Naganap na! | |
REY MARFIL
Nagdesisyon na ang mga senator-judge sa impeachment case ni Supreme Court Chief (SC) Justice Renato Corona. Sa botong 20-3, guilty ang hatol sa Punong Mahistrado dahil sa hindi pagdedeklara ng lahat ng kanyang ari-arian sa isinumite niyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN).
Sa paliwanag ng mga senador sa kanilang boto, kapansin-pansin na ilang ulit nabanggit ang kaso ni Delsa Flores, isang court interpreter na sinibak sa kanyang trabaho noong 1992 ng SC dahil sa hindi niya idineklara sa kanyang SALN ang maliit niyang tindahan.
Kung may dapat pasalamatan ang mga naghahangad na maalis sa puwesto si Corona, dapat isama nila rito si Flores dahil sa naging kapalaran niya. Ang pagkakaalis niya sa trabaho sa korte ang naging sukatan ng prosecution panel para sa pagpapatupad ng batas -- nang patas.
Kung si Flores nga naman na karaniwang kawani ng korte ay nasibak sa trabaho dahil hindi idineklara ang kanyang tindahan na baka wala pang P1 milyon ang halaga, bakit hindi dapat masibak ang isang mataas na opisyal ng korte na hindi nagdeklara ng kanyang milyun-milyong ari-arian?
Sa pinakahuling bahagi ng paglilitis ng Senate Impeachment Court sa kaso ni Corona, inamin mismo ng Punong Mahistrado na hindi niya isinama sa kanyang SALN ang laman ng kanyang dollar accounts na umaabot sa US$2.4 milyon o mahigit P100 milyon.
***
Napag-usapan si Corona, bagaman inamin niya at pumirma siya sa waiver para masilip ang kanyang mga bank account, ang malinaw dito ay ang pagtatago niya ng kanyang mga ari-arian.
Bilang isa sa pinakamataas na opisyal sa pamahalaan -- pang-lima kasunod ng Pangulo, Bise Presidente, Senate President at Speaker of the House -- nararapat lang na buo ang tiwala sa kanya ng taong-bayan.
Subalit bukod sa hindi pagdedeklara ng tama sa kanyang SALN, malaking bagay din ang naungkat na sigalot sa pamilya ni Corona at sa pamilya ng kanyang asawa tungkol sa negosyo, as in sinasabing nilamangan ng pamilya ng Punong Mahistrado ang pamilya ng kanyang misis na mga Basa.
Kaya naman natanim din sa isipan ng publiko -- na kung nagawang lamangan ni Corona ang pamilya ng kanyang asawa, papaano pa kaya ang taongbayan na hindi niya kaanu-ano? Ang mga alegasyon na ito’y mariing pinabulaanan naman ng Punong Mahistrado.
Sa hatol na guilty kay Corona, muling narinig ang pangalan ni Flores na hindi na kailanman nabigyan ng pagkakataon na magsilbi sa gobyerno dahil sa naging parusa sa kanya ng SC. Bilang kawani ng pamahalaan, sagrado ang paalala na “public service is a public trust”.
Sinira raw ni Flores ang tiwala ng taongbayan dahil sa hindi niya pagdedeklara ng kanyang tindahan. Bagay na nararapat ding ipatupad sa kaso ni Corona na hindi nagdeklara ng milyones niyang ari-arian.
Kabilang si Flores sa napakaraming Pilipino na natutuwa sa naging hatol ng Senado kay Corona. Sa pagpapataw ng guilty verdict, napatunayan ng Senado at pamahalaan na patas na umiiral ang batas sa mga karaniwang empleyado at mataas na pinuno ng ahensiya.
Pagpapakita rin ito na patuloy na umuusad ang inilatag na reporma ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, tungkol sa matapat na panunungkulan sa tuwid na daan. Mahalaga itong maisakatuparan para sa tunay na pagbabago tungo sa kaunlaran ng bansa.
Ang pagpapatalsik kay Corona’y hindi lang tagumpay ng pamahalaan, hindi lang tagumpay ng House prosecution panel, kung hindi tagumpay ng lahat ng Pilipino na minimithi ang pagbabago at makitang patas na umiiral ang batas para sa mga mahihirap at mayayaman.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Friday, June 1, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment