Agimat o ‘itinanim’ na bala? | |
REY MARFIL |
Hindi na nakatutuwa ang iskandalong nilikha ng sinasabing raket o modus na “laglag” o “tanim” bala sa airport para makikilan daw ang ilang pasahero. Pero ang tanong, may sindikato nga ba sa likod nito o sadya lang na marami tayong kababayan na pasaway?
Hindi rin maiwasan na isipin na nagkataon rin lang kaya o sadyang may nanadya na nangyari ang pagputok ng kontrobersyang ito sa panahon na papalapit ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders Summit na gaganapin sa Maynila ngayong Nobyembre.
Batay na rin sa kasi sa mga datos tungkol sa mga insidente ng pagkakadiskubre ng mga bala sa bagahe ng ilang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport, lumilitaw na hindi nalalayo ang bilang ng mga nakukumpiskang bala sa mga bagahe ngayong taon na nasa 1,394 na insidente, kumpara sa nakalipas na mga taon.
Noong 2012, umabot umano sa 1,214 ang insidente ng pagkakabisto ng mga bala sa mga bagahe; 1,813 naman noong 2014; at mas mataas noong 2013 na umabot sa 2,184.
Ang tanong, kung dati na itong nangyayari, bakit ngayon lang pumutok? May grupo kaya na nais palakihin ang kontrobersya at ipahiya ang administrasyong Aquino sa international community dahil sa papalapit na APEC Summit kung saan darating sa Pilipinas ang mga lider ng iba’t ibang bansa?
Aba’y kung may grupo talagang nais ipahiya si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa international community, dapat sigurong bantayang mabuti ang mga magsusuri sa bagahe ng mga diplomatic officials na darating sa bansa at baka pati ang mga ito e taniman ng bala.
***
Ngayon pa nga lang, mayroon nang mga bansa ang nagbigay ng babala sa kanilang kababayan -- pati na ang United Nation -- na mag-ingat sa sinasabing kalokohan na nangyayari sa ating paliparan. Pati tuloy ang mga kababayan natin na bibiyahe papunta at paalis ng Pilipinas ay nagiging praning na at binabalutan na parang mummy ang kanilang bagahe para hindi masingitan ng bala.
Hindi rin maiaalis ang posibilidad at paghinalaan na baka konektado rin sa pulitika ang paglaki ng kontrobersya dahil nalalapit na ang panguluhang halalan. O baka naman may nananabotahe lang sa NAIA upang magkaroon ng balasahan at mapalitan ang mga nakaupong opisyal ngayon?
Pero sa kabila ng lahat ng espekulasyong ito, hindi rin naman dapat alisin ang posibilidad na baka sadyang mayroon din tayong mga kababayan na talagang pasaway? Ito ang mga kababayan natin na naniniwalang “anting-anting” ang bala; na kahit alam na nilang bawal ay dinadala pa rin nila sa paglalakbay sa pag-aakalang makalulusot sa mga nagbabantay. Sa halip na suwertihin, malas ang inaabot nila kapag nahuli.
Kung susuriin kasi, kung may sindikatong nasa likod ng “tanim” o “laglag” bala, tiyak na magpapalipas o magla-lie low muna ang mga ito dahil “mainit” sa kanila ang paningin. Pero hindi. Kahit mainit ang usapin ay mayroon pa ring nahuhulihan ng bala. Katunayan nga, kamakailan lang ay mayroong tatlong pasahero na nahulihan ng bala sa loob lang ng isang araw.
Anuman ang katotohanan sa likod ng kontrobersyang ito, ang malinaw ay hindi ito binabalewala ni PNoy para protektahan ang kanyang mga “boss” na manlalakbay. Inatasan niya ang Department of Transportation and Communications na alamin ang katotohanan sa nangyayaring ito sa airport. At may hiwalay ding imbestigasyon na ginagawa ang Department of Justice sa pamamagitan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Kaya naman makabubuting hintayin natin ang magiging resulta ng mga imbestigasyon. Dahil ang direktiba ay galing kay PNoy, tiyak na may magtatanim ng kamote sa kangkungan kapag napatunayan na mayroong mga tauhan ng paliparan na nasa likod ng hinihinalang modus na ito. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment