Monday, September 12, 2011

Aminin o hindi ng mga kritiko, sampu ng mga hindi makahulagpos sa liku-likong daan sa mahabang panahon, napakalayo ng nabago sa gobyerno -- isang patotoo ang kahandaan ng administrasyong Aquino sa tuwing nagkakaroon ng kaguluhan sa ibang bansa at nalalagay sa balag ng ala­nganin ang buhay ng mga overseas Filipino workers (OFWs).

Hindi man kasing-kapangyarihan at ka-moderno ang sistema, katulad ng Estados Unidos, Britanya at iba pang Kanluraning bansa, maituturing pa ring epektibo ang gobyerno sa paglilikas ng mga OFWs.

Lahat ng kaparaanan, ginagawa ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III kahit mala-adobe sa tigas ng ulo ang ilan nating kababayan na ayaw lisanin ang pinagtatrabahuhan -- ito’y isang patunay kung paano pinapahalagahan ng Pangulo ang kapakanan at interes ng mga nasasakupan lalo pa’t bawat buhay ay mahalaga.

Simula ng maupo, laging handa ang administrasyong Aquino sa agarang paglilikas ng OFWs na naiipit sa ibang bansa, mapa-Libya o Syria at laging katuwang ng MalacaƱang sa pagtulong ang Philippine Airlines (PAL) para ilikas ang mga nagbabalik nating kababayan -- ito’y makailang beses nasubukan.

Sa ilalim ng pagtutulungan, kinakargo ng MalacaƱang ang gastos sa gasolina at cabin crew ng PAL -- ito’y magsilbing ehemplo sa ilang air lines company, as in hindi puro kita o balik sa bulsa ang isipin kundi ang makatulong sa gob­yerno, maging sa mga kababayan nating nangangailangan ng responde sa panahong naiipit sa gulo, maliban kung nahawa sa buwayang si Lolong?

Hindi ba’t magandang marinig na meron katuwang ang gobyerno para ilikas ang libu-libong OFWs na naiipit sa giyera, katulad nang nangyari sa Libya at Syria?

Sa kaalaman ng publiko, kapag isinailalim sa crisis alert level 3, sasagutin ng gobyerno ang boluntaryong paglikas sa OFWs.

***

Napag-usapan ang aksyon ng gobyerno, hindi ba’t nakakabilib ang diskarte ni PNoy sa pagtulong sa sektor ng agrikultura upang mapababa ang mga produktong inaangkat ng ating bansa?

Aba’y, mula Hulyo 2010 hanggang Mayo 2011, umabot sa kabuuang 1,814 kilometro (kms) ng Farm-to-Market Roads (FMRs) ang nagawa ng gobyerno, gamit ang pondo ng Department of Agriculture (DA).

Hindi lang ‘yan, umabot din sa 687 kms na FMRs ang nagawa sa ilalim ng locally-funded at foreign assisted projects sa parehong panahon. At sa kabuuan, umabot na sa 2,501 kms ang natapos na FMRs na magkakaloob ng mabilis at maayos na serbisyo sa pagdadala sa kinauukulan ng mga ani mula sa taniman.

Tanging mutain at sandamakmak ang tutule ang hindi nakakaalam na ngayong taon naitala ang pinakamataas na produksyon ng palay at nabawasan ang tone-toneladang bigas na nakaugaliang angkatin ng mga dating opisyal -- isang patunay kung paano naitutuwid ang maling patakaran na naging institusyon sa nakaraan.

Maliban sa mga kalsada, nakagawa rin ang administras­yong Aquino ng kabuuang 65 tramlines na nagkokonekta sa mga lugar na mayroong FMRs mula Hulyo 2010 hanggang Hunyo 2011.

At sa tulong ng tramlines, naibaba ang ratio sa pag-aangkat ng produkto, aba’y ang dating P2, ito’y naging P1 kada kilo at minuto na lamang ang biyahe mula sa da­ting ilang oras.

Isa sa magandang halimbawa ang 400-meter tramline sa Twin Peaks sa Tuba, Benguet na nagresulta para mapababa sa limang minuto ng biyahe -- ito’y napakalayo sa dalawang oras na ginugugol sa pagbiyahe ng mga produkto.

Kung hindi pa rin nakikita at naririnig ng mga kritiko ni PNoy ang pagbabagong ito, aba’y maghilamos kada minuto at sandok ang ipangtutule sa tainga nito.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Laging handa!
REY MARFIL

No comments: