Naunsyami! | |
REY MARFIL
Marami ang tiyak na nadismaya sa inasal ni Chief Justice Renato Corona nang dumating ang pinakahihintay na araw ng marami sa pagharap niya sa Senate Impeachment Court kung saan ipinangako niyang sasagutin ang lahat ng ibinibintang sa kanya.
Subalit gaya ng mga nakaraang taktika ng depensa na pinapaniwalaang sablay, tila palpak na naman ang pagkakasalang kay Corona bilang testigo ng kanyang sarili.
Sa halip kasi na makakuha ng simpatiya sa publiko sa pamamagitan ng paawa epek sa kanyang opening remarks sa Upper House, marami ang hindi natuwa sa ginawang tila pagbastos niya sa mga miyembro ng impeachment court.
Bilang Punong Mahistrado, dapat alam ni Corona na hindi basta-basta tumatalikod ang isang tao sa proseso ng pagdinig. Nang igiit ni Corona nitong Martes sa Senado na basta na lamang tumalikod sa impeachment court nang walang pahintulot ng presiding judge na si Senate President Juan Ponce Enrile, ay malinaw na pambabastos sa korte.
Kung si Corona kaya ang lumagay sa puwesto ni JPE, o kaya’y nasa pagdinig ang Korte Suprema at may isang nakasalang sa proseso ang bigla na lamang tatayo at aalis sa witness stand, matuwa kaya ang Punong Mahistradong inaakusahang midnight appointee ni Mrs. Arroyo?
Ika nga ni Mang Kanor: parang boksingero na suntok at takbo ang ginawa ni Corona nang sumalang bilang testigo sa Senado, aba’y matapos niyang banatan si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, ang presidential political adviser na si Ronald Llamas, mga kongresistang naghabla sa kanya, at si Sen. Franklin Drilon, bigla na lang umeskapo at hindi na tatanggap ng tanong. Tama ba naman iyon?
Kung tutuusin, mukhang malabo o kundi man magulo ang akusasyon ni Chief Justice na pinapaboran ni PNoy ang mga “kaliwa” o “maka-komunistang” grupo dahil kay Llamas na kilalang aktibista.
Kung totoong kinakampihan ni PNoy ang mga komunista, bakit niya sinasabing inaapi ni PNoy ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita gayong napapaulat na maraming makakaliwang grupo ang sumusuporta sa mga magsasaka?
***
Napag-usapan ang naunsyaming pag-eskapo ni Corona, ni sa panaginip, ayokong isiping gumagawa ng intriga ang Punong Mahistrado para mawala ang suporta ng militar kay PNoy at itulak ang kudeta o anumang pagkilos laban sa gobyerno.
Mantakin n’yo, pati mga kapamilyang nagkasakit, ikinuwento sa impeachment court gayong walang kinalaman sa reklamo. Kung tutuusin, sariling-palo ni Corona na ipagamot kung sinumang kapatid, kapuso o kapamilya ang nagkasakit dahil meron naman kakayahang tumulong lalo pa’t nakakariwasa sa buhay ito, alangang kapitbahay ang gumastos dito?
Sa pantaha ng mga kurimaw, hindi rin maganda sa ugaling Pilipino ang ginawang pag-atake ni Corona kay Jose Maria Basa, na kapamilya ng kanyang misis at naging kademandahan nila sa ari-arian ng Basa-Guidote Enterprises -- ito’y tiyuhin na rin ni Corona kung pagbabatayan ang family tree dahil napangasawa ang pamangkin nito.
Halata rin na naghahanap na lamang ng “damay” si Corona nang maghamon ito na pipirma siya ng waiver para masilip ang kanyang mga kayamanan pati na ang mga dollar pero sa “kondisyon” na pipirma rin ng waiver ang mga kongresistang nagpa-impeach sa kanya at si Drilon.
Batid ni Corona na hindi papayag ang mga mambabatas dahil paraan lamang iyon upang malihis ang atensiyon ng publiko sa kasong kinakaharap niya. Hirit ulit ni Mang Kanor: kulang na lang pati pagpapalibing sa namatay na alagang aso, ito’y ikuwento ni Corona para makakuha ng simpatiya.
Ang pinakamahalagang bahagi ng pagharap ni Corona sa impeachment court ay nang “aminin” niya na “totoong” may dollar accounts siya na taliwas sa sinasabi niya noon.
Isa sa mga akusasyon kay Corona ay sadyang pinapaboran niya ang mga kaso ni Mrs. Arroyo bilang kabayaran niya sa paghirang sa kanya na bossing ng SC, posisyon na ayaw niyang bitawan sa halip na bigyan ng kalayaan si PNoy na pumili ng Chief Justice na kanyang pinagkakatiwalaan.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Friday, May 25, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment