Puro laway lang!
REY MARFIL
Sa ginawang
paglalayag ng mga barkong pandigma ng Amerika sa pinag-aagawang bahagi ng West
Philippine o South China Sea, lalong napatunayan ang pagiging bully ng China at
tanging ang mga maliliit na bansa lang ang kinakaya nila gaya ng Pilipinas at
Vietnam.
Aba’y noong
nakaraang mga buwan, binobomba ng tubig ng mga barko ng China ang mga bangka ng
kawawa nating mga mangingisdang Pinoy, at maging ng Vietnam. Itinataboy nila
ang mga kababayan nating hindi naman armado at tanging pangingisda lang ang
pakay sa parte ng karagatan na bahagi naman ng Pilipinas.
May
insidente pa nga na halos sagasaan o sinagasaan na nga ng barko ng China ang
mga bangka ng mga mangingisdang Pinoy. Ilang beses na rin nating nabalitaan na
itinataboy ng mga barko ng China ang mga kababayan natin na gustong magpalipas
sa ligtas na bahagi ng Bajo de Masinloc kapag masama ang panahon.
Hindi lang
iyon, pati nga ang barko ng Pilipinas na nagdadala ng suplay sa mga sundalo
nating nakadestino sa nakasadsad na barko para bantayan ang Second Thomas Shoal
ay hindi pinapatawad ng China.
Hindi naman
nagpapabaya ang pamahalaang Aquino sa mga insidenteng ito. Dahil hindi natin
nais ang karahasan, idinadaan ng Pilipinas sa diplomatikong protesta ang mga
pambabarakong ginagawa ng China sa ating mga kababayan. Sa mapayapang paraan
din nais ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na maresolba ang agawan sa teritoryo
kaya tayo naghain ng protesta sa arbitration committee ng United Nation.
***
Dahil sa
pinaggagawa ng mga barko ng China sa mga kababayan nating mangingisda na hindi
naman armado, tinawag silang bully. Kinakaya-kaya nila ang mga maliliit at
inaagaw ang mga teritoryo ng mga bansang kalapit nila sa Asya.
Kahit ilang
protesta ang ginawa ng Pilipinas laban sa China upang itigil ang pagtatayo nila
ng mga artificial island sa bahagi ng West Philippine o South China Sea, na
higit na mas malapit sa atin, aba’y nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan
sila. Patuloy nilang inaangkin at iginigiit na sa kanila ang halos buong
bahagi ng nabanggit na bahagi ng karagatan.
Pero
kamakailan nga ay mistulang ipinamukha ng Amerika na puro daldal lang ang China
at bully lang talaga sila sa mga maliliit na bansa.
Mantakin
niyo, naglayag ang barkong pandigma ng US malapit sa artipisyal na isla na
itinayo ng China ay wala silang ginawang karahasan. Kahit man lang yata
mangbelat ang mga Tsino ay hindi nila nagawa sa mga Amerikano.
Kung noon ay
mabilis pa sa alas-kuwatro ay nakabuntot na ang mga barko ng China sa mga hindi
armadong bangka ng mga mangingisda nating Pinoy, aba’y noong naglayag ang mga
barkong pandigma ng US na malapit sa mga ginawang isla, aba’y kahit anino yata
ng barko ng China ay walang naibalita.
Imposibleng
hindi nila alam na may barkong pandigma ng US sa lugar dahil tiyak na makikita
nila ito sa radar dahil sa laki at mga armado pa.
Kung
tutuusin, dapat noon pa ito ginawa ng US, noong panahon na wala pa ang mga
artificial island. Sa totoo lang, personal na interes ang nasa likod ng
paglalayag na ito ng US. Kung magtatagumpay kasi ang China na kontrolin ang mga
barko na dadaan sa mga international waters, mapeperwisyo ang multi-bilyong
negosyo o kalakalan sa mundo sa pamamagitan ng pagbiyahe ng mga produkto gamit
ang barko.
Kahit si
Pangulong Aquino, walang nakikitang masama sa ginawang paglalayag ng US malapit
sa mga artipisyal na isla basta naaayon ito sa pandaigdigang batas na dapat
respetuhin at sundin ng lahat ng bansa -- dapat maging ang China.
Laging
tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
1 comment:
May insidente pa nga na halos sagasaan o sinagasaan na nga ng barko ng China ang mga bangka ng mga mangingisdang Pinoy. Ilang beses na rin nating nabalitaan na itinataboy ng mga barko ng China ang mga kababayan natin na gustong magpalipas sa ligtas na bahagi ng Bajo de Masinloc kapag masama ang panahon.
100 cotton twill fabric wholesale
heavy cotton twill fabric wholesale
Post a Comment