Thursday, October 27, 2011

Sumakto ang mga mahistrado!
REY MARFIL

Sa gitna ng karahasang naganap sa Mindanao, ‘good news’ ang desisyon ng Korte Suprema, pabor sa pagpapaliban ng eleksyon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at pagtatalaga ng mga opisyal na pansamantalang mangangasiwa rito -- isang panimula para wakasan ang katiwalian at kahirapang nag-uudyok ng kaliwa’t kanang kaguluhan at terorismo sa rehiyon.

Sa desisyon ng mga mahistrado na magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na magtalaga ng bagong mga opisyal sa ARMM, sa pamamagitan ng 8-7 votes -- ito’y magreresulta ng epektibong reporma sa rehiyon at maiiwasan ang karasahan, katulad ng nangyayari sa ilang bahagi ng Mindanao.

Nakakatiyak ng bagong pag-asa para sa mga kababa­yan natin sa ARMM ang deklarasyong legal ang Republic Act (RA) No. 10153 o batas na nagsuspinde sa halalan sa ARMM, as in isasabay sa 2013 mid-term election sa halip Augusto 8 ngayong taon.

Napakalaking bagay sa isinusulong na reporma ni PNoy ang pagpapaliban sa ARMM elections dahil tiyak na mahusay at matinong lider ang itatalaga, sinuman ang mapili nito. Ipinapakita sa desisyon ng mga mahistrado na kumapit sa hudikatura ang repormang ipinagla­laban ni PNoy at positibong impluwensiya ng administrasyong Aquino sa Supreme Court (SC), partikular ang ‘Daang Matuwid’.

Higit sa lahat, makikita rin ito bilang suporta ng hudikatura sa reporma ni PNoy sa kabila ng bangayang namagitan sa mga spokesman nito. Sa dulo nito, umaasa ang publiko na magiging mas maganda ang relasyon ng Korte Suprema at Palasyo na magpapatatag din sa pamamahala sa ARMM.

***

Napag-usapan ang good news, dapat suportahan ng publiko ang paninindigan ni PNoy na ibasura ang alok na muling bilhin ng gobyerno ang Petron Bataan refi­nery lalo pa’t hindi mapaglilingkuran ang interes ng nakakarami dahil higit na mas mura ang umangkat ng mga produktong petrolyo katulad ng ginagawa ng maliliit na mga kompanya sa halip na imintina ang mahal na ope­rasyon ng processing plant.

Ibig sabihin, mas makakaperwisyo sa halip na maka­tulong ang muling paghawak sa refinery at hindi mabibigyan ng solusyon ang patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

At hindi maiwasan ang senaryong plano ng Petron na mang-angkat na lamang ng mga produktong petrolyo sa halip na isailalim sa proseso ang krudo sa mahal nilang refinery. Ganito ba ang corporate responsibility na nais ipakita ng Petron sa publiko? Nakakagalit at dapat kondenahin ito.

Makatwirang manatili rin ang gobyerno bilang tagabantay sa halip na magpatakbo ng refinery alang-alang sa interes ng publiko. Naniniwala ang inyong lingkod na magreresulta ang muling pagbili sa Petron sa karagdagang pasanin ng publiko. Ika ng mga kurimaw: kung kumikita ang negosyo, ito ba’y ibebenta mo, maliban kung nabubutas ang iyong bulsa sa kaaabono?

Aminin o hindi ng mga top executives ng Petron, malinaw ang katotohanang hindi na masaya ang kanilang kumpanya sa kasalukuyang sitwasyon kaya’t nais nitong dispatsahin ang Bataan refinery.

Dapat maging sensitibo ang pamunuan ng Petron sa sentimiyento ng mga tao at hindi dapat na ipasa sa publiko ang bigat na mistulang kanilang dinadala ngayon.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy nyo”. (mgakurimaw.blogspot.com)




No comments: