Tamang pagtitipid! | |
Dahil sa matalinong pamamaraan ng paggugol ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa pampublikong pondo na malayo sa nakagawian ng mga dating nakaupo sa puwesto, multi-bilyong piso ang natipid ng gobyerno at hindi kailangang magmakaawa sa mga dayuhan o mangutang sa tuwing nagkakaaberya ito.
Kung tutuusin, hindi nakakapagtaka ang magagandang nangyari dahil matagumpay ang kampanya ni PNoy sa pagsupil sa katiwalian sa gobyerno. Kaya’t ang tanong ng mga kurimaw: Bakit hindi matanggap ng mga kritiko ang pagbabago at repormang ginagawa ni PNoy, maliban kung “believers” ng maling pamamahala sa nagdaang panahon?
Hindi ba’t kapuri-puri ang desisyon ni PNoy na ipatupad ang karagdagang P72.11 bilyong “stimulus package” para sa mga proyekto kung saan mabilis ang implementasyon para mapalago ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng nangyayaring paghina ng pandaigdigang ekonomiya na pinalala ng nakalipas na natural na mga kalamidad.
Nakikita ni PNoy na hindi sapat ang paggugol ng pamahalaan sa pampublikong pondo kaya’t agarang nagdesisyong ipalabas ang P72.11 bilyon para lalong lumago ang ekonomiya. Nakapaloob ang mabilis pero matalinong paggasta ng pampublikong pondo sa importanteng mga proyekto sa Disbursement Acceleration Plan para sa 2012.
Kahit walang tubo ang pangungutang kapag naideklarang state of calamity ang isang lugar, hindi kailanman sumagi sa isipan ni PNoy ang manghiram ng pera sa World Bank (WB) para sa rehabilitasyon ng mga lalawigan at bayang sinalanta ng dalawang bagyo -- ito’y kabaliktaran sa nagdaang panahon.
Dati-rati’y konting ulan lang at pagbaha dahil nabarahan ng mga basura o plastic ang kanal at estero, “ngising-aso” ang mga nakaupo sa puwesto, aba’y merong pagkakakitaan ang mga ito, as in awtomatikong nangungutang kung kaya’t nagkabaun-baon ang gobyerno, mapapera o utang na loob sa kung sinong Pontio Pilato. Ika nga, “may tubo o wala -- ito’y utang pa ring babayaran”.
***
Napag-uusapan ang pondo, kabilang sa mga proyekto ang ilang kritikal na public works at imprastraktura sa agrikultura, pabahay, relokasyon at resettlement projects, karagdagang pondo para suportahan ang local government units (LGUs), rehabilitasyon ng rail systems, proyekto para sa usapang pangkapayapaan, insurance ng kalusugan ng mga mahihirap at human resource development training, at iba pa.
Sa kabuuang P72.11 bilyon, nakapaloob ang P37.92 bilyong ibibigay sa mga ahensiya ng pambansang pamahalaan; P7.25 bilyon sa LGUs; at P26.90 bilyon sa government-owned and controlled corporations (GOCCs).
Kukunin ang pondo sa pinagsama-samang natipid na mga pera sa hindi nagamit na salapi sa ilalim ng kasalukuyan at maging ang 2012 na pambansang badyet. At maglalaan ang Department of Agriculture (DA) ng P1.62 bilyong halaga para sa pagpapanatili ng irigasyon, farm-to-market roads at ibang imprastraktura.
Ipapalabas rin ang karagdagang pondo para sa Mindanao Rural Development Project sa halagang P919 milyon at Agno River Integrated Irrigation Project na umaabot sa P411 milyon.
Magsasagawa naman ang Department of Budget and Management (DBM) katuwang ang National Statistics Office, DA at Department of Agrarian Reform (DAR) ng National Survey of Farmers and Fisherfolk -- ito’y nagkakahalaga ng P625 milyon.
Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment