Friday, October 21, 2011

Pamana sa NAIA!
REY MARFIL

Dapat suportahan ng publiko ang aksyon ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na imbestigahan ang P2 bilyong hindi awtorisadong “interconnectivity fees” na kinolekta ng Stradcom bilang kabayaran para sa tinatawag na government-owned data.

Bagama’t paksa na ito ng litigasyon, tamang isapinal ng DOTC ang legal nitong posisyon laban sa maling paniningil kaya’t makatwirang papurihan ang determinadong kampanya ng administrasyong Aquino na pigilan ang hindi tamang nakagawian.

Sa kaalaman ng publiko, ipinasa ng Commission on Audit (CoA) ang ulat nito sa legal na grupo ng DoTC na pinamumunuan ni Undersecretary Jose Perpetuo Juju Lotilla para sa masusing imbestigasyon at tamang aksyon ng kinalaunan, as in dapat merong parte ang pamahalaan sa kinita ng Stradcom sa interconnectivity fees, ngunit wala namang nakuha kahit isang sentimo.

Hindi naman madetermina ng Land Transportation Office (LTO) ang eksaktong interconnectivity fees na nakuha ng Stradcom dahil pribado ang naging transaksyon. Ngunit base sa koleksyon noong 2007 hanggang 2011, umabot sa tinatayang P2 bilyon ang nakolekta base na rin sa ulat ng CoA.

Hindi lang ‘yan, dapat matuwa ang publiko sa ipinalabas na datos ng Asia 2020 Report -- isa sa pinakamalaking financial services groups DBS Group Holdings Ltd, nagsasabing maaaring lumago ang ekonomiya ng 80% sa 2020 kung saan posibleng maging P6% ang GDP growth.

Nangangahulugang tama ang mga pundasyon sa ekonomiya ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na nakabase sa pagsugpo ng katiwalian, alinsunod na rin sa natatanggap na magandang pagkilala ng gobyerno para sa respetadong ins­titusyon.

Kinilala ng ulat ang reporma sa pananalapi ng pamahalaan at pamumuhunan sa public-private partnerships, kabilang, ang sobrang kampanya sa transparency at accountability.

***

Napag-usapan ang pagtutuwid ng DOTC, hindi kaila­ngan maging Harvard graduate para maintindihan kung bakit bi­nansagang “worst airport” ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) -- ito’y Nababasa at Nasusulat, aba’y balikan ang mga kaganapan sa nagdaang taon, meron bang ginawang aksyon ang gobyerno?

Kung ikumpara ang kalagayan ng NAIA ngayon, ‘di hamak malaki ang nabago. Take note: Mismong si Ted Failon ang nagpapatotoo kung paano unti-unting inaayos ni Gene­ral Manager Honrado ang pasilidad sa paliparan.

Bagama’t mali ang mabuhay sa nakaraan, hindi maiwasang balikan ng mga kurimaw ang nagdaang 9-taon. Kung meron ginawang aksyon ang nagdaang gobyerno, sana’y hindi “worst airport” ang NAIA ngayon?

Sa ocular inspection ni PNoy sa NAIA, ilang buwan makaraang maupo sa MalacaƱang -- hindi naitago ng Pangulo ang madismaya at mairita nang makitang bungi-bungi ang mga urinal at toilet bowl, walang tubig, sira ang gripo at bakbak ang tiles -- ito ang isa sa misyong napagtagumpayan ni Hondrado sa NAIA subalit paano pagagandahin at gagawing mo­derno ang paliparan kung sadyang luma at hindi inaalagaan ng mga dating namamahala?

Kung inaalagaan ang NAIA sa nagdaang 9-taon, hindi lalaki ang sira at lalong hindi lalaki ang gastos ng gobyerno para sa rehabilitasyon at pagkukumpuni nito. Kaya’t ang hamon ng mga kurimaw:

Ngayon mag-ingay at magmagaling ang mga kritiko ni PNoy, sampu ng mga nakinabang sa nagdaang administrasyon para magkaalaman kung bakit “pagka-pangit” ang paliparang pinagbuwisan ng buhay ni dating senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr., na nagsilbing simula ng pagbabago.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: