Wednesday, November 4, 2015

Puro laway lang!




                                                   Puro laway lang!
                                                                       REY MARFIL



Sa ginawang paglalayag ng mga barkong pandigma ng Amerika sa pinag-aagawang bahagi ng West Philippine o South China Sea, lalong napatunayan ang pagiging bully ng China at tanging ang mga maliliit na bansa lang ang kinakaya nila gaya ng Pilipinas at Vietnam.


Aba’y noong nakaraang mga buwan, binobomba ng tubig ng mga barko ng China ang mga bangka ng kawawa nating mga mangingisdang Pinoy, at maging ng Vietnam. Itinataboy nila ang mga kababayan nating hindi naman armado at tanging pangingisda lang ang pakay sa parte ng karagatan na bahagi naman ng Pilipinas.


May insidente pa nga na halos sagasaan o sinagasaan na nga ng barko ng China ang mga bangka ng mga mangingisdang Pinoy. Ilang beses na rin nating nabalitaan na itinataboy ng mga barko ng China ang mga kababayan natin na gustong magpalipas sa ligtas na bahagi ng Bajo de Masinloc kapag masama ang panahon.


Hindi lang iyon, pati nga ang barko ng Pilipinas na nagdadala ng suplay sa mga sundalo nating nakadestino sa nakasadsad na barko para bantayan ang Second Thomas Shoal ay hindi pinapatawad ng China.


Hindi naman nagpapabaya ang pamahalaang Aquino sa mga insidenteng ito. Dahil hindi natin nais ang karahasan, idinadaan ng Pilipinas sa diplomatikong protesta ang mga pambabarakong ginagawa ng China sa ating mga kababayan. Sa mapayapang paraan din nais ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na maresolba ang agawan sa teritoryo kaya tayo naghain ng protesta sa arbitration committee ng United Nation.


***


Dahil sa pinaggagawa ng mga barko ng China sa mga kababayan nating mangingisda na hindi naman armado, tinawag silang bully. Kinakaya-kaya nila ang mga maliliit at inaagaw ang mga teritoryo ng mga bansang kalapit nila sa Asya.


Kahit ilang protesta ang ginawa ng Pilipinas laban sa China upang itigil ang pagtatayo nila ng mga artificial island sa bahagi ng West Philippine o South China Sea, na higit na mas malapit sa atin, aba’y nagbubulag-­bulagan at nagbibingi-bingihan sila. Patuloy nilang ina­angkin at iginigiit na sa kanila ang halos buong bahagi ng nabanggit na bahagi ng karagatan.


Pero kamakailan nga ay mistulang ipinamukha ng Amerika na puro daldal lang ang China at bully lang talaga sila sa mga maliliit na bansa.


Mantakin niyo, naglayag ang barkong pandigma ng US malapit sa artipisyal na isla na itinayo ng China ay wala silang ginawang karahasan. Kahit man lang yata mangbelat ang mga Tsino ay hindi nila nagawa sa mga Amerikano.


Kung noon ay mabilis pa sa alas-kuwatro ay nakabuntot na ang mga barko ng China sa mga hindi armadong bangka ng mga mangingisda nating Pinoy, aba’y noong naglayag ang mga barkong pandigma ng US na malapit sa mga ginawang isla, aba’y kahit anino yata ng barko ng China ay walang naibalita.


Imposibleng hindi nila alam na may barkong pandigma ng US sa lugar dahil tiyak na makikita nila ito sa radar dahil sa laki at mga armado pa.


Kung tutuusin, dapat noon pa ito ginawa ng US, noong panahon na wala pa ang mga artificial island. Sa totoo lang, personal na interes ang nasa likod ng paglalayag na ito ng US. Kung magtatagumpay kasi ang China na kontrolin ang mga barko na dadaan sa mga international waters, mapeperwisyo ang multi-bilyong negosyo o kalakalan sa mundo sa pamamagitan ng pag­biyahe ng mga produkto gamit ang barko.


Kahit si Pangulong Aquino, walang nakikitang masama sa ginawang paglalayag ng US malapit sa mga artipisyal na isla basta naaayon ito sa pandaigdigang batas na dapat respetuhin at sundin ng lahat ng bansa -- dapat maging ang China.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

1 comment:

Anonymous said...

May insidente pa nga na halos sagasaan o sinagasaan na nga ng barko ng China ang mga bangka ng mga mangingisdang Pinoy. Ilang beses na rin nating nabalitaan na itinataboy ng mga barko ng China ang mga kababayan natin na gustong magpalipas sa ligtas na bahagi ng Bajo de Masinloc kapag masama ang panahon.
100 cotton twill fabric wholesale
heavy cotton twill fabric wholesale