Wednesday, October 12, 2011

Aksyon o photo-op
REY MARFIL

Kahit anong pag-iingay ang gawin ng mga kritiko, hindi maitatanggi ang mabilis na pagresponde ng administrasyong Aquino para tugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino na sinalanta ng mga bagyong Pedring at Quiel.

Ang pinakamalinaw sa lahat, walang drama at photo-ops ka­tulad ng tradisyunal na nasasaksihan at ginagawa ng mga opisyal sa mahabang panahon -- ito marahil ang rason kung bakit nagdadaldal ang mga kritiko, aba’y nasanay sa photo-op!

Mas pinili pa nga ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na tutukan ang mga pangyayari sa halip na umagaw ng eksena sa media at magpa-cute -- ito’y ugali ng Pangulo na sadyang ikinasama ng loob ng mga kritiko. Take note: Nasa Japan pa lamang, harapang pinakiusapan ni PNoy ang Japanese businessmen na iklian ang pagtatanong dahil tinututukan ang pananalasa ng bagyo.

Noong nakaraang Oktubre 5, 2011 binisita ni PNoy ang mga lugar sa Gitnang Luzon na tinamaan ng mga bagyong Pedring at Quiel para personal na makita ang kondisyon ng mga pa­milya na naapektuhan ng bagyo at makapagsuri para sa rehabilitasyong isasagawa ng mga lokal at pambansang pamahalaan.

Kung ura-uradang bumisita si PNoy, ito’y magiging pabigat pa sa kapulisan at sundalong nagsasagawa ng rescue ope­rations dahil ida-divert ang tropa sa security nito. Ewan lang kung naiintindihan ng mga kritiko ito?

Mas mahalaga sa ngayon ang katotohanan na binibigyan tayo ng pamahalaan ng positibong pananaw sa pagharap sa mga bagyo at iba pang trahedya dahil laging nandiyan ang gobyerno.

Dahil dito, asahan natin na mas magiging handa ang pagharap ng pamahalaan sa mga susunod na trahedyang posibleng tumama sa bansa.

Hindi lang ‘yan, mabilis na inihayag ni Social Welfare and Development Sec. Corazon Soliman ang donasyon ng Lina Group of Companies para sa 86 portalets na makakatulong sa mga taong tinamaan ng bagyong Pedring.

Pinabilis rin ng Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) ang pagpapalabas ng P334 milyon para sa mga magsasaka sa Luzon na nasira ang mga pananim dahil sa dumaang trahedya.

Ipinataw naman ng Department of Trade and Industry (DTI) ang price freeze sa pangunahing mga bilihin sa iba’t ibang lugar para protektahan ang mga residente laban sa mapagsamantalang mga negosyante.

Iniulat naman ni Assistant Secretary Eric Tayag ang pagsasagawa ng Department of Health (DOH) ng mabilis na pagtaya sa lagay ng kalusugan ng mga residente ng binahang mga barangay sa Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga at Tarlac.

Nagdeklara rin ang Pag-IBIG Fund (Home Development Mutual Fund) ng tatlong buwang pagsuspinde sa pagbaba­yad ng housing loan sa mga miyembrong apektado ng dalawang bagyo at nagkaloob sa mga miyembro na naapektuhan ng bagyo sa pamamagitan ng calamity loan program.

Nagsagawa rin ang Department of Tourism (DOT) ng “emergency relief operation” para matulungan ang mga nabiktima ng mga bagyo sa Gitnang Luzon. Siguro naman, mas mahalaga ang aksyon kesa “photo ops”.

***

Napag-uusapan ang aksyon, hindi matatawaran ang pagsisikap ng administrasyong Aquino sa pagkumbinse sa mga banyaga na bisitahin ang bansa kung saan talagang nakuha ng Pi­lipinas ang tinatarget na 2.6 milyong turista mula Enero hanggang Agosto 2011.

Naitala naman nitong Hulyo ang pinakamalaking karagdagang turista na umabot sa 360,784 habang nakapagrehistro ang buwan ng Pebrero ng pinakamalaking “growth rate” na 18.52%.

Pinakamarami sa dumating na mga turista ang Koreans na uma­bot sa 23.63% o 615,218 habang nakapagtala ng 16.49% ang Estados Unidos (US) o 429,280 at 9.74% naman ang Japanese.

Binabati natin ang administrasyong Aquino sa pamamagitan ng DOT dahil sa kanilang magandang ginagawa.

Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: