Ginagawa ang lahat! | |
REY MARFIL |
Hindi ba’t magandang balita ang patuloy na ayudang ginagawa ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino para makabangon ang mga lugar na nasalanta ng 7.2 magnitude na lindol sa Visayas na ginunita kamakailan ang ikalawang taong anibersaryo ng trahedya.
Sa tulong ng matuwid na daan ni Pangulong Aquino, umabot na sa P3.07 bilyon ang nailabas na pondo para sa rehabilitasyon at pagbangon ng mga lugar na naapektuhan ng lindol sa Bohol at Cebu.
Kabilang dito ang P556.9 milyon o 30 porsiyentong pondo na kakailanganin sa pagtatayo ng mga pasilidad at gusali sa ilalim ng “Build Back Better” na programa ng pamahalaan.
Sa ilalim nito, mas maganda at maaasahang pasilidad ang ibabalik sa mga nawalang istruktura sa mga lugar upang mas maging matatag sakaling mayroon pang dumating na mga trahedya sa hinaharap.
Sa P3.07 bilyon, napunta ang P2.46 bilyon sa Bohol at P24.6 milyon naman sa Cebu para maitayong muli ang mga gusali, palengke, civic centers, barangay facilities, tulay at sistemang patubig.
Mahalaga kay PNoy ang buhay at kaligtasan ng mga Pilipino kaya naman magpapatuloy ang ayuda sa nasalantang mga lugar kung saan lalong paghahandaan ang pagharap sa mga sakuna.
***
Isa pang magandang balita ang inaprubahang P25 bilyong halaga ng proyekto ng National Economic and Development Authority (NEDA) Investment Coordination Committee-Cabinet Committee (ICC-CC) para sa tatlong proyekto sa ilalim ng public-private partnership (PPP) agreement.
Nabatid sa PPP Center na binigyan na ng permiso ni PNoy sa pamamagitan ng ICC-CC na pondohan ang Philippine Travel Center Complex (PTCC) ng Department of Tourism (DOT), Plaridel Bypass Toll Road ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Batangas-Manila (BatMan) 1 Natural Gas Pipeline project ng Philippine National Oil Company (PNOC).
Sa ilalim ng P1.747 bilyong PTCC project, kinabibilangan ito ng pagtatayo ng multimodal complex o tanggapan para maging tahanan sa Intramuros, Maynila ng iba’t ibang mga ahensya na may kinalaman sa turismo.
Higit kasing makakabuti kung magkakaroon ang Pilipinas ng isang one-stop shop para gawin ang mga transaksyon na may kinalaman sa turismo upang mas maging maayos at mabilis ang proseso.
Nagkakahalaga naman ng P9.387 bilyon ang Plaridel Bypass Toll Road na isang 23.3 kilometrong kalsada na magmumula sa Balagtas Interchange sa North Luzon Expressway hanggang sa San Rafael, Bulacan para mapabilis ang biyahe.
Malaki naman ang maitutulong ng makukuhang karagdagang enerhiya na mabuti sa kapaligiran ng Batangas-Manila (BatMan) 1 Natural Gas Pipeline project ng PNOC.
Siguradong malaking ginhawa ang ibubunga nito sa marami at magbubunga rin ng karagdagang trabaho.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment