Wednesday, September 14, 2011

Sakripisyo!
REY MARFIL


Kung tutuusin, mapalad ang mga Filipino dahil nagkaroon ng isang lider na katulad ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, aba’y sobra-sobra ang sakripisyong ginagawa sa buhay.

At kahit binata na malayang makapanligaw o makipag-date, sinuman ang mapusuan, nauwi pa rin sa “zero” ang love life gayong pwedeng “fa­mily-size” o litro.

Isang patunay ang paglikha ng trabaho sa mga benepisyunaryo ng programang Conditional Cash Transfer (CCT) o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) -- isang magandang balita ang alyansa ng ilang ahensya ng pamahalaan, kalakip ang layuning matulungan ang mga pamilyang mahihirap at mabawasan ang bilang ng mga tambay sa kanto tuwing dapit-hapon, sampu ng mga kumukuya-kuyakoy.

Upang magkaroon ng bagong mga trabaho, lumagda ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa isang memorandum of agreement (MoA), sa pagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para simulan ang programa sa pagmi­mintina ng gilid ng mga kalsada.

Nangangahulugan ng karagdagang pagkain sa lamesa ng bawat pamilyang Filipino ang “Trabahong Lansangan ng Programang Pantawid Pamilyang Pilipino.” Ang good news -- siguradong trabaho ang maibibigay ng programa, maging sa mga benepisyunaryong walang sapat na kakayahan bilang manggagawa dahil kabilang lamang sa mga gagawin ang paglilinis ng daluyan ng tubig at pagwawalis.

Sa ilalim ng kasunduan, responsibilidad ng DSWD ang pagkakaloob ng “priority list” ng mga benepisyunaryo, kabilang ang pagsagawa ng organisasyon sa komunidad at sosyal na paghahanda sa imbentaryo ng mga kakayahan at pagpapaunlad nito, at pagsagawa ng regular na pagbabantay at pag-uulat sa operasyon ng proyekto.

Sa kabilang banda, magkakaloob naman ang DPWH sa DSWD ng listahan ng taunang pangangailangan sa skilled at unskilled workers, paglalaan ng 20% ng labor requirement para sa mga benepisyunaryo at tiyakin ang implementasyon ng kinauukulang batas sa paggawa.

Kaya’t hindi nakakagulat ang huling survey ng Social Weather Station (SWS) na nagsasabing mas dumami ang bilang ng mga Pinoy na tiwalang gaganda ang kanilang buhay sa ilalim ng administrasyon ni PNoy, maliban kung sadyang mutain at sandamakmak ang tutuli ng mga kritiko?

***

Napag-usapan ang good news, ating batiin ang administrasyong Aquino sa seryosong pagsusumikap nitong resolbahin ang mga kakulangan sa silid-aralan sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

Ang “latest recruit” ng pamahalaan sa pagtutok ng Department of Education (DepEd) para resolbahin ang kakapusan sa mga kuwarto -- ang pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Norte.

Nakaraang linggo, lumagda sina Education Sec. Armin Luistro at Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa isang counter-parting agreement sa paggawa ng 44 silid-aralan sa Paoay Lake National High School at Paoay Elementary School sa halagang P50 milyon.

Sa ngayon, siyam (9) na lalawigan at siyam (9) ding lungsod ang lumagda sa kasunduan sa DepEd. Take note: may kabuuang 1,347 ang bagong silid-aralan para sa kabuuang P616 milyong ambag ng mga lokal na pamahalaan at umabot naman ang kontribusyon ng DepEd sa kabuuang P1.129 bilyon.

Sa kaagahan ng taon, lumagda ang DepEd sa isang memorandum of agreement, sa pagitan ng League of Ci­ties, League of Municipalities, League of Provin­ces of the Philippines, at Department of Budget and Ma­nagement (DBM) para sa implementasyon ng paggawa ng mga kuwarto sa ilalim ng counter-parting scheme.

Tutulong ang tanggapan ni DBM Secretary Butch Abad sa pagtukoy kung saan kukunin ang kakailanga­ning pondo at pagpapalabas ng kaukulang salapi para sa programa.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: