Friday, February 27, 2015

Ipasa ang BBL at kasaysayan ang humusga!









                               Ipasa ang BBL at kasaysayan ang humusga!
                                                                           REY MARFIL

Masaya ang lahat nang walang dugong dumanak sa unang rebolusyon ng mamamayan sa EDSA noong 1986 na nagpatalsik sa isang diktaturyang rehimen. Kaya nararapat lang na isulong ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang diwa ng EDSA 1 revolt -- ang kapayapaan.


Ngunit sa pagkakataong ito, ang kapayapaan na nais makamit ng pamahalaang Aquino ay malayo sa EDSA, malayo sa Metro Manila -- nasa Mindanao. Sa kabila ng matinding emosyon na nilikha ng madugong sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao kung saan nasawi ang 44 na magiting na SAF troopers, gayundin ang 16 na tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at tatlong sibilyan, pursigido si PNoy na maisakatuparan ang peace agreement sa MILF.


Naniniwala ang Pangulo na ang isinusulong na Bangsamoro Basic Law (BBL) na nakabinbin sa Kongreso na bubuo ng bagong political entity na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM ang magiging susi para sa matagal nang hinihintay na kapayapaan sa rehiyon.


Marahil, may ibang tutol na ipagpatuloy ang peace talks sa MILF at mas nais nilang giyerahin na lang ang mga ito hanggang maubos. Siguro ay iniisip nila na hindi naman sila apektado dahil malayo ang Mindanao sa Metro Manila. Pero tandaan natin na ilang dekada na ang bakbakan sa Mindanao pero nananatiling nandiyan pa rin ang mga rebeldeng Moro, patuloy na ipinagla­laban ang kanilang ideolohiya.


Mali rin kung iisipin na hindi maaapektuhan ng ­giyera ang mga nasa kalunsuran gaya ng Metro Manila dahil malayo ang Mindanao. Ang totoo, apektado ang buong bansa ng rebelyon sa Mindanao. Sa giyera, kailangang gastusan ang bombang ibabagsak sa kalaban, mga balang gagamitin ng mga sundalo at pagkain na ilalaan sa mga sibilyang mawawalan ng tirahan.


Ang pondo o gastos dito ay maaari sanang magamit sa mas makabuluhang bagay tulad ng tulay, kalsada, paaralan o ospital. Hindi lang iyon, higit na mahalaga ang buhay na nawawala nang dahil sa digmaan. Ang mga sundalong ipinapadala sa Mindanao ay hindi lang taga-Mindanao kundi mula sa iba’t ibang panig ng bansa.


***


Ngayong handa at desidido ang MILF na maki­pag-usap sa pamahalaan at isulong ang kapayapaan sa Mindanao para matigil ang putok ng mga baril at bomba, hahayaan ba natin itong lumampas? May paraan upang hanapan ng hustisya ang mga bayaning SAF 44 sa Mamasapano, pero hindi marahil natin ito makakamit sa pagtigil ng pag-usad ng kapayapaan sa Mindanao.


May bagong grupo na umuusbong sa Mindanao na nais maghasik ng kaguluhan, at mayroon pang mga terorista sa rehiyon na kailangang mahuli para hindi sila makapaghasik ng takot sa bansa. Kailangan ng pamahalaan ang kasangga sa mithiing masugpo ang mga banta sa kaligtasan ng mga mamamayan, at dito ay handang tumulong sa gobyerno ang MILF.


Kung susundin ang mungkahi ng ilan na itigil ang negosasyon sa MILF at muli silang ituring na kalaban ng gobyerno, parang itinaboy natin sila sa posisyon na muling makipagtutukan ng baril sa ating mga sundalo. Ang resulta niyan, mga dugong ididilig muli sa ­lupa ng Mindanao.


Sa talumpati ni PNoy sa EDSA 1 Revolt anniversary, sinabi niya na ginintuang pagkakataon kung maituturing ang hangarin ng MILF na pumasok sa usapang pangkapayapaan. Abot-kamay na ang katahimikan sa Mindanao kaya dapat lang na hindi palam­pasin at dapat na ipasa na ng Kongreso ang Bangsa­moro Basic Law.


Bigyan natin ng pagkakataon ang kapayapaan sa Mindanao, at kasabay nito, hayaan natin ang kasaysayan ang humusga kay PNoy kung tama o mali ang kanyang desisyon sa hangarin niyang magkaroon ng katahimikan sa buong bansa.


Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Wednesday, February 25, 2015

Hintayin na lang ang 2016





                                            Hintayin na lang ang 2016
                                                                       REY MARFIL

Sa imbestigasyon ng Senado, unti-unti nang nalilinawan ang istorya tungkol sa nalalaman ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao kung saan 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) ang nagbuwis ng buhay.

Pero ang tanong, ganito rin kaya ang tingin ng mga kritiko ng gobyerno, o mananatili silang parang bagong gi­sing na may muta sa mata na hindi makakita nang maayos?


Nang maganap ang trahedya, naglabasan ang mga haka-haka tungkol sa nalalaman ni PNoy sa operasyon. Pero sa simula pa lang, nanawagan na ang Pangulo na hintayin ang resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry (BoI) para malaman ang katotohanan.

Dahil sa sensitibo ang misyon, naging masyadong masikreto ang nagplano ng misyon at pati ang ilang matataas na opisyal, pinaglihiman.


Bagaman inamin ni PNoy na batid niya na may misyon ang mga awtoridad sa paghanting sa international terrorist na si Marwan, at may mga nakakasang misyon para ito mahuli, hindi niya batid ang kabuuan sa naging misyon ng SAF noong Enero 25 kaya kulang-kulang din ang naibigay niyang impormasyon sa istorya sa mga nauna niyang pagharap sa bayan.


Pero sa halip na hintayin nga ang buong kuwento sa trahedya, ang mga tila hindi na makapaghintay ng 2016 na pagtatapos ng termino ni PNoy, gumawa ng mga haka-haka at sarili nilang kuwento para paypayan ang nag-aapoy na emos­yon ng publiko na nakikisimpatiya sa mga naulilang kaanak ng SAF 44.


Dahil hindi pa kumpleto ang imbestigasyon ng BoI, hindi pa mailabas ang resulta nito. Mabuti na lang at mayroong public hearing na ginagawa ang Senado at doon nalaman ang ilang detalye na taliwas sa mga haka-hakang pinapalabas na si PNoy mismo ang nagbigay ng “go signal” sa Mamasapano ay lumitaw na hindi totoo.


***


Batay sa mga testimonya ng mga opisyal ng militar at pulisya kabilang na si resigned PNP Chief Alan Purisima, lumitaw na limitado rin lang talaga ang kaalaman ng Pangulo sa naturang police operation.

Hindi rin totoo ang mga haka-haka na walang ginawang aksiyon o pinigilan pa raw ni PNoy ang militar na tulungan ang mga napasabak na SAF.


Sa mga testimonya sa Senado, lumabas na malinaw ang direktiba ni PNoy sa opisyal ng kapulisan na mamumuno sa operasyon, na dapat silang makipag-ugnayan sa militar bilang suporta sa mga pulis.

At nang mangyari na ang operasyon, natuklasan din na mali o kulang pa rin ang impormasyon na ipinadala ni Purisima kay PNoy sa pamamagitan ng text tungkol sa military support na ibinigay ng militar para saklolohan ang mga pulis.


Wala ring kinalaman sa Mamasapano operation ang pagpunta ni PNoy sa Zamboanga City. Ang haka-haka kasi ng mga may sariling kuwento sa trahedya, nagtungo sa Zambonga City si PNoy para doon tutukan ang misyon ng SAF kay Marwan.

Pero ang totoo, nagtungo ang Pangulo sa nabanggit na lungsod dahil sa nangyaring car bombing doon na ikinamatay ng isa at ikinasugat ng marami, at ang bantang pagsalakay pa ng bandidong grupo ng Abu Sayyaf.


Marami pang mga haka-haka tungkol sa Mamasapano tra­gedy ang magkakaroon na ng linaw gaya ng partisipasyon daw ng Amerika sa operasyon pero lumitaw din na hindi totoo at 100 percent Pinoy mission ang pagtugis kay Marwan.

Pati ang mga haka-hakang ininsulto ng Pangulo ang ilang naulilang kaanak ng SAF 44 ay lumitaw na hindi rin totoo at nagkaroon lang pala ng maling interpretasyon.


Katotohanan ang hinahanap ng lahat sa nangyari sa Mamasapano pero hindi natin ito makakamit sa pakikinig sa mga haka-haka ng mga tao na nasagasaan ng repormang ipinatupad ng pamahalaang Aquino; mga taong sinasamantala ang pagdadalamhati ng bayan sa nangyari sa SAF 44 upang maisulong ang kanilang personal na agenda.


Gaya ng imbestigasyon sa Mamasapano na dapat hintayin na lumabas ang resulta, makabubuti rin sa mga naghahangad na maagaw ang kapangyarihan sa MalacaƱang na hintayin na lang ang pagtatapos ng termino ni PNoy at sumali na sila sa demokratikong paraan ng pagpili ng lider ng bayan.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Monday, February 23, 2015

Paramihin ang pink jeep









                                           Paramihin ang pink jeep
                                                                     Rey Marfil


Nagkaroon ng magandang regalo para kina lolo at lola, sa mga kababaihan at sa mga may kapansa­nan (PWDs) noong nakaraang Araw ng mga Puso ang isang asosasyon ng mga dyipni operators na bumibiyahe sa Guadalupe at Pateros.


Sa naturang araw kasi ay inilunsad ng Guadalupe-Pateros Jeepney Operators’ Association ang pink jeepneys na ang tanging pasaherong isasakay ay mga kababaihan, senior citizens at mga may kapansanan na kitang-kita naman natin na hirap talaga kapag oras de pataranta o rush hour.


Sa inisyal na paglulunsad ng proyekto ay nasa ­labing-apat na units ng dyip na bumibiyahe sa naturang ruta ang nagpabalik-balik para lamang maisakay ang mga pasaherong nabibilang sa mga nabanggit na sektor.


Hindi naman nabawasan ang kita ng mga drayber dahil ang ganitong sistema ay ginagawa lamang nila sa pagitan ng alas-6:00 at alas-9:00 sa umaga habang sa hapon naman ay mula alas-4:00 hanggang alas-7:00, sa pagitan nito ay wala silang pipiliin na isakay.


Matagumpay daw ito at talaga namang nakatulong para hindi na makipag-agawan ang mga matatanda, mga mahihinang kababaihan at mga may kapansanan sa ibang mga pasaherong talaga namang halos maki­pag-wrestling na, mauna lamang sa pagpasok at pag-upo sa dyipni.


***


Kung tutuusin, puwede namang palaganapin ang pink jeepneys sa iba’t ibang bahagi ng nagmamadali at apuradong bahagi ng Metro Manila dahil hindi lamang naman sa Guadalupe at Pateros matatagpuan ang mga sektor na binibigyan nito ng serbisyo.


Sa katunayan, napuri na rin ito ng pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil napakaganda at talaga namang busilak ang serbisyong ito ng mga tsuper sa naturang ruta.


At ngayong naging maganda nga ang impresyon ng LTFRB sa programang ito, hindi na siguro mahihirapan ang ibang asosasyon ng mga dyipni drivers na ipaalam o ihingi ng permiso sa ahensya ang mga susunod na ganitong programa para sa mga matatanda, kababaihan at mga PWDs lalung-lalo na ang mga pilay.


Mas mapapaganda pa nga siguro ito kung magtatalaga na rin ng jeepney stops kung saan, ang mga pink jeeps lamang ang titigil para lahat ng mga dapat nitong isakay ay sa isang lugar na lamang magsama-sama at huwag nang makihalo sa mga magugulo at ayaw magparaya.


Ang mga Pinoy ay likas na may pagkamagalangin sa mga nakakatanda at ordinaryo na rin lamang sa atin ang pagtulong sa mga may kapansanan kaya kung pag-aaralan pa nang higit na malalim ang programang ito ay siguradong mababawasan ang hinaing ng pagkaagrabyado na ating maririnig sa kanila.


At pagkatapos ng mga dyip, puwede na rin siguro sa mga bus dahil matagal na rin namang may mga sariling bagon sa MRT at LRT ang mga lolo, lola, ate na ayaw sumabay kay kuya at mga may kapansanan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Friday, February 20, 2015

Suwerte ang dumidiskarte!





                                          Suwerte ang dumidiskarte!
                                                                     REY MARFIL


Matapos na magkumahog noong nakaraang Sabado sa pag-iisip at paghahanda ng mga diskarte para sa tinatawag nilang “my one and only”, ibang preparasyon naman ang ginagawa ngayon ng mga Pinoy lalung-lalo na ang mga naniniwala sa su­werteng dulot ng Chinese New Year.


Kung hindi ako nagkakamali, sa dinami-dami ng mga bansang nanatili dito sa Pilipinas at nagpakalat ng kanilang mga impluwensya sa mga ninuno ni Juan dela Cruz, parang ang mga Intsik ang pinakamara­ming naitatak sa isipan ng ating mga kababayan.


Ayon na rin sa Chinese Zodiac, ang 2015 ay Year of the Green Wooden Goat (kambing) kung saan ito ay nag-umpisa ng Huwebes, Pebrero 19 at magtatapos naman sa Pebrero 7 ng papasok na taong 2016.


Masusuwerteng kulay, base na rin sa mga Chinese horoscope experts ang brown, pula at purple habang 2 at 7 naman ang mga numero at ang mga bulaklak ay carnation at primrose.


Lahat daw ng suwerteng dala ng mga bagay na ito ay pasok sa mga taong ipinanganak sa mga taong 1919, 1931, 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003, at maging sa kasalukuyang taon at sa 2027.


Kaya nga ba siguradong kumahog na naman ang mga namamanata sa Chinese New Year sa paghagilap ng mga bagay-bagay na may kaugnayan sa kulay, numero at maging sa mga birth year na nababanggit dito.


Ang tanong, paano naman kaya ang kapalaran ng mga taong hindi sa mga taong nabanggit ipinanganak, hindi ba sila susuwertehin ngayong taon o kagaya din lamang sila ng mga naitala na mapapalad sa Year of the Green Wooden Goat?


***


Walang eksaktong katugunan sa mga ganitong pangungusap pero kapag ang isang tao ay laging positibo ang pananaw at hindi napapagod na maghangad na umayos ang buhay sa matuwid na paraan, tama lamang sigurong sabihin na masuwerte pa rin sila ngayong taon at sa mga darating pa kahit na wala sa talaan ng mga mapapalad ang taon ng kanilang kapanganakan.


Nakakalungkot nga lamang isipin na sa huling tala ng mga walang hanapbuhay sa bansa, malaki-laking porsiyento ng mga nasurbey ang umamin na ang dahilan ng kanilang pagiging istambay ay ang pag-alsa balutan sa mga kumpanya o ahensyang pinapasukan.


Sa mga pagkakataong ito ay masasabing kahit na malinaw na nabanggit sa mga masusuwerte ang taon ng kapanganakan ng isang tao sa Year of the Green Wooden Goat, nakakalungkot tanggapin ang katotohanan na iba ang kanyang sitwasyon.


Pakakatandaan na sa trabaho, minsan ay malas, minsan ay papuri at bonus naman ang inaabot at hindi siguro ganap na batayan ang taon ng kapanganakan ng isang tao, dahil ang higit na importante, dapat na marunong ka na lumagay sa tamang lugar.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/feb2015/edit_spy.htm#.VOc-GC6Fk7k