Wednesday, September 28, 2011

Dapat lang!
REY MARFIL

TOKYO, Japan --- Ginugunita ng bayan ang dagok at pinsalang dala ni Ondoy, saktong dalawang (2) taon na ang nakakalipas.

Sa isang bansang tanyag sa buong mundo ang resiliency, matatag man tayo bilang isang lahi’t lipi, mapait pa rin ang alaala na nagpamukha sa atin ng pagsasawalang-bahala. Isang bangungot itong nagpa­mulat sa atin sa kakulangan ng forward-looking vision na pa­ngunahing obligasyon ng bawat pamahalaan.

Nagising ang kamalayan ng publiko sa kabuktutan ng nakalipas na administrasyong nagpasasa sa pandarambong sa kaban ng bayan. Baul na sanang bukal ng mga proyekto’t programang tutukod sa taumbayan upang dumating man at lumipas ang daluyong ng kalamidad -- nakabigkis at nakatayo pa rin tayong susuong sa hamon ng darating na panahon.

Bangungot man ang Ondoy, mapait man ang alaalang iniwan nito, hindi kailanman nanlumo ang pananampa­lataya natin sa kakayahan ng mga Pinoy na gumawa ng hakbang upang baguhin ang noo’y siguradong kalulugmukan.

Natuto na ang bayan. Nagsimula ang manipestasyon nito ng isang bansa tayong nagdesisyong iiwan na ang nakasanayang katiwalian sa katungkulan at iwaglit ang isinubong baluktot na kalakaran sa pamahalaan.

Itinalaga natin bilang isang bansa ang lideratong nakasimangot sa tiwaling kaparaanan. Iniluklok natin ang isang panguluhang mangunguna ng pagbabago at pagtahak ng buong bansa sa tuwid na daan at hindi maitatangging maayos ang Pilipinas sa kamay ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.

***

Napag-usapan ang tamang pamamalakad, agarang umuwi ng Pilipinas si PNoy matapos ang matagum­pay na biyahe sa Estados Unidos upang siguruhing nasa tamang estado ang kahandaan natin sa pagdaluyong ng da­lawang (2) kalamidad -- ang epekto ng paggewang sa ekonomiya ng Europa at ang bagyong si Pedring.

Naiwan man ang economic managers ng pamahalaan sa US, hindi naman nagpahuli ang kani-kanilang mga bataan sa paghahanda. Habang abala ang ilang kalihim natin na kumukumbinsi sa mga bossing ng ahensya ng pandaigdigang pamumuhunan na muling balangkasin ang rating ng ekonomiya at hikayatin ang mga itong ilagay na sa Investment Rating ang Pilipinas, naka-focus namang gumagana ang lahat ng ahensya upang pa­tuloy na paghandaan ang epekto ng pandaigdigang krisis pinansyal.

Pansinin ninyo -- nadapa man nang saglit ang stock exchange, hindi halos naramdaman ng ating mga kababa­yan dahil agad naman itong nasolusyunan. Dahil ‘yan sa kahandaan. Ganu’n din si DND Undersecretary Benito Ramos -- pinakilos ang mga instrumento ng pamahalaan at mga ahensyang nakapaloob sa NDRRMC upang agad na i-deploy ang mga tao ng gobyerno sa mga nai-project na dadaanan ni Pedring.

Malayo pa man ito, nasa mga probinsya na ang mga trak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at nakiki­pagtulungan sa DSWD at pamahalaang local. Pinapatunayan ng mga pagkilos na ito na wala talagang kapalit ang masusing paghahanda.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: