Friday, May 11, 2012





Nakatutok?
REY MARFIL





Kapuri-puri ang malaking suporta ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino III sa palakasan sa pamamagitan ng pagtiyak na makukuha ng bawat atletang Pilipino ang tamang pagsasanay at kagamitan na kanilang kakailanganin sa paghahanda sa internasyunal na paligsahan.
Tiniyak ng Pangulo ito sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng 2012 Palarong Pambansa sa Narciso Ramo­s Sports and Civic Center sa Lingayen, Pangasinan nakaraang Lunes.
Bukod sa paglalaan ng P200 milyon mula sa badyet ng Department of Education ngayong taon para sa Pala­rong Pambansa, naglatag ng plano ang pamahalaan sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa palakasan na tinatawag na 2011-2016 Philippine Sports Roadmap.
Sa talumpati ni PNoy, nakatutok aniya ang atensi­yon ng programa sa paglinang ng boxing, taekwondo, athle­tics, swimming, wushu, archery, wrestling, bow­ling, weightlifting at billiards. 
Sa kaalaman ng publiko, manggagaling ang P200 mil­yong ilalaan ng gobyerno sa 33% taunang remittance ng National Sports Development Fund.
Magagamit ang pondo para tustusan ang Philippine National Games na magbibigay sa pagkaraniwang mga atleta ng tsansa na maipakita ang kanilang kakayahan at talento para makakuha ng puwesto sa Philippine Team.
At nakakatuwa ring marinig ang paniniyak ng admi­nistrasyon na tutulungan ang mga Pilipinong nagluluwas ng saging na nahaharap sa problema ng pagdadala sa kanilang mga produkto sa China bilang resulta ng nagaganap na sigalot ng dalawang bansa sa Panatag (Scarborough) Shoal.
Makakabuti para sa kanila ang mabilis na pagkilos ng pamahalaan upang idulog ang suliranin sa kinauukulang mga ahensiya ng pamahalaan para matulungan ang mga nagluluwas ng saging sa China.
Dahil sa nagaganap na gusot, inihayag ng mga Pilipinong nagluluwas ng saging na naglatag ang China ng mahigpit na regulasyon sa mga produktong nagmumula sa Pilipinas na pumapasok sa kanilang merkado.
Nanindigan ang lokal na banana producers na maaapektuhan ang kanilang industriya kung hindi maaayos ang problema sa agawan ng teritoryo.
Sa ganitong mga problema, talagang tama ang desis­yon ni Pangulong Aquino na gamitin ang lahat ng diplomatikong pamamaraan para maresolba ang sigalot sa pagitan ng China at hindi magpasulsol sa ipinipintang giyera ng mga utak-pulbura.
***
Napag-usapan ang aksyon ng gobyerno, magandang senyales sa pagpapahalaga sa propesyon ng media ang muling paniniyak ng palasyo na bibigyang proteksiyon ang mga mamamahayag sa bansa matapos ang paggunita ng buong mundo sa World Press Freedom Day nakaraang Mayo 3.
Tama ang pamahalaan sa pagbibigay-diin na dapat manatiling buhay ang kalayaan sa pamamahayag nang hindi sinisikil.
Talaga namang kaparehas ng pamahalaan ang media sa pagbuo at pagsulong ng bansa at dapat pasalamatan si Pangulong Aquino sa pagtiyak ng kaligtasan sa pagtugon sa tawag ng tungkulin.
Positibo rin ang deklarasyon ng pamahalaan na hindi papayagan ang extralegal killings lalung-lalo na sa mga mamamahayag.
At kailanma’y hindi sinikil ni PNoy ang kalayaan sa pamamahayag lalo pa’t dito nagsimula ang career ng kanyang ama.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)


No comments: