Wednesday, May 23, 2012





May aksyon
REY MARFIL


Hindi ba’t nakakatuwang marinig ang mabilis na ak­syon ng pamahalaan sa pagtiyak na magiging maayos ang pagbubukas ng klase dalawang linggo bago ito mangyari sa susunod na buwan?
Sa katunayan, gagamitin ng Department of Education (DepEd) ang Brigada Eskwela at Oplan Balik Eskwela (OBE) na mga programa para mabigyan ang mga eskwelahan, mga magulang at mga estudyante ng sapat na panahon upang maghanda sa pagbubukas ng klase sa buong bansa.
Magugunitang isang taunang programa ang Brigada Eskwela (National Schools Maintenance Week), kung saan tumutulong ang volunteers sa pagkumpuni at paglilinis ng mga pampublikong eskwelahan bago magbukas ang mga klase sa Hunyo -- ito’y inilunsad noong nakaraang Lunes (Mayo 21) habang sa Mayo 28 naman sisimulan ang OBE na nag­lalayong tugunan ang lalabas na mga problema sa muling pagbubukas ng mga eskwelahan.
Tatakbo ang programang Brigada Eskwela hanggang Mayo 26 para tutukan ang sanitasyon at pagpapabuti sa kalagayan ng mga eskwelahan sa “indigenous communities”.
Tatagal naman hanggang Hunyo 8 ang Oplan Balik Es­kwela na isusulong ang mga pagpupulong, pagkakaloob ng impormasyon sa pagkakaroon ng information and action cen­ter (IAC) sa pangunahing tanggapan ng DepEd sa Pasig City.
Makakatuwang naman sa mga programa ang Philippine National Police, Department of Health, Department of Interior and Local Government at Department of Public Works and Highways para tiyakin ang seguridad at kaayusan sa pagbubukas ng klase.
Kaya’t makakabuting makiisa ang mga Filipino sa pamamagitan ng pagiging boluntaryo sa mga programang ito.
***
Napag-uusapan ang good news, makatwirang batiin si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa malaking ayudang nakuha ng mga programa nito kontra sa kahirapan kamakailan matapos ipalabas ng Asian Development Bank ang P480 mil­yon para sa lalawigan ng Albay.
Gagamitin ang pondo na matatanggap ng Albay mula sa ADB para sa implementasyon ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) na programa.
Alinsunod ang KALAHI-CIDSS na programa sa ipinapatupad na conditional cash transfer (CCT) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Magandang balita rin ang pagpapalabas ng pamahalaan ng P318.5 milyon upang linangin ang pasilidad ng mga ospital sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Hindi lang ‘yan, good news din ang inaprubahang P30 additional cost of living allowance (COLA) para sa mga mang­gagawa sa Metro Manila -- ito’y bahagi ng pagsusumikap ng administrasyong Aquino na tulungan ang minimum wage earners na makasabay sa nangyayaring pagtaas ng mga pa­ngunahing bilihin.
Kamakailan, inapruabahan ng wage board sa National Capital Region ang karagdagang P30 na COLA para sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Ipatutupad ng Tripartite Wa­ges and Productivity Board-NCR ang karagdagang COLA sa dalawang tranches kung saan ibibigay ang unang P20 sa loob ng 15 araw matapos mailabas sa mga pahayagan ang anunsyo ng kautusan habang sa susunod na anim na buwan naman ang nalalabing P10.00.
Nangangahulugan na masusundan ng P30 ang naunang P22 COLA na ibinigay noong nakalipas na taon.
Dahil dito, maitataas na ang arawang minimum wage sa Metro Manila sa P426 o umentong halos P900 kada buwan para sa mga manggagawa sa NCR.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: