Friday, October 7, 2011

Mabuting ehemplo!
REY MARFIL


Tanging nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan ang hindi nakakaalam sa malaking tiwalang ibinibigay ng buong mundo sa administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino -- isang patunay ang parangal kina Finance Secretary Cesar Purisima at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Amado Tetangco Jr.

Kinilala bilang “Finance Minister of the Year for Asia 2011” si Purisma habang isa sa “World’s Best Central Bankers for 2011” si Tetangco ng New-York based publication Global Finance magazine.

Kaya’t ngayon, mag-ingay ang mga nag-aakusa ng “kaklase, kaibigan at kabarilan” o “KKK ng Pangulo”, maliban kung sadyang nakasanayang makita at makasama ng mga kritiko sa mahabang panahon ang mga “kotongero, kasabwat at kurakot”?

Sa simpleng explanation, ang parangal kina Purisma at Tetangco -- ito’y ilan lamang sa mga tagumpay na inaani ng Pilipinas sa pandaigdigang komunidad dahil sa “matuwid na daan” ni PNoy.

Kung sablay ang nakaupong Pangulo, kahit magta-tumbling sina Purisma at Tetangco, hindi mapapansin ng international community ang kanilang “effort” at siguradong hindi rin magtatrabaho ng matino dahil nakasalalay sa leadership ang bawat pagkilos.

Sa kaalaman ng publiko, kinilala ng London-based ma­gazine Emerging Markets si Purisima bilang “Finance Mi­nister of the Year for Asia 2011” na tinawag ring positibo dahil sa paniniwalang kayang bawasan ang pambansang kakulangan sa pondo nang hindi nagtataas ng buwis.

Take note: Si Purisima rin ang malaking rason kung bakit maayos ang promosyon ng Pilipinas sa mga foreign investors at kung bakit gumanda ang pagtiyak ng kaunlaran.

Nang italaga si Purisima noong Hunyo 2010, minana nito ang inaasahang P345 bilyong budget deficit sa pagtatapos ng taon subalit naibaba sa P315 bilyon, ‘di hamak na mas maliit pa ng P10 bilyon sa kanyang tinayang P325 bil­yon sa pagtatapos ng taong 2010.

Kinialala naman si Tetangco dahil sa pagkakakuha ng “A grade” sa ikatlong sunod na pagkakataon sa loob ng anim na taon. Isa si Tetangco sa 6 na mga mahuhusay at magaga­ling na central bankers na binigyan ng parangal, kabilang ang mga opisyal sa Australia, Israel, Lebanon, Malaysia at Taiwan.

***

Napag-uusapan ang mga papuri at parangal, makatwirang batiin si PNoy sa pagbibigay ng karangalan sa bansa, isang halimbawa ang huling pagbisita sa Amerika -- ito’y pinagkalooban ng “doctor of laws” sa Fordham University noong nakaraang Setyembre 20, kahanay ang mga maga­galing at tinitingalang lider sa buong mundo.

Aminin o hindi ng mga kritiko, pinili si PNoy ng Fordham University dahil sa kanyang hindi makasarili at matinding paninindigan na isulong ang demokrasya, alituntunin sa batas at pagkalinga sa mahihirap na mga tao para maisulong ang mga reporma sa bansa.

Saksi ang inyong lingkod, sampu ng 23-media delegation, matinding palakpakan at standing ovation ang respetong ibinigay kay PNoy, kinabibilangan ng mga opisyal ng Fordham University, mga Filipino-American at banyagang mag-aaral, mga magulang at iba pa -- ito’y nangyari sa pagsisimula hanggang sa pagtatapos ng programa.

Higit sa lahat, kasama ang pangalan ni PNoy sa tinatawag na alamat ng mga lider sa mundo, katulad nina dating United States Presidents John F. Kennedy, Harry Truman at Franklin Roosevelt, at iba pa sa “41-elite group” na mga pinuno ng iba’t ibang bansa na nakakuha ng kaparehong parangal sa Fordham University.

Nakasama rin ni PNoy ang mga dating lider ng bansa na nakakuha ng parehong parangal sa Fordham University -- ang inang si dating Pangulong Corazon ‘Cory’ Aquino, dating Pangulong sina Elpidio Quirino, Ramon Magsaysay, Carlos Garcia at tatlong iba pa.

Inukit ang pangalan ni PNoy sa 19 steps na “Terrace of the President” sa loob ng Fordham University katabi ng pangalan ng kanyang ina.

Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: