Mas pinalakas! | |
Hindi ba’t kapuri-puri ang determinasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na idepensa ang mga teritoryo ng buong bansa at siguradong malaki ang asensong makikita sa kakayahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para tiyakin ang seguridad sa desisyong ipalabas ang P4.95 bilyon.
Aminin o hindi ng mga kritiko, sampu ng mga hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 national elections, napapanahon ang pagpapalabas ng P5 bilyon para mapalakas ang kakayahan ng AFP, kabilang ang pagbibigay ng proteksyon sa Malampaya Natural Gas and Power Project.
Walang duda ang bawat aksyon ni PNoy at nakakasiguro ang publiko na mapupunta ang bawat pisong ginugugol ng AFP sa pagbili ng mga kagamitan at ibang pangangailangan sa operasyon nito sa ngalan ng transparency at accountability.
Sa Japan trip, mas lalo pang pinalakas ni PNoy ang seguridad ng Pilipinas -- patunay ang bilateral relations na isinusulong sa pagitan ng pamahalaang Hapon, partikular ang promosyon ng kooperasyon sa seguridad at isyung pampulitikal. Kahit itanong niyo pa kay birthday boy -- Senator Chiz Escudero na nagdiriwang ng kanyang kaarawan ngayong araw, maging kina Malacañang reporters Joel Guinto (Bloomberg) at Marie Ruiz (Radyo ng Bayan)!
Kabilang ang palitan ng kaalaman ng Philippine Navy at Japanese Maritime Self Defense Forces at Philippine Coast Guard. Pinagtibay nina PNoy at Prime Minister Noda ang alituntunin sa diplomatikong pagharap sa pinag-aagawang isla sa West Philippine Sea lalo’t mahalagang magpatuloy ang kalayaan sa nasabing karagatan.
Ipagpapatuloy rin ng pamahalaang Japan ang pagtulong sa Mindanao Young Leaders Invitational Program at “Rice-based Farming Technology Extension Project” para sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Nagkasundo rin ang mga lider ng dalawang bansa na suportahan ang palitan ng mga tao sa Japan at Pilipinas, partikular sa larangan ng turismo at kabataan upang malinang ang kultura at matiyak ang tuluy-tuloy na magandang bilateral relations sa darating na hinaharap.
Iba pang kasunduan na nakamit -- ang tulungan sa disaster prevention, lalo na sa kahalagahan na magbigayan ng kaalaman at kahalagahan na resolbahin ang epekto ng nagbabagong klima, denuclearization ng North Korea at pagpapatibay sa inter-Korean dialogue sa Korean Peninsula, suporta sa iba’t ibang aktibidad ng United Nations, kabilang ang UN Security Council Reform at UN Peacekeeping Operations.
***
Napag-uusapan ang langis, makatwirang suportahan ang desisyon ng pamahalaan, sa pamamagitan ng Bureau of Customs (BOC) na idemanda ang ilang oil companies dahil sa illegal transactions na nagresulta sa P4.1 bilyong obligasyon sa gobyerno. Ganyan kalaki ang kinupit ng kawatang oil firms sa publiko!
Hindi lang mga opisyal ng oil companies ang kinasuhan ng gobyerno, bagkus, ilang kawani at indibidwal sa Customs na sangkot sa illegal transactions o nakipagsabwatan sa maling deklarasyon ng importasyon ng diesel at unleaded fuels, isang patunay na walang sinasanto ang pamahalaan.
Sa report ng BOC, malakas ang ebidensya ng Run-After-The-Smugglers (RATS) Team laban sa isang oil company dahil umano sa paggamit ng mga diskarte na nagresulta upang mawala sa pamahalaan ang malaking halaga ng buwis.
Sa datos, lumabas noong Hunyo 2010 hanggang Hunyo ngayong taon na nagkaroon ng importasyon ng mga produktong petrolyo ang isang oil firm na may pinagsamang dutiable value na P4.1 bilyon -- ito’y ikaanim na kasong technical smuggling na sinampa ng BOC laban sa mga kumpanya ng langis sa nakalipas na 15 buwan.
Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment