Monday, May 21, 2012





Simple arithmetic!
REY MARFIL



Mistulang bomba na sumambulat sa mukha ng panig ng depensa ni Chief Justice Renato Corona ang desisyon nilang ipresenta sa impeachment trial si Ombudsman Conchita Carpio-Morales bilang “hostile witness”.
Sa pagharap ni Morales sa impeachment court, lalong nadetalye ang umano’y mga dollar account ni Corona sa mga bangko na pinapaniwalaang hindi nito idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Bukod pa ito sa mga alegasyon ng mga ari-arian (gaya ng mga condo units) na hindi rin nakalista sa SALN at kung nakalista man ay sinasabing pinababa ang tunay na halaga.
Gayunman, nanindigan ang panig ng depensa na mali ang mga alegasyon laban kay Corona.
Pero sa kabila ng kanilang pagmamalaki na mahina ang ebidensiya ng prosekusyon at sila ang mananalo, sa dara­ting na Martes na ipiprisenta nila ang pinakamahalaga nilang testigo -- walang iba kundi mismong si CJ Corona.
Hindi man aminin ng depensa na malaking pagkakamali na sila mismo ang nagpatawag kay Morales bilang testigo, ang desisyon nila at pagpayag ni Corona na pumuwesto sa witness stand, ito’y nagpapakita na may mabigat na dahilan sa likod ng naturang desisyon.
Ika nga ni Mang Kanor -- si Corona mismo ang huling baraha ng depensa para maabsuwelto ito ng mga senator-judge. Subalit gaya ng ginawa nilang pagpapatawag kay Morales, hindi maaalis ang tanong na hindi kaya nagkamali muli ang depensa na isalang bilang testigo si Corona?
***
Napag-uusapan ang pagharap ni Corona, sa isip marahil ng marami, sa harap ng matinding usapin tungkol sa dollar accounts, bakit isasalang si Corona sa paglilitis tungkol sa naturang accounts samantalang may umiiral na temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court tungkol dito?
Bukod dito, protektado ng batas ang mga dollar deposits kaya hindi maaaring pilitin na magsalita si Corona tungkol dito. Ika nga ng mga kurimaw: Ang mangyayari, mistulang ku­ting na ihahagis ng depensa sa lugar ng mga leon si Corona.
Kapag isinalang na si CJ Corona sa witness stand, lantad na sila sa mga “friendly” interrogation ng mga “friendly” na senador. Pero hindi dapat kalimutan na nandoon din ang mababangis na prosekusyon at mga senador na tiyak na gigisahin siya ng napakaraming tanong -- hindi lamang tungkol sa dollar accounts kundi sa iba pang usapin ng kanyang mga ari-arian.
Sa huli, umaasa ang taong-bayan na hindi magkukubli sa mga teknikalidad ang kampo ni Corona at igigiit ang ilang batas o patakaran para makaiwas sa mga importanteng tanong. Kabilang sa mga tanong na ito ay kung totoo ba na mayroon siyang mga dollar accounts.
Kung totoo nga, kailangang ipaliwanag ni Corona kung bakit hindi ito nakasama sa kanyang SALN?
Huwag sanang igiit ng kampo ni Corona na hindi kasama sa articles of impeachment ang tungkol sa dollar accounts o iligal na nakuha ng Ombudsman mula sa Anti-Money Laundering Council ang mga impormasyon tungkol sa dollar accounts.
Simple lang naman ang tanong tungkol sa kanyang impeachment case kaya dapat maging simple rin ang sagot.
Hindi na kailangan na mag-aral ng abogasya ang mga tao para maunawaan ang simpleng sagot sa simpleng bintang kay Corona tungkol sa kanyang SALN at tila pagkampi kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na naglagay sa kanya sa puwesto, as in simple arithmetic ang isyu!
Marami sa ating mga kababayan ang naiinip na sa tele­nobela ng impeachment, marami na ang nakilala at sumisi­kat kaya nais maging senador.
Kawawa naman ang mga magsi-senador na hindi kasali sa impeachment trial at hindi sila nabibigyan ng magandang publisidad. Tapusin na ang paglilitis sa lalong madaling panahon pagkatapos na maisalang si Corona.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: