Ang ‘KJ’ ni Pedring! | |
Aminin o hindi ng mga kritiko ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, sa pangunguna ng mga ambisyoso at ambisyosang mag-senador sa 2013 mid-term elections, gamit ang media mileage kahit wala sa ayos ang mga argumento sa bawat sinasakyang isyu, napakalaki ang pinagbago ng pagtataya sa lagay ng panahon, maliban kung sadyang “followers” ng “bali-balikong daan” dahil patuloy na pinakikinabangan ang dating amo kaya’t bulag at bingi sa mga reporma at pagbabago?
Ipinakita ng pamahalaan ang kahandaang iwasan ang mas maraming trahedyang dulot ng mga kalamidad dahil sa mga pagbabagong inilunsad sa weather bureau.
Sa pamamagitan ng kautusan ni PNoy, masusing binantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang lagay ng panahon para matiyak ang tamang pagtataya bilang bahagi ng kanilang responsibilidad na protektahan ang mga Pilipino.
Bagama’t “zero” ang love life ni PNoy, “sakto” ang mga pagtataya ng bureau (PAGASA) kaya naman maganda ang naging responde ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Interior and Local Government (DILG) sa sitwasyon at pangangailangan ng publiko sa panahon ng bagyo at matinding pag-ulan.
Malinaw ang ebidensiya, matindi ang ipinakitang dedikasyon ng administrasyon ni PNoy upang gawing moderno ang pagtataya sa lagay ng panahon. Ang problema lamang, mas matigas pa sa adobe ang ulo ng ilan nating kababayan kaya’t hindi maaabot ang “zero casualty” tuwing hinahagupit ang Pilipinas ng sangkanterbang bagyo.
Suriin ang pagbahang dulot ng bagyong Pedring at Quiel -- katigasan pa rin ng ulo ang rason kung bakit nauwi sa malaking bedroom ang bubungan ng mga bahay nito. Ibig sabihin, hangga’t hindi natututo ang publiko, nagsasayang lamang ng laway ang gobyerno at walang katapusan ang pagmamakaawang lumikas ang mga ito.
***
Napag-uusapan si Mang Pedring, hindi lang mga taga-Central Luzon, Northern Luzon at Metro Manila ang winasiwas ng bagyo, bagkus, ang buong sambayanang Pilipino, as in numero unong biktima si PNoy, aba’y sinira ang lahat ng pinaghirapan sa Japan kaya’t hindi napansin ng publiko ang kaliwa’t kanang good news at naiuwing foreign investment.
Matagumpay ang 4-day working visit ni PNoy sa Japan at napakainteresado ng mga Hapong magnegosyo sa Pilipinas, patunay ang naiuwing $1.4 bilyong puhunan at suporta sa multilateral solution sa pinag-aagawang Spratly Islands subalit “napaka-KJ” (kill joy) ni Mang Pedring, aba’y nang-agaw ng eksena at tinakpan ang headlines, sa pamamagitan ng pananalasa sa Metro Manila at pagkalubog ng US Embassy sa Roxas Boulevard.
Walang duda -- isang malaking tagumpay ang biyahe ni PNoy sa Japan -- ito’y ginastusan lamang ng P20 milyon at maituturing na “bengkong” o mas mababa pa sa barya kapag ikinumpara sa $1.4 bilyong nasungkit ng mula sa sektor ng enerhiya, manufacturing at serbisyo para sa bansa.
Take note: Resulta ng “36 meetings” ang foreign investment na bitbit ni PNoy pabalik ng Pilipinas -- iyan ba ang walang ginagawa?
Sa $1.4 bilyong naiuwi ni PNoy, nakapaloob ang P5.87 bilyong disaster management project -- ito’y napakalaking tulong lalo pa’t “favorite destination” ng mga bagyo ang Pilipinas.
Ang good news sa lahat, tuloy ang multi-bilyong development assistance at mismong si Prime Minister Yoshihiko Noda ang nag-announce.
Mantakin niyo, kahit nilindol at tinamaan ng tsunami, hindi nabasawan ang financial assistance. Ngayong taon lang, umabot sa $3 bilyong ODA aid ang ipinagkaloob ng Japan.
Higit sa lahat, napakaimportante ang Japan trip ni PNoy, aba’y bibihirang tao ang makasama sa pananghalian si Emperor Akihito -- ito’y nangyari sa Imperial Palace at hindi nararanasan ng ibang mga lider ng iba’t ibang bansa!
Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment