Umamin din! | |
Pagkaraan ng may limang buwan na paglilitis kay impeached Chief Justice Renato Corona, lumabas na rin ang katotohanan tungkol sa pinakamahalagang alegasyon ng House prosecution team laban sa Punong Mahistrado -- ang hindi nito pagdedeklara ng lahat ng kanyang ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Matapos ang ilang ulit na paliguy-ligoy at pagtanggi tungkol sa mga dollar accounts, inamin na rin ni Corona na meron siyang apat na dollar account at ang halaga umano nito ngayo’y umaabot sa US$2.4 milyon o mahigit P100 milyon, hindi kasali ang peso account. Take note: P3.4 milyon lamang ang cash na idineklara ni Corona sa kanyang SALN noong 2010 -- ito’y malayo kung isasama ang kanyang dollar accounts. Sa pagharap ni Corona noong nakaraang Biyernes, dalawang araw makaraang mag-walkout at pag-uupakan ang pamilya ng kanyang misis -- ang Punong Mahistrado na rin ang nagkuwento na matagal na siyang may dollar account at hindi niya idinedeklara ang mga ito sa kanyang SALN dahil sa kanyang sariling “interpretasyon” tungkol sa isang batas na nagbibigay proteksyon sa mga dollar accounts. Kung tutuusin, maituturing na “grey area” ang tungkol sa naturang batas. Mayroon naman kasing mga opisyal na mayroong dollar accounts pero idinedeklara pa rin nila ang mga ito (pero in conversion na) sa kanilang SALN. Ang tanong ng marami, kung ang ibang opisyal ay nagagawang ideklara ang kanilang dollar accounts sa SALN, bakit hindi ang isang katulad ni Corona na isang dating mahistrado at ngayo’y pinuno ng pinakamataas na korte sa bansa at pang-apat sa pinakamataas na opisyal sa pamahalaan? Simple lang ang nakikitang paliwanag dito ng karaniwang tao, kung gugustuhin ay magagawang magdeklara, kung ayaw naman, maraming dahilan. Ang nadiskubreng dollar accounts ay mas malaki ang halaga kumpara sa iba pang ari-arian ni Corona gaya ng mga condo na hindi rin umano idineklara ng Punong Mahistrado ang tunay na halaga sa kanyang SALN. *** Napag-uusapan ang impeachment, gaya ng telenovela, maraming kuwento sa ginawang paglilitis kay Corona. Nandiyan ang paggamit sa isyu ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita na sinakyan ng pinapatalsik na opisyal; ang away sa negosyo at pagbabati ng mga Basa at Corona; at ang hamon na pumirma ng waiver ang mga nagpapatalsik kay Corona. Pero hindi dapat kalimutan ang tunay na sentro ng istorya, ito ay kung naging tapat ba si Corona sa kanyang paglalahad ng ari-arian na itinatakda ng batas. Na bilang isang mahistrado ay dapat niyang sinusunod. Isama pa ang importanteng usapin kung itinaya ba ni Corona ang lahat kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at poprotektahan ba niya ito sa anumang kasong isasampa ng pamahalaan dahil sa alegasyon ng mga katiwalian. Gaya na lang ng TRO na inilagay ng Justice department na hold departure order sa mag-asawang Arroyo na dahilan kaya kamuntik na silang makalabas ng bansa. Sa huli, ang desisyon ay nasa kamay ng mga senador kung dapat alisin sa puwesto o hindi si Corona dahil sa mga alegasyon na ipinukol sa kanya ng prosekusyon. Ngunit sakaling maabsuwelto man ng Senado, ang malaking katanungan, magiging epektibo pa ba siyang Punong Mahistrado? Mapagkakatiwalaan pa ba siya? At maibalik pa kaya ang nasirang imahe ng institusyon ng hudikatura na malinaw na nadamay sa bagsak na popularidad ni Corona? Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com) | |
No comments:
Post a Comment