Monday, November 23, 2015

Tagumpay ng sambayanang Pilipino REY MARFIL



Tagumpay ng sambayanang Pilipino
REY MARFIL


Salamat at naging matiwasay at walang aberya sa pagdating at pag-alis sa Pilipinas ng may 22 matataas na lider ng mga bansang kasapi ng Asia-Pacific Economic Cooperation, na kinabibilangan ng dalawa sa mga pinakamakapangyarihan sa mundo ngayon -- si US President Barack Obama at Chinese President Xi Jinping.
Sa kabila ng ilang negatibong balita bago at habang idinadaos sa Maynila ang APEC Summit tulad ng alegasyon ng “laglag-bala” modus sa paliparan at reklamo sa mabigat na daloy ng trapiko, sa kabuuan ay naging positibo ang pananaw at komento ng mga dayuhang dignitaryo sa ating mga Filipino.
Maliban sa mahusay na presentasyon na ginawa ng organizing committee ng Pilipinas na namahala sa preparasyon sa pagpupulong, hinangaan din ng mga economic leaders at kasapi ng kanilang delegasyon ang mainit na pagtanggap o hospitality nating mga Filipino.
Katunayan, aminado ang lider ng bansang Vietnam na magho-host ng susunod na APEC meeting na mahirap mahigitan ang ginawa nating mga Filipino. Para sa kanila mataas ang pamantayan na ginawa ng Pilipinas na sana’y mapantayan man lamang nila sa susunod na taon.
Pero hindi lang ang mga dignitaryo ang nasiyahan sa pananatili nila sa bansa ng halos limang araw, ma­ging ang mga dayuhang mamamahayag na nagkober sa pulong ay puro papuri at pasasalamat ang binabanggit. Bagaman batid at nauunawaan nila ang sentimiyento ng ilang motorista at pasahero na naabala sa trapik dahil sa mga isinarang kalsada, at sa pangkalahatan ay nakikita nila ang mga Filipino na magigiliw at mababait.
Sabi nga ng isang dayuhang mamamahayag mula rin sa bansang third world country na katulad natin, halos magkapareho rin ang sitwasyon ng trapiko sa kanila at sa Pilipinas. Subalit sa kabila nito ay ang kabaitan at pagi­ging palangiti ng mga Pinoy ang higit niyang napansin.
***
Kung tutuusin, hindi lang naman tayo ang nagpapa­tupad ng “lockdown sa kalsada” o pagsasara ng ilang kalye kapag may ganitong napakalaki at sensitibong pagtitipon. Dahil mga lider ng iba’t ibang bansa ang kailangang protektahan, nararapat lang na gawin ng mga kinauukulan ang nararapat. At bilang isang Filipino, ang pag-unawa sa sitwasyon ang tangi nating maibibigay.
Sa dami ng mga pag-atake na nagaganap ngayon sa mundo na maging ang mga mas mauunlad na bansa ay nasisingitan ng mga terorista, dapat nating maunawaan na bahagi ng seguridad sa mga lider na dumalo sa APEC kung anumang aberya na ating naranasan.
Aba’y kung may pag-atakeng naganap habang idina­daos ang APEC at may mga dignitaryong napahamak, tiyak na sikat ang Pilipinas sa negatibong paraan. Bukod sa lalong matatakot ang mga dayuhang turista na magpunta sa atin para mamasyal, malamang na iwasan at matagalan bago pagkatiwalaan muli ang bansa na pagdausan ng isang malaking pagtitipon ng mga world leaders.
May mga nagsasabi na dapat ginawa na lang sa ibang lugar ang pulong tulad sa Subic na pinagdausan ng APEC noong 1996, aba’y iba na ang sitwasyon ngayon pagkaraan ng 20 taon. Sabi nga ng organizing committee ng APEC ngayon, sa Maynila lamang mayroong sapat na pasilidad para tanggapin ang may 9,000 bisita mula sa 22 bansa, maliban pa sa 2,700 mamamahayag mula rin sa iba’t ibang bansa.
Marahil ay malaki nga ang sinasabing P10 bilyong pondo na ginamit sa APEC Summit na ito, pero dapat ding malaman ng publiko na ang paghahanda sa pulong na ito ay nagsimula noon pang isang taon. Hindi rin ito isang pagpupulong lang kung hindi mahigit 200 pagpupulong ng 21 bansang kasapi ng APEC na idinaos sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
Pero higit sa usapin ng gastos, ang mahalaga ay ligtas na dumating at nakaalis ang mga dayuhang dignitaryo at mga mamamahayag, naging matagumpay ang pagpupulong na ang layunin ay mapalakas pa ang ekonomiya at umunlad ang pamumuhay ng mga bansang kasapi, at napanatili natin ang dignidad ng Pilipinas na kilala sa pagiging magiliw sa mga panauhin dahil sa ipinagmamalaki natin -- Filipino hospitality.
Dahil diyan, hindi nakapagtataka kung dumami ang mga dayuhan na bumisita sa Pilipinas na magpapalakas sa ating turismo. Kaya isipin na rin natin na bahagi ng ginastos ng pamahalaan sa APEC ay para mai-promote ang Pilipinas sa mundo. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: