Friday, October 28, 2011

May row four pa rin!
REY MARFIL

Sa 3rd survey ng Social Weather Stations (SWS), ipinapakitang mas marami ngayon ang nakakakita at nakakaintindi sa ginagawang reporma ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III, maliban kung sadyang mutain o kaya’y “row four”, malapit sa basurahan ang mga kritiko nito.

Lumabas sa survey ang malaking pagtaas sa public satisfaction rating ng administrasyong Aquino -- ito’y napakalayo sa nagdaang survey kahit pa ikumpara sa mga naunang naupo sa puwesto.

Take note: Nakakuha ang administrasyong Aquino ng positibong 56% net satisfaction rating mula sa hanay ng 1,200 respondents na tinanong ng SWS mula Setyembre 4 hanggang 7.

Nakakuha ang pamahalaan ng 11 points na pagtaas kumpara sa nakalipas na yugto na umabot lamang ng positibong 45% at isinalarawan ng SWS ang +56-net satisfaction rating na “very good” -- ito’y panibagong magandang balita sa pamahalaan at pagkilala sa magandang ginagawa ng administrasyon na sinusugpo ang kahirapan at katiwalian.

Kung manatili tayong nakatayo at nagkakaisa na suportahan ang magandang ginagawa ng pamahalaan at imintina ang paglahok sa mga programa tungo sa kaunlaran, hindi malayong maihanay ang Pilipinas sa mga kalapit-bansang tinitingala, katulad ng Singapore.

Ipinapakita rin ng survey na nanatiling pinakamataas ang kasalukuyang net satisfaction rating ng pamahaalan kumpara sa nakalipas na mga administrasyon sapul nang simulan ng SWS ang survey noong Peb­rero 1989.

Malinaw na mahihimok ng magandang resulta ang pamahalaan na lalo pang pagbutihin ang kanilang trabaho para maisulong sa buong bansa ang inaasam na kaunlaran.

***

Napag-usapan ang reporma at pagbabago, masuwerte ang sambayanang Filipino sa pagkakaroon ng katulad ni PNoy -- isang lider na merong malakas at hayagang posisyon na isulong ang ‘Pantawid Pamil­yang Pilipino Program’ o 4Ps sa kabila ng samu’t sa­ring pag-iingay ng mga “neverheard senatoriables” bilang preparasyon sa 2013 elections.

Makatwirang suportahan ng publiko, sampu ng miyembro ng Dalawang Kapulungan ng Kongreso ang programa -- ito ang pangunahing kapital ng bansa upang matulungan ang mga mahihirap at tanging pagpapatuloy sa programa ang solusyon para bawasan ang kahirapan sa Pilipinas.

Sa hindi pa rin makaintindi sa programa, sa pa­ngunguna ng mga nagbabalak tumakbong senador sa 2013 elections -- isang paraan sa pagsugpo ng kahirapan ang 4Ps at nagsusulong ng kaunlaran sa pamamagitan ng pagbibigay ng conditional cash grants sa labis na mahihirap at pagpapabuti ng kanilang kalusugan, nutrisyon, edukasyon, partikular sa mga bagong panganak hanggang 14-anyos.

Ibig sabihin, inisyal na sagot sa pangngailangan ng mga mahihirap ang “Pantawid program” -- ito ang magsisiguro sa magandang kinabukasan ng mara­ming mga Filipino, maliban kung gusto ng mga kritiko ni PNoy na sila lamang ang kumakain ng tatlong beses kada araw?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: