‘Wrong mistake’ | |
Ipinakita ng pinakabagong resulta ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS) survey ang malakas na suporta ng publiko kay Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino dahil sa maaayos nitong pamamalakad sa pagsusulong ng mga polisiya sa ekonomiya at programa ng pamahalaan.
Nangangahulugang nagsisimula nang maramdaman ng mga tao ang positibong resulta ng magagandang mga polisiya, lalung-lalo na ang mga mahihirap. Take note: Nakakakuha rin ng magandang suporta ang Conditional Cash Transfer (CCT) at iba pang pro-poor programs ni PNoy dahil sa matuwid nitong pamamalakad sa bansa.
Sa kabuuan, hindi nakakapagtakang tumaas ang ratings ni PNoy lalo’t matindi ang kampanya nito laban sa katiwalian, transparency at magandang pamumuno na kitang-kita namang sinusuportahan ng mga tao. Ika nga ng mga naglipanang kurimaw sa Batasan Complex, isang malaking “wrong mistake” ang pag-atake kay PNoy.
Positibong mga bagay ang ipinahahayag ng resulta ng dalawang surveys tungo sa isang progresibong Pilipnas habang naghihingalo naman ang ekonomiya ng buong mundo. Ipinapakita rin ng surveys ang malakas na pananalig at pagtitiwala ng mga tao sa liderato ni PNoy na hindi humihina kundi lalong lumalakas.
Sa resulta ng Pulse Asia survey na tinawag na Ulat ng Bayan at isinagawa mula Agosto 20 hanggang Setyembre 2, lumilitaw ang mataas na approval rating ni PNoy -- ito’y pumalo sa 77% habang 75% ang trust rating, mas mataas kumpara sa naitalang resulta ng parehong survey mula Mayo 21 hanggang Hunyo 4 kung saan 71% ang approval at trust ratings.
Sa SWS survey naman na isinagawa nitong Setyembre 4-7, tumaas ang net satisfaction rating ni PNoy mula 46%, ito’y umakyat sa 56% noong Hunyo, sapat upang tumaas ang klasipikasyon nito mula “Good” tungong “Very Good”. Ang problema lamang, hindi kayang tanggapin ng mga kritiko ang pagtaas ng approval rating at trust rating ni PNoy, sampu ng mga hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 national elections kaya’t kaliwa’t kanan ang pagkahol.
***
Napag-uusapan ang “wrong mistake”, hindi natin binubusalan ang karapatan ng mga empleyado ng PAL na ihayag ang kanilang mga hinaing. Makikipaglaban tayo sa kahit kaninong magkakait sa kaninuman ng karapatang ihayag ang saloobin. Ang punto lamang, may mga tamang paraan at angkop na pagkakataon upang gawin ito.
Kapag ang pagpapahayag ng hinaing ay nag-umpisa nang sumaklaw sa karapatan ng ibang ipagpatuloy ang daloy ng buhay at unti-unti nang napaparalisa ang patuloy na pag-inog ng kalakalan at pambansang ekonomya -- ito’y ibang usapan.
Ang strike ng PALEA sa kasagsagan ng pagdaluyong ng bagyong Pedring ay hindi simpleng pananabotahe sa management ng PAL -- ito’y pagpapakita ng kalyo’t kamanhiran sa sentimiyento ng iba’t karamihan.
Sa panahong bawat Pilipino dapat sana’y nagkakapit-kamay upang itawid ang mga nasalanta sa mas maayos na kalagayan, may mga kababayan tayong tinahak ang landas ng mga makasarili’t gahaman.
Hindi naibsan ng strike ang sinapit ng buong Luzon ng sinabay nila ito sa pananalasa ng bagyong Pedring. Maikukumpara pa nga ito sa asing pinahid sa sugat, lalong nagpaibayo ng kirot sa bansa habang itoy binabagyo’t may sinat dala ng virus ng Eurozone financial collapse. Tamang kaparaanan sa maling pagkakataon.
Itaga niyo sa bato at ito’y sigurado. Nakikinita na naman nating malinaw pa sa bolang kristal na uulit-ulitin na naman ng mga kritiko ni PNoy ang walang habas na pag-upak sa mga aktibidades nito sa ibayong-dagat nang mga nagdaang araw. Sa palagay nila’y aaray ang panguluhan sa mga punang walang basehan.
Ang hindi nila maaaring pasubalian ay ang mga buting naidulot ng mga inisyatibong ito ni PNoy upang patibayin ang mga depensa ng bansa laban sa krisis pang-ekonomiya na halos lahat ng bansa sa mundo ay apektado ngayon. Dagdag investment sa negosyo’t kalakal mula sa Japan -- iyan ang habol ng tropa ni PNoy sa Japan.
Gumastos man sa isang biyaheng pinatipid, ito’y kakapiranggot sa maiuuwing gana para sa bansa. Ika nga’y nangangapital lamang tayo ng may ibayong pag-iingat. Sa laki kasi ng potensyal na benepisyong matatamasa ng bayan mula sa investment market ng Japan, katangahan na ang magpahuli sa mga ekonomiyang humahakot ng pamumuhunan mula sa bansang ito.
Ang isa pang hindi nila maaaring itanggi o pasinungalingan ay ang maagang pagkilos ng Pangulo upang pangunahan ang mga preemptive measures upang maibsan ang pinsala ng dalawang kalamidad na dadaan sa ating bansa.
Hindi lihis o may disconnect ang mga hakbang ng pamahalaan sa pangunguna ni PNoy gaya ng ipinagpipilitan ng mga alipores at bataan ng mga kawatan. Ang katotohanan dito’y sakto, walang aling at swak na swak sa tawag ng panahon ang mga hakbangin ng Pangulo.
Ganito maisasalarawan ang panguluhan ngayon. Kung noon ay naghihintay ng sakuna bago magkumahog ang pamahalaan, ngayon ay pinagsusumikapang walang maperwisyong mga kababayan sa kalkulado ngunit maagang paghahanda at bagong kaparaanan.
“Pre-emptive at Proactive” kumpara sa “Relaxed at Reactionary”. Hindi ba napakalaki nitong kaibahan?
Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment