Mabungang biyahe! | |
FUJIAN --- Makatwirang suportahan ng publiko ang P600 milyong intelligence funds na hinihingi ng Office of the President (OP) sa ilalim ng P1.816 trilyong pambansang badyet sa 2012 para matiyak ang kapayapaan at kaayusan at makuha ang kailangang mga impormasyong hindi basta-basta nakukuha ng ordinaryong mga Filipino.
Maunawaan sana ng mga kritiko na Commander-in-Chief ng bansa ang Presidente at kailangang magkaroon ng sapat na makinarya para makuha ang lahat ng kailangang mga impormasyon upang protektahan ang pambansang interes.
Kailangang-kailangan naman talaga ang pondo para tiyakin ang pambansang interes at matiyak na makukuha ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III ang lahat ng impormasyong kailangan nito sa mga krusyal na desisyon base sa makukuhang mga datos.
Napakalaki ang responsibilidad ni PNoy bilang pinakamataas na lider ng bansa at kailangan nito ang lahat ng suporta para epektibo at maayos na magampanan ang kanyang tungkulin, as in hindi lamang naman kasi ang pagmantine ng kapayapaan at kaayusan ang kanyang obligasyon bilang lider ng bansa.
Hindi lang iyan, meron kritikal na isyung may kinalaman sa pambansang seguridad na magagampanan lamang sa pamamagitan ng sapat na pondo at wala namang duda, labis na mapagkakatiwalaan ang liderato ni PNoy na hindi mawawaldas ang intelligence fund.
***
Napag-usapan ang seguridad, saludo ang publiko sa mabunga at kapaki-pakinabang na limang araw na state visit ni PNoy sa China kung saan muli silang nanindigan nina Chinese President Hu Jintao na mapayapang resolbahin ang gusot sa teritoryo sa West Philippine Sea. Makakatulong ang kanilang paniniyak ng pagkakaisa para mapanatag at maging matatag ang rehiyon. Higit sa lahat, malinaw ang headlines “P-Noy back with $13-B package”.
Pinasasalamatan natin ang kahanga-hangang istilo ng liderato ng dalawang mga lider upang maging maayos at mapayapaa ang paghahanap ng solusyon sa pinag-aagawang mga isla at pagpapaunlad sa rehiyon ng Asya.
Maging si House Deputy Minority Leader at Zambales Rep. Ma. Milagros ‘Mitos’ Magsaysay, isa sa nangungunang mga kritiko ng administrasyong Aquino, napabilib sa naging performance ni PNoy matapos matiyak ang pagsusulong ng mapayapang solusyon sa pinag-aagawang mga isla at pagkakaroon ng pagpapaunlad sa ekonomiya ng bansa.
Tama si Magsaysay nang sabihing magandang pagkakataon sa ilalim ni PNoy ang pagkakaroon ng China ng mataas na kumpiyansa sa bansa at nakahanda silang palakasin ang mga programa sa negosyo at imprastraktura sa kabila ng pandaigdigang krisis pinansyal.
Tunay na mapalad ang bansa sa matagumpay na pagbalik ni PNoy mula China. Isang grupo ng mga isla ang Spratlys sa West Philippine Sea na pinaniniwalaang naglalaman ng malaking deposito ng langis at gas na inaangkin ng buo o bahagi ng Pilipinas, China at apat pang mga bansa.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment