Damay ang makialam! | |
Tama si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na ibasura ang pagsusulsol na maglunsad ng todong digmaan o all-out war laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) subalit hindi nangangahulugang palulusutin ng gobyerno ang ginawang kabuktutan ng grupong responsable sa pagkamatay ng labing-siyam (19) na sundalo sa Al-Barka, Basilan.
Makaraang makaharap ang pamilya ng mga sundalong minasaker sa Basilan noong Biyernes ng gabi sa Libingan ng mga Bayani, Fort Bonifacio, Taguig City, binigyaang diin ni PNoy ang paghahanap ng hustisya. Malinaw ang mensahe ng Pangulo, damay ang sinumang makikialam sa pagtugis ng pulisya at militar sa grupong promotor sa madugong ambush, as in matitikman ang lupit ng estado.
“‘Yung mga akalang makakalusot dito, palagay ko madadama nila kung ano ang ibig sabihin kapag nakatutok ang estado sa pagtutugis sa kanila. Hindi ko ipapangako sa inyo na bukas, makalawa, ibig sabihin in 24 hours, in 48 hours, hindi ko po istilo ‘yun, hindi ko po usong manloko. Pero ginagarantiya ko po na lahat ng tutugusin ng estado, makukuha po natin.”
“`Yun naman ho sa gustong makihalo pa dito sa kaguluhan na ito, hindi ho rin kayo sasantuhin maski sino pa kayo. ‘Pag kayo po ay tumulong doon sa mga hinahabol ng estado, kasama na rin po kayo sa kumakalaban sa estado at tutugisin rin kayo” -- ito ang banta ni PNoy sa ilang bugok na miyembro ng MILF.
Kailangang balansehin ng gobyerno ang bawat panig at sitwasyon, as in makatwirang i-abot ni PNoy ang kamay sa rebeldeng grupo sa halip na makipagbakbakan na magreresulta upang lumala ang problema sa bansa. ‘Ika nga ng mga kurimaw: bakit naman idadamay ang malaking bahagi ng MILF na naghahangad ng kapayapaan o gustong pumasok sa peace agreement?
Hindi ba’t mas makakabuti sa pamahalaan na imbestigahan muna ang puno’t dulo ng pangyayari sa halip na agarang magkaroon ng konklusyon? Take note: sumailalim na sa ilang siglo ng digmaan ang bansa kung saan nananatili pa rin ang mga suliranin. Sa pagkakataong ito, bakit hindi subukan ang usapang pangkapayapaan bilang solusyon para maisalba ang pagkasira ng maraming buhay at mga ari-arian?
Tiniyak ni PNoy na maibibigay ang nararapat na hustisya para papanagutin ang ilang mga bulok na mga kasapi ng MILF at naiintindihan ng husto ng Pangulo ang sitwasyon dahil siya lamang ang nakakatanggap ng lahat ng mapagkakatiwalaang impormasyon na hindi nakukuha ng mga tao.
Mas malaking larawan ang nakikita ni PNoy kumpara sa sinumang nagsusulsol ng all-out war at maganda ang tiyansang makamit ang kapayapaan sa MILF kung hindi bibitiwan ang usapang pangkapayapaan dahil sa pangyayari. Kung magiging padalus-dalos, masasayang ang mahabang panahon ng paghihintay at paghahanap ng kapayapaan kung digmaan ang itataguyod ng pamahalaan.
***
Napag-usapan ang matalinong posisyon ni PNoy, makatwirang papurihan ang Pangulo dahil sa kanyang patuloy na paninindigan na maitalaga ang mahuhusay at hindi makasariling mga opisyal na magtataguyod ng kanyang mga reporma sa gobyerno, as in tamang italaga lamang ang magagaling, prinsipyado at hindi maiimpluwensiyahang mga opisyal sa pamahalaan para itayo ang malalakas na mga institusyon sa kapakinabangan ng mga tao.
Makakatulong ang matigas na paninindigan ni PNoy para walisin sa gobyerno ang tiwaling mga lider na nakakasira sa tungkulin at mandato na paglingkuran ang mga tao. Magsisilbi naman talagang susi sa reporma ang pagtatalaga ng mga magagaling na mga lider at kitang-kita ang sinseridad ng administrasyong Aquino na isulong ang mga reporma.
Makikita rin natin na nagresulta sa positibong mga pagbabago ang reporma ni PNoy sa pananaw ng publiko sa pamamahala dahil sa mas aktibong pakikisangkot ng mga tao sa kampanya laban sa katiwalian.
Laging tandaan: “Bata n’yo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment