TOKYO, Japan --- Matapos ang matagumpay na biyahe sa Amerika, bansang Japan naman ang takbo ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III para himukin ang mga Hapong maglagak ng puhunan sa ating bansa at unang salvo ng official working visit ang pagharap sa Filipino community kahapon, isang oras makaraang lumapag ang eroplano mula Pilipinas.
Sinimulan ni PNoy ang 4-day official working visit, sa pakikipagdaupang palad sa mga overseas Filipino workers (OFWs), alas-kuwatro kahapon (Japan time) sa Japan Education Center (main auditorium), halos isang oras lamang ang pahinga ng Pangulo makaraan ang arrival sa Haneda Airport (3:00 p.m.).
At ngayong umaga (Lunes), bibisitahin ni PNoy ang Kadonowaki Evacuation Center sa Ishinomaki City na tinutuluyan ng mga biktima ng trahedya, kasunod ang kaliwa’t kanang business meeting. Take note: Anim hanggang pitong oras ang biyahe mula Tokyo patungong Sendai at Ishinomaki City kaya’t via bullet train ang buong delegasyon -- ito’y lalakbayin ng dalawang oras.
Sa kabuuan, hindi kaila ngayon sa hanay ng mga mamumuhunan sa sektor ng industriya at manufacturing ang lumalawak na sentimiyento, maging ang planong umalis at mag-alsa balutan patungo sa ibang bansang mura ang overhead sa labor at iba pang pagkakagastusan sa pamumuhunan lalo pa’t sunud-sunod ang dagok ng kalamidad dulot ng bagyo, baha, tsunami at lindol ang dumating dito.
At hindi rin kaila ang krisis sa enerhiya at kalusugan dulot ng pagkasira ng mga pasilidad sa kuryente na adik sa panggatong-nuclear, natural na lumakas ang tulak palabas sa mga ito dala na rin ng napakataas na labor cost, buwis at upa na lapad ang katapat na kabayaran.
Dikta ng panahon ang kasalukuyang balyahan, tulakan at agawan sa hanay ng mga ekonomiyang Asiano upang makopo ang exodus ng investment mula sa Japan. Alam kasi ng lahat na hindi lamang maliit ang kaakibat na capital sa mga negosyong kakaripas mula sa Japan. Malalaking pera ito -- big ticket investments ang taguri ng mga ekonimista. Kung ikaw ang Pilipinas, magpapahuli ka ba? Uupo ka lamang ba sa gitna ng mala-feeding frenzy?
***
Napag-usapan ang Japan trio, madiin ang bawat mensahe ni PNoy -- hindi siya magdadalawang-isip na itaya ang resources ng pamahalaan makasungkit lamang ng proyekto mula sa hitik na investments market ng Japan at buong mundo. Napakalaki ng potensyal na umani ang Pilipinas dito.
Bagama’t napasama ang bansa sa corruption index, karahasan at burukrasyang di-makatugo’t ‘di angkop sa pangangailangan ng pumapasok na negosyo’t pamumuhunan, lahat nang ito’y pawang bahagi ng nakaraan na lamang -- ito’y unti-unti ngunit patuloy na napapawi ng matuwid na pamamalakad at pinatinong mga patakaran, as in ‘di maglalaon, makukumbinse ng pamunuan ni PNoy ang Kongreso at Hudikatura na gawing consistent ang batas at hubuging ‘di-nagpipingkian ang mga polisiya.
Gabundok man ang mga ito, nakakapanliit man ang mga kinakailangang gawin, hindi kailanman nakakapagod pagkayuran kung ito’y makakabuti sa mamamayan.
Sa pagtalaga ng bagong hepe ng kapulisan, siniguro ni PNoy na walang bahid ang mamumuno ng ahensyang pangunahing tutuon ng pansin sa krimen at karahasan. Pinatitino ang burukrasya, lalo pang pinaiksi ang mga proseso, pinaliit ang bilang ng mga rekisitos, pinadami ang safety-nets upang bawasan ang pagkakataong gumawa ng raket, kotong at pandarambong.
Naglalawa ang mata ng mga investors sa bansa natin, lalung-lalo na ang mga Hapon. Take note: Tone-toneladang yamang-mineral, istratehikong pinagkakalagyan sa Timog Silangan at Hilagang Asya at lumalaking bilang ng mamamayang bihasa sa Ingles. Dalawang oras lang ang layo ng Hong Kong. Higit sa lahat, 7,107 dito ang luntiang mga islang pinapalibutan ng puting buhanginan at mala-kristal na karagatan. Saan ka pa? Pupunta ka pa ba sa iba?
Sumang-ayon ang lahat sa tinuran ni PNoy -- “Wala tayo sa dapat nating kalagyan.” Ngunit sa ganang akin, walang imposible sa mamamayan na sabay-sabay na nagsabing “ayaw na namin sa pamahalaang batbat ng katiwalian” -- ito’y ipinamalas ng mga Filipino noong May 10, 2010 election. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment