapabuti ang kanilang paghahanda sa mga delubyo.
Magagamit ang multi-purpose tents bilang command at control centers, tent hospitals, at pansamantalang tirahan. Maaaring magkasya ang 34 katao at mayroon pang sapat na espasyo para sa kagamitan sa bawat Metro Manila Field Center tent.
Maitatayo ang waterproof tent na mayroong generator sa malalayong lokasyon kung saan maaaring isagawa ang agarang pagsaklolo at pagtugon sa mga taong nangangailangan ng tulong.
Magsisilbi rin ang tents bilang first-aid stations, pansamantalang silid-aralan, first-aid shelters o field hospitals kung saan maaaring lapatan ng pangunang lunas ang mga biktima.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Wednesday, May 16, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment