Wednesday, October 19, 2011

May kuryente!
REY MARFIL

Sa laki ng problema sa power sector, simula ng mauso ang gobyerno, kahit sinong maupong Pangulo -- ito’y isang ma­laking adobeng nakapasan sa balikat ng Department of Ener­gy (DOE) kaya’t makatwirang papurihan si Secretary Jose Rene Almendras, aba’y naninindigan sa resonableng si­ngil ng kuryente sa Pilipinas lalo’t masyadong kumplikado at masalimuot ang usaping ito.

Lagi tayong nahaharap sa katanungan kung talagang tumataas o bumababa ang singil sa kuryente. Nasa tamang panahon para ipakita ng DOE ang mandato nito para tiyaking mababa at tuluy-tuloy ang serbisyo ng kuryente sa buong bansa -- ito ngayon ang pinagkakaabalahan ni Sec. Almendras, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.

Lingid sa kaalaman ng nakararami, dinedetermina ang singil sa kuryente, base sa generation charge, transmission charge at distribution charge. Kaya’t tinitiyak ng administrasyong Aquino na merong sapat na suplay ng kuryente at maipatupad ang mga programa para pahinain ang epekto ng mataas na singil sa kuryente.

Kasalukuyang nire-review ng DOE ang bilateral contract structures na magtatatag ng reward system para mas maging epektibo ang generators service. Nakapaloob ito sa rewards generators na magiging savings ng mga konsumer kinalaunan.

Pangalawa, iginiit ni Sec. Almendras ang pangangaila­ngan kaugnay sa tuluy-tuloy na pagtutol sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) para matiyak na tama ang presyo ng kuryente base sa umiiral na mga panahon.

Layunin na maging independent market ito. Pangatlo, inulit ni Sec. Almendras ang maigting na pagrebyu ng DOE sa aplikasyon para sa Universal Charge (UC) at posibleng mga pamamaraan upang mabawasan ang epekto nito.

Pang-apat, magkaroon ng kuryente sa malalayong mga lugar sa bansa. Pinakahuli, masigasig ang hakbang ng kalihim ng DOE na harapin ang mga hamong kinakaharap ng electric cooperatives at itinutulak ng DOE ang amyenda sa National Electrification Administration (NEA) Charter para mas maging epek­tibo ang operasyon ng electric cooperatives sa buong bansa.

***

Napag-uusapan ang kuryente, kabahagi ng P72 bilyong stimulus fund na ipapalabas ni PNoy ang P6.5 bilyong nakalaan sa LGUs na labis na dumedepende sa kanilang Internal Re­venue Allotment (IRA) -- ito’y gagamitin sa konstruksyon ng arterial roads na magkokonekta sa national road; kuryente sa mga barangay at sitio; at iba pang prayoridad na mga programa na merong agarang epekto sa buhay ng mga mahihirap.

Ilalaan rin ang P750 milyon sa paglinang sa Quezon pro­vince, alinsunod sa pag-aayos sa utang sa buwis ng National Power Corporation (Napocor) habang tatanggap ng P11.05 bilyon ang National Housing Authority (NHA) para sa iba’t ibang programang pabahay, kabilang ang P10 bilyon para sa pabahay ng mga taong nakatira sa delikadong mga lugar at P500 milyong pabahay ng mga kasapi ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) personnel.

Upang suportahan ang premium subsidies ng mga mahihirap sa ilalim ng National Health Insurance Program, P1.5 bilyon ang ilalaan na kabayaran sa mga obligasyon ng national government at makakatanggap ng P249 milyon ang Department of Health (DOH) para sa pagkuha ng nurses at kumadrona na magsisilbi sa malalayong mga lugar sa bansa.

Mabibiyaaan naman ng P1.1 bilyon ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ibang ahensya para makapareha ang iba’t ibang industriya, lalung-lalo na ang Business Process Association of the Philippines for Human Resource Development.

Umaabot sa P425 milyon ang maibibigay sa pagpapabuti ng kapasidad ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), partikular sa pag­linang ng Doppler radar network at pagtatatag ng National Meteorological and Climate Center, gamit ang makabagong mga kagamitan sa pagtaya ng lagay ng panahon.

Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: