Masakit ang katotohanan! | |
Sa pambihirang pagkakataon, napili ang Pilipinas ng mga pinuno ng Asian Development Bank (ADB) na dito ganapin ang kanilang pagpupulong -- isang magandang indikasyon na napapansin at bumalik na ang pagtitiwala ng malalaking organisasyon sa mundo ang ating bansa.
At dahil ito ang unang pagkakataon sa ilalim ng halos dalawang taong liderato pa lamang ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na mag-host ng pulong ng mga pinuno ng ADB, dapat lang na ibida niya ang mga nagawa na at ginagawa pa ng kanyang pamahalaan para sugpuin ang kahirapan sa Pilipinas.
Ang ADB ay kabalikat ng pamahalaan sa paglaban sa kahirapan dahil may pondong nagmumula sa kanila upang malamnan ang sikmura ng mga nagugutom. Isang halimbawa na rito ang bahagi ng pondong ginagamit ng pamahalaan sa conditional cash transfer program o pagkakaloob ng pinansyal na tulong sa mga pinakamahihirap na pamilyang Pilipino.
Katunayan, mismong si ADB President Haruhiko Koroda ay binigyan ng pagkilala ang naturang programa ng pamahalaan na nagpabago umano sa maraming buhay ng mahihirap na Pilipino. Gayunman, kailangan pa rin umano ng ibayong pagsisikap ng administrasyong Aquino para mabawasan ang bilang ng mga nagugutom sa bansa.
Pero hindi nagiging madali ang pagbangon ng bansa dahil sa lalim ng kalokohang ibinaon umano ng nagdaang administrasyon, ayon kay PNoy. Sa harap ng mga delegado sa ADB meeting, ipinabatid ng Pangulo ang maling sistema na umiral sa nakalipas ng mahigit siyam na taong panunungkulan na kanyang pinalitan.
Ayon kay PNoy, noong nakaraang administrasyon, hindi maaaring mauna ang matinong tao. Para mauna, kailangang wala kang konsensya at magpakita ng kawalanghiyaan -- iyung tipong makikipagkamay ka, pero ang kabilang kamay ay nakadukot sa bulsa.
Ika nga ni PNoy, naging talamak noon ang palakasan at lagayan para makapagsara ng kontrata. Ginawang halimbawa ng Pangulo ang walang habas na pag-angkat ng bigas na nabulok lang sa mga bodega at hindi napakinabangan ng mga nagugutom na sikmura.
***
Napag-uusapan ang pag-angat, kung noo’y isang beses na- upgrade pero anim na beses namang na-downgrade ang credit rating (antas ng pagpapautang sa Pilipinas ng mga dayuhan) sa loob ng mahigit siyam na taon ng nakaraang administrasyon; sa ilalim ng halos dalawang taon pa lamang na pamamahala ni PNoy, nakaanim na “upgrade” na sa credit ratings ang Pilipinas.
Bukod pa diyan ang ilang ulit na pagsipa ng stock market at pagtala ng highest record ng trading, malinaw na palatandaan na sumisigla na ang kalakalan at ekonomiya ng bansa. Kung sa nakaraang taon ay nagpigil o nagtipid sa gastos ang pamahalaang Aquino, ngayong taon bubuhos na ang mga programa at proyekto na inaasahang makalilikha ng trabaho.
Sa pagtaya ni Socioeconomic Planning Secretary Cayetano Paderanga Jr., ang paglago ng gross domestic product o GDP ngayong 2012 ay papalo sa 5% hanggang 6%, mas mataas kumpara sa unang inaasahan na hanggang 3.7% lamang.
Pero para sa mga kapanalig ng nakaraang administrasyon, sampu ng mga taong hindi makapag-move on sa pagkatalo ng kanilang manok -- ang ginawang pagbatikos ni PNoy sa pinalitan niyang babaeng lider ay pagtatakip lang daw sa kahinaan at kapabayaan ng kasalukuyang pamahalaan para solusyunan ang pinakamalaking problema ng bansa -- ang kahirapan at gutom.
Ngunit ang tanong ni Mang Kanor, kaninong administrasyon kaya lumobo ang bilang ng mga mahihirap at nagugutom? Batay sa datos ang insidente ng kahirapan sa bansa ay 24.4% noong 2003, dalawang taon matapos malagay sa puwesto si dating Pangulong Gloria Arroyo sa pamamagitan ng people power revolt 2.
At dalawang taon matapos naman niyang manalo sa kontrobersyal na 2004 elections, tumaas pa ang antas ng kahirapan sa 26.4%. At isang taon bago siya bumaba sa puwesto, nasa 26.5% na ang bilang ng kahirapan.
Ang malaking bilang na ito ng mga mahihirap ang hinahanapan ng solusyon ng kasalukuyang administrasyon. Kaya sa mga kapanalig ng nakaraang gobyerno, sadya nga lang sigurong masakit tanggapin ang katotohanan.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment