Wednesday, September 21, 2011

Maraming napahiya!
REY MARFIL

Hindi nagsisinungaling ang ebidensya -- sa korte man o paboritong pagupitan, laging lamang ang posis­yong nakaangkla sa katibayan o matatag na basehan. Dalawang buwan matapos ang unang taon ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III sa panunungkulan, inilabas ng Pulse Asia ang resulta ng kanilang pinakahuling survey sa pulso ng bayan.

Madalas ipangalandakan ng mga masinsinang bumabanat kay PNoy ang diumano’y mistulang pelikulang pagpapalabas ng mga isyung pinag-uusapan upang pumabor ang resulta sa kasalukuyang pamunuan. Ngunit, may katotohanan man o wala, hindi naman kayang gibain ang kahit na kapirasong impormasyong bitbit ng mga numero sa resultang ito.

Dalawa ang punto ng pinakabagong survey ng Pulse Asia Ulat ng Bayan National Survey na isinagawa mula August 20 hanggang September 2, gamit ang mala-Face to Face na ni Tyang Amy sa 1,200 na Filipino na nasa edad 18 pataas: ang Approval sa Performance ng Pangulo at ang Tiwala sa kanya ng bayang minsang pinagkaitan ng matuwid na panunungkulan.

Malinaw ang ebidensya, 77 sa 100 katao ang sumasang-ayon sa performance ng Pangulo (Approval) at 75 sa 100 katao ang patuloy na nagtitiwala sa kanya (Trust).

Sa kabilang banda, apat lamang sa 100 Filipino ang hindi sang-ayon sa mga programa ni PNoy, lima sa 100 ang hindi nagtitiwala at 18 sa 100 ang hindi matanto ang pananaw.

Ang mga numerong nabanggit, ito’y nagsasabi lamang na dumami ng anim na porsyento ang sumasang-ayon sa performance ni PNoy mula sa mga pigurang nakuha ng pangulo noong Mayo ngayong taon.

***

Napag-usapan ang mga numero, halos katulad din dito ang mga naidagdag na bilang sa mga kababayan nating nagtitiwala kay PNoy mula sa mga nakuha nitong bilang sa nasabing buwan (4 percentage points).

Kung pagbabasehan ang mga isinagawang prog­rama ng Pangulo sampu ng kaliwa’t kanang imbestigasyon sa Dalawang Kamara ng Kongreso na humahabol sa katiwaliang namayagpag ng nakalipas na dekada ng mga taong nagpasasa sa pandarambong sa kaban ng bayan, patunay lamang ang mga detalyeng ito na lalo pang nakumbinsi ng Pangulo, maging yaong mga dati ay hindi naniniwala sa kanya, kabilang na ang mga walang pakialam sa performance ng pamahalaan.

Suriin ang mga pigura base sa socio-economic class at paghambingin natin ang mga saloobin at pananaw ng ating mga kababayan sa iba’t ibang estado ng pamumuhay -- sa Ulat ng Bayan Survey ng Pulse Asia na inilabas noong isang linggo, mas mataas ang pagsang-ayon at pagtitiwala sa pangulo ng mga kababayan na­ting nasa Class E -- yaong mga mahihirap at maralita.

Base sa nasabing datos, 86% sa kanila ang nagsasang-ayon sa Pangulo at 82% sa kanila ang nagtitiwala sa kanya, as in halos 20% ang lamang ng mga nu­merong ito kung ihahambing sa mga middle-class -- yaong may mga permanenteng hanapbuhay at mga maa­yos ang buhay.

Kung dami lang din naman ang pinag-uusapan, ang saloobin ng mga mahihirap ang importante sa isang li­der ng bansa. Unang-una, sila ang mas nakararami. Pa­ngalawa, sila rin ang mas nangangailangang pagsilbihan ng pamahalaan at sila rin ang kailangang paglaanan ng pansin, atensyon at resources ng gobyerno. Abangan ang karugtong.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)


No comments: