Kawawang ARMM! | |
Sa bisa ng temporary restraining order (TRO) inilabas ng Korte Suprema noong nakaraang Setyembre 13 (Martes), naharang ang paglilipat ng halalan sa 2013 at pagtalaga ng mga officer-in-charges (OICs) sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).
Ang malinaw, hindi nagtatapos sa isang TRO ang pagnanais ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na maituwid ang nakagisnang katiwalian sa ARMM, mapa-ghost roads, ghost school o ghost teachers.
Anuman ang katwirang pinagbasehan ng mga mahistrado ng Korte Suprema para panigan ang punto de vista ng kontra sa pagpapaliban ng ARMM elections noong nakaraang Agosto, nawa’y magsilbing salamin ang mga kaganapan sa ilang lalawigang sakop ng autonomous region, katulad ang pambobomba sa convoy ni Maguindanao Governor Ismail Mangudadatu -- isang patotoo kung gaano kaseryoso ang problema sa Mindanao.
Pinaka-latest ang dalawang magkasunod na pambobomba sa convoy ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jessie Robredo. Take note: Hindi pa kasama ang sangkaterbang kaso ng kidnapping at patayan sa rehiyon, Maguindanao massacre na bumandera sa lahat ng peryodiko, mapa-international at Timbukto, maging ang nawawalang multi-bilyon pisong nadiskubre ng Commission on Audit (COA)..
Sa kabilang banda, hindi pa huli ang lahat upang maituwid ang pagkakamali sa pagkalikha ng ARMM -- meron pang tsansang mabago ang desisyon ng Korte Suprema, gamit ang motion for reconsideration na ihahain ng palasyo. Kaya’t ipagdasal nating lukuban ng magandang espiritu ang ilan sa mahistrado.
***
Napag-usapan ang ARMM election, narito ang pahayag at damdamin ni PNoy makaraang ilabas ng Korte Suprema ang TRO. Kayo ang humusga sa punto de vista ng Pangulo kung bakit napakaimportante sa isang “matuwid na daan” ang pagsibak sa kasalukuyang opisyal ng ARMM.
“Nitong hapon (Martes), nakarating sa atin ang balitang nagpalabas ng Temporary Restraining Order ang Korte Suprema laban sa pagpapaliban ng halalan sa ARMM sa 2013, gayundin sa pagtatalaga natin ng mga Officer-in-Charge na pansamantalang mamamahala sa ARMM.
Simple lang naman po ang isyu: Natutuwa ba tayo sa sitwasyon sa ARMM? Natutuwa ba tayo sa report ng COA tungkol sa pagkawala ng walumpung porsyento ng pondo na dapat sana ay napunta sa taumbayan? Ganoon po ba kadaling malimot ang limampu’t pitong taong walang-awang pinaslang sa Maguindanao?
Risonable bang asahan na may pagbabagong mangyayari kung ang tatakbo at mananalo kapag natuloy ang eleksyon ay mga pulitikong walang ibang tututukan kundi ang pananatili nila sa kapangyarihan?
Hindi lamang ARMM ang naaapektuhan sa mga travel advisories, o sa mga bomb threats o sa malawakang kultura ng karahasan. Malaking dagok din ito sa pangkalahatang imahe ng Pilipinas sa buong mundo.
Kailangan nating putulin ang sistema ng pang-aabuso na tila naging kultura na sa ARMM. Kaya naman reporma ang tanging magiging tuon ng ating mga OIC: Totoong ospital, totoong paaralan, totoong mga serbisyo, at hindi mga multong pinagkakakitaan. Sa sistemang umiral, ni walang katiyakan o kasiguruhan ang mga datos na nakakalap natin, tulad ng sa DPWH at sa NSO.
Mahihinto lamang ang kalakarang ito kapag nakapagtalaga tayo ng mga OIC na magiging tapat na katuwang natin sa pagbagtas sa tuwid na daan. Sinisiguro namin sa loob ng dalawampu’t isang buwan na panunungkulan ng mga OIC, magkakaroon ng radikal na pagbabago na magbibigay ng tunay na serbisyo sa mga mamamayan ng ARMM.
Maaaring walang katapusan ang mga pagtatalo natin ukol sa usaping ito, ngunit sa huli, tayo ay huhusgahan ayon sa positibong ipagbubunga ng mga ipinupunla nating reporma.
Habang hinihintay natin ang pag-usad ng kaso sa Korte Suprema, gaya ng dati, nakatutok pa rin ang inyong pamahalaan para magdulot ng pagbabago sa ARMM at ang pagbabalik sa mga mamamayan nito ng tunay na kapangyarihan.
-President Benigno S. Aquino III
Laging tandaan: Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment