Wednesday, September 7, 2011

P25M vs $13B!
REY MARFIL


Aminin o hindi ng mga kritiko, sampu ng grupong hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 presidential elections, naging mabunga at malaking tagumpay ang pakikipagpulong ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III sa mga matataas na opisyal ng China.

Sa pagsalubong ni Wu Bangguo (Standing Committee Chairman ng National People’s Congress), sinabi nitong magpapalakas sa pagkakaisa ng Pilipinas at China ang pagbisita ni PNoy -- isang patunay kung paano pinapaha­lagahan ang pagpapabuti sa relasyon ng dalawang bansa.

Mahalaga ang malalim na palitan ng pananaw kaugnay sa bilateral relationship at mga isyung meron parehong pakinabang ang dalawang bansa para masulong ang kaunlaran.

Nakipagkita rin si PNoy kay Chinese Premier Wen Jiabao na tinitingnan ang kahalagahan ng pangmatagalang pananaw ng pamamahala sa bilateral relations tungo sa kaunlaran ng Pilipinas at China.

Pinuri rin ni Premier Wen ang produktibong pakiki­pag-usap ni PNoy sa kanyang counterpart -- si Chinese President Hu Jintao sa Great Hall of the People kung saan nilagdaan nila ang ilang mga kasunduan na naglalayong palakasin at patatagin ang bilateral ties ng dalawang bansa.

Tama rin si Premier Wen sa paggiit ng kahalagahan na ayusin ng mabuti ang pagdadala sa mga bagay at isyung hindi napagkakasunduan alang-alang sa pagpapatatag ng bilateral relations.

***

Napag-usapan ang China trip, dapat lamang batiin at papurihan si PNoy sa pagkakakuha ng malaking porsiyento ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) China Investment Fund para sa bansa.


Bagama’t walang eksaktong halaga, inaasahang makakakuha ang Pilipinas ng mas mahigit sa 10% ng pondo na umaabot na ngayon sa $1 bilyon. Ibig sabihin, mas malaki ang naiuwing pakinabang sa mga Filipino sa China trip, maliban kung “row four” sa mathematics ang mga kritiko ni PNoy kaya’t hindi makuwenta ang nauwing package nito?

Kung ikukumpara ang P25 milyong ginastos sa China trip -- ito’y “bengkong”, as in baryang maituturing sa humigit kumulang $13 bilyon ang naiuwing negosyo ni PNoy, nangangahulugang karagdagang trabaho sa Pilipinas. Take note: dollars at hindi peso ang usapan!

Para sa kaalaman ng publiko, isang pribadong equity fund ang ASEAN China Investment Fund na nagkakaloob ng kapital para sa small at medium sized na mga negosyo sa ASEAN at People’s Republic of China. Tumatayong sponsors/investors ng pondo (ASEAN China Investment Fund) ang Swiss Government, Asian Deve­lopment Bank at United Overseas Bank.

Tunay na isang malaking tagumpay ito kay PNoy na galing sa limang araw na pagbisita sa China at talagang humigit sa kanyang inaasahan ang natamong tagum­pay sa biyahe.

Higit sa lahat, tama rin si PNoy sa pagsasabing nakikita ng mga tagapangalaga ng ASEAN China Investment Fund ang paborableng mga programa ng pamahalaan ng Pilipinas katuwang ang lokal at internasyunal na mga komunidad na maitaas ang antas ng buhay ng mga Filipino.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: