Friday, September 23, 2011

Maraming napahiya! (Last part)

Pinagsisikapan ng liderato ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na maiangat ang kabuhayan ng mahihirap kung kaya’t umangat ang performance rating. Hindi man nagiging laman ng mga slogan ng pamahalaan ang sektor ng maralita, hindi lingid sa kaalaman ng publiko ang mga programang naitutulay ng mga taong gobyerno upang mapabuti ang kanilang kalagayan.

Malinaw sa resulta ng Pulse Asia survey ang epekto ng pagkalinga ng Panguluhan, sa pamamagitan ng prog­ramang PPPP o CCT kung saan direktang ibinabahagi ng gobyerno ang maliliit na alokasyon sa pambansang budget.

Wala mang billboard o naglalakihang anunsyo, walang tatalo sa pagpapahayag na pumapawi sa kalam ng sikmura -- ito’y indikasyon lamang sa matandang kaalaman na nagsasabing “ang taong busog, ‘di kailanman mag-iisip mambugbog” as in. Hindi gagawa ng masama ang taong sapat ang laman ng sikmura.

Dulot din nito ang pagbabago ng pananaw sa kinabukasan maging ang pagtingin sa sarili. Sa ganitong mindset ng ating mga kababayan, madali silang maengganyong magtrabaho upang kumita. Isang pagpapasinungaling sa madalas na argumento laban sa CCT na ito’y isang dole-out o limos, aba’y paano nga naman lalakad at maghanap ng pagkakakitaan ang taong gutom at walang pamasahe man lamang?

Alalahanin din nating ang sektor na ito ang nag-alsa sa pinakamadugong episode sa kasaysayan ng EDSA. Kung ikaw ang pamahalaan, nanaisin mo bang paba­yaan at magbulag-bulagan sa pagdudusa ng mga maralita?

***

Napag-usapan ang survey, sa loob lamang ng tatlong buwan, mula Mayo hanggang Agosto ngayong taon, tu­malon ng double digits ang numerong nagsasaad ng pagsang-ayon at tiwala sa Pangulo. Kung 12% ang itinaas ng mga sumasang-ayon kay PNoy sa Visayas, aba’y 15% ang itinaas ng mga tumango sa mga programang isinulong nito sa Metro Manila.

Sa parehong panahon din o yugto, 18% ang inilundag ng numero ng mga nagtitiwala kay PNoy sa Metro Manila.

Sa mga pigurang inilabas ng Pulse Asia sa Ulat ng Bayan Survey, ipinapakita lamang na unti-unti nang nagigiba ang impresyong kinakatawan ng katagang “Imperial Manila”.

Bagama’t dito ang sentro ng mga tanggapan ng pamahalaan, ramdam sa buong bansa ang sinseridad ng lideratong maitulay sa mga kanayunan ang mga proyekto’t prog­ramang naglalayong ibsan ang kahirapan.

Totoo nga namang “kung matuwid ang puno, sanga at bunga’y hindi nalalayo.”
Dahil na rin marahil sa laki ng mga usaping bu­malagbag sa kamalayan ng Pinoy ng mga panahong kina­lap ang mga numerong nakapaloob sa survey na ito, u­mabante nang husto ang performance rating ng Pangulo.

Kung 75% ang pasadong marka -- ang karaniwang markang ibinigay kay PNoy ng 1,200 kababayan nating napagtanungan ng survey sa buong bansa -- 75% sa po­verty reduction hanggang 80% sa delivery of basic servi­ces sa mga nangangailangan. Sa 11 isyu na naitanong sa survey, 80% ang ­markang ibinigay ng mga kababayan natin kay PNoy kung ­performance lang naman ang pinag-uusapan. Kadalasan, lalung-lalo na sa panahon ng halalan, ang mga survey ay isinasagawa sa udyok ng salaping galing sa mga kampo-­pulitika at mga organisadong samahang tumaya sa kani-kanyang kalahok sa pampulitikang sabong.

Kinukumisyon o binabayaran ang mga survey outfit upang mangalap ng opinion, pananaw at saloobin at inilalabas bilang numerong panukat na nagiging batayan ng pagbabalangkas ng mga estratehiyang pampulitika.

Ngunit dito sa partikular na survey na inilabas kamakailan ng Pulse Asia, walang nagbayad o nag-commission sa natu­rang survey firm. Sadyang regular na ginagawa ang ganitong pagsisiyasat isang buwan matapos mag-deliver ang pangulo ng kanyang State of the Nation Address o SONA.

Isang direktang panukat sa sentimento ng bayan sa Pangulo at sa pananaw sa kalagayan ng bansa. Kung walang interes sa likod ng survey, naiibsan ang impres­yong manipulado ang pagkalap nito. Kung walang nagbayad, humuhupa ang pananaw ng pagkiling.

Sa resultang ito, masasabi nating hindi kailanman nagsisinungaling ang numero at ebidensya sa pagbuti ng kalagayan ng bansa. Patunay sa pagbabago ng pa­nanaw sa pamahalaang buong tapang na pinangungunahan ng pangulong tumatanggi sa pang-aakit ng balikong landas. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: