Parang dumi! | |
REY MARFIL
Dalawang “sugal” ang mistulang tinayaan ng kampo ni impeached Chief Justice Renato Corona sa kinakaharap niyang paglilitis sa Senado. At posibleng magkaroon ng pangatlo ang tatayaan nila kahit lumilitaw na “talo” na sila sa isa.
Ang tinutukoy nating tayang tinayaan ng kampo ni Corona -- ang ginawang pagpapatawag nila sa Senate Impeachment Court kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, bilang hostile witness ng punong mahistrado.
Sa kagustuhan marahil ng depensa na ipamukha sa publiko na hindi talaga gusto ni Morales si Corona mula pa man noong italaga itong punong mahistrado ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Dating associate justice ng SC si Morales bago siya nahirang bilang Ombudsman. Nang italaga ni Mrs. Arroyo si Corona bilang punong mahistrado, agad na nagpahayag ng reserbasyon si Morales, o indikasyon na hindi siya lubos na pabor sa ginawa ng dating pangulo.
At sa pag-iimbestiga ngayon ng Ombudsman sa umano’y dollar accounts ni Corona, minabuti ng kampo ng depensa na paharapin sa impeachment court si Morales.
Sa tingin ng mga taga-analisa, maaaring nais ipakita ng kampo ng punong mahistrado na totoo ang kanilang linyada ng depensa na pinag-iinitan lamang ng pamahalaang Aquino ang kanilang kliyente.
Subalit sa pagsalang ni Morales sa witness stand, tila hindi nasunod ang nais na mangyari ng depensa.
Kung tutuusin, natabunan pa ang nais na anggulong mangyari ng depensa nang isiwalat at idetalye ni Morales ang umano’y may 82 dollar accounts si Corona na umaabot sa $12 milyon.
Ang naturang detalye ng dollar accounts na laging itinatanggi ni Corona -- ito’y batay umano sa impormasyong ibinigay ng Anti-Money Laundering Council (AMLC). Katuwang sa pag-analisa sa takbo ng transaksiyon sa mga dollar accounts ang Commission on Audit (COA).
Normal at basa na kung ang magiging linya muli ng depensa ay pagpapakita ito ng pagtutulung-tulong ng mga ahensiya ng pamahalaan para gipitin si Corona.
Ang nais malaman ngayon ng mga tao ay kung totoo ang mga dollar account? At kung totoo nga, bakit hindi ito isinama ni Corona sa kanyang listahan ng mga ari-arian?
***
Napag-usapan ang impeachment trial, sa naging takbo ng paglilitis, marami ang naniniwala na “talo” ang depensa sa ginawa nilang “pagtaya” na isalang sa witness stand si Morales. May isa pa silang “taya”, ang isalang din sa witness stand ang mismo nilang kliyenteng si Corona na nakaiskedyul sa Martes!
Sa sandaling umupo si Corona bilang testigo, ito’y isang malaking basyo ng lata ng gatas na inilagay sa gitna ng kalsada at maaaring batuhin ng mga batang may hawak ng tsinelas, as in “open” na siya sa mga matitinding tanong ng mga senador na huhusga kung dapat siyang mapatalsik sa puwesto o hindi.
Pero posibleng may pangatlong taya na ginawa ang depensa nang hilingan nila na ipatawag ang mga opisyal ng AMLC para sertipikahan kung totoo ang mga detalyeng ibinigay ni Morales na sinabi niyang nakuha niya sa nabanggit na ahensiya.
Kapag kinumpirma ng AMLC na sa kanila galing ang impormasyong hawak ni Morales, malamang mapasigaw ng “bingo!” ang mga anti-Corona dahil lalong titibay ang paniwala na may itinagong dollar account ang punong mahistrado kahit hindi pa iyon kasama sa articles of impeachment.
Pero kahit itanggi ng AMLC, kailangan pa ring patunayan ni Corona na wala siyang dollar account o posibleng palitawin na hindi sa kanya at ipinatago lamang ang mga pera. Ang tanong lamang ng mga kurimaw, kaninong dollar deposits ang hawak kung sakaling palabasin nitong ipinatago lamang.
Kapag itinanggi ito ng punong mahistrado, malamang gamitin din itong basehan ng senador para huwag nang kilalanin ang TRO ng SC sa dollar account na sinasabing kay Corona.
Ika nga ni Mang Kanor “Ang Senado ay parang tae -- ito’y ‘di kayang paglaruan”.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Friday, May 18, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment