‘Di naman magkakasakit! | |
Panibagong good news ang hatid ng inagurasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa Bato, Catanduanes ng makabagong P500 milyong halaga ng Doppler radar system upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maingatan ang kanilang mga ari-arian.
Naunang napatunayan ng mga opisyal ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na makakapagbigay ang Doppler radar system ng tamang impormasyon sa lakas ng buhos ng ulan na mayroong 95 porsiyentong “accuracy” bilang isa sa pinakabagong kagamitan sa buong mundo at ikawalo itong radar station na nailagay sa bansa.
Pinakamaganda ang pagkakapuwesto ng bagong radar system dahil nakaharap ito sa Karagatang Pasipiko kung saan nabubuo ang 95 porsiyento ng mga bagyong pumapasok sa bansa, as in makakatulong ang radar system hindi lamang sa pagtaya ng paparating na masamang lagay ng panahon kundi maging sa pagdetermina ng lakas ng ulan na instrumental sa pagkakaloob ng maagang babala kaugnay sa posibleng pagbaha.
Tunay na panibagong malaking tagumpay ito ng matuwid na daan ni PNoy na naglalayong pagsilbihan ang interes at kagalingan ng publiko na kadalasang pinagbabantaan ng natural na mga kalamidad na hindi masyadong nabibigyan ng atensyon ng dating administrasyon sa usapin ng pagtatatag ng modernong radar system.
Sa susunod na taon, target ni PNoy na maglagay ng dalawang katulad na radar system sa Aparri, Cagayan at Guiuan, Eastern Samar. Dapat nating suportahan ang magandang proyektong ito sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na pondo sa pagtatatag ng sistema na magbibigay ng maagang patalastas at babala sa paparating na masamang lagay ng panahon.
Hindi naman siguro magkakasakit ang mga kritiko kung pasasalamatan si PNoy sa pagsusulong ng ganitong programa na makakatiyak sa mga awtoridad na malaman ang lagay ng panahon, lalung-lalo na’t binibisita ng 20 hanggang 24 na bagyo ang Pilipinas bawat taon.
Hindi lang ‘yan, isa pang positibong balita ang seremonyal na pagbubukas ni PNoy ng Solong at Hitoma 1 Hydroelectric Power Plants sa Bato, Catanduanes. Makakapagbigay ang proyekto ng apat na karagdagang megawatts ng kuryente sa lalawigan gamit ang lakas ng agos ng tubig sa ilog o river currents para magkaroon ng karagdagang suplay ng kuryente ang mga residente ng Catanduanes.
Maganda ang kinakaharap ng mga residente sa Catanduanes sa isinasagawang paglinang sa natural na kuryenteng magmumula sa kalikasan. Take note: Kauna-unahan ang Solong at Hitoma 1 mini-hydro na mga planta na isinusulong ng pribadong kumpanya na Sunwest Water and Electricity Inc. sa isla sa ilalim ng special power utilities groups (SPUG) ng National Power Corporation.
Kung malilinang ang karagdagang hydropower capacity, makikilala ang Catanduanes bilang kauna-unahang island grid sa bansa na manggagaling ang malaking bahagi ng kuryente sa tinatawag na renewable source.
Sa panahong magsimula ang operasyon, makakatulong ang Solong at Hitoma 1 plants para mabawasan ng P100 milyong subsidiya sa bunker at diesel-based power generation ang konsumer sa labas ng Catanduanes. Hindi maisasakatuparan ito kung wala ang matuwid na daan ni Pangulong Aquino.
***
Napag-uusapan ang good news, sa tulong ng malaki at mataas na respeto ni PNoy sa propesyon ng pamamahayag, hindi nakakapagtaka ang ulat ng Washington-based advocacy organization na Freedom House na naglagay sa bansa sa pinakamataas na posisyon sa larangan ng kalayaan sa pamamahayag sa hanay ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya ngayong 2012.
Kinikilala nito ang inisyatibo ng pamahalaan sa pangangalaga at pagpapalakas pa lalo sa Pilipinas ng kalayaan sa pamamahayag.
Naitala ang 42% rating ng Pilipinas sa kalayaan sa pamamahayag o apat na porsiyentong pagbuti kumpara sa 46% rating noong nakalipas na taon base sa Freedom of the Press Report 2012.
Bumuti ang posisyon ng bansa sa resulta ng pag-aaral ng Freedom House dahil sa pagbaba ng karahasan laban sa mga mamamahayag, mga programa ng pamahalaan upang resolbahin ang katulad na panggigipit at pandarahas sa propesyon ng media at pagpapalawak sa pag-aari ng media.
Iniulat rin ng Washington-based advocacy organization na umangat ang pandaigdigang estado ng bansa ng limang posisyon mula 93rd ng nakaraang taon, ito’y na-ging 88th ngayong taon.
Kapansin-pansin sa internasyunal na komunidad ang magandang kalagayan ng bansa sa usapin ng buhay at iginagalang na pamamahayag.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment