Bayan mo ang nakataya sa APEC! (part 1) | |
REY MARFIL |
May ilang pumupuna kaugnay sa ginagawang paghahanda ng pamahalaang Aquino sa gaganaping Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) meetings sa Maynila sa susunod na linggo.
Pero sa mga nakauunawa sa kahalagahan ng pagtitipon na ito ng mga lider mula sa Asya-Pasipiko, batid nila na kailangan itong suportahan para magtagumpay dahil dangal ng mga Pinoy ang nakataya at hindi lang si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.
Simple lang naman para maunawaan kung bakit mahalaga ang APEC meeting at kung bakit dapat kasabikan din naman ito ng mga Pinoy; kumbaga sa isports, puwedeng ikonsidera na Olympics o ASEAN Games ang APEC meeting sa larangan ng kalakalan sa mundo at ugnayang panlabas, at tayo ang mapalad na host.
Tulad ng mga international big events sa sports, nagbi-bid ang mga bansa para sila ang mag-host ng pagtitipon dahil makatutulong iyon para mai-promote ang kanilang bansa, mapalakas ang turismo at makatulong sa kanilang ekonomiya. Malaking bagay kasi ang pagiging host ng isang international event dahil maibabalita ang host country sa lahat ng bansang dumadalo o kasali sa pagtitipon.
At sa gaganaping APEC meeting na magsisimula sa susunod na linggo, tinatayang 21 matataas na lider sa mundo ang darating sa Pilipinas -- kabilang na ang mga pangulo ng Amerika, Russia, Japan at China.
***
Bilang host country ang Pilipinas, hindi lang ang mukha ni PNoy ang nakataya sa pagtitipong ito na maibabalita ang buong mundo -- kung hindi ikaw...bilang Pilipino.
Nang bumisita sa bansa si Pope Francis, hindi lang naman si PNoy ang pinasalamatan ng Santo Papa at hinangaan ng mundo sa ginawang pakikiisa para protektahan ang lider ng Simbahang Katolika, kung hindi ang buong sambayanang Pilipino.
Kung sakaling may hindi magandang nangyari sa Santo Papa habang nasa Pilipinas, hindi rin lang si PNoy ang masisisi kung hindi maging tayong mga Pinoy din.
At kung noon na mag-isa lang si Pope Francis ay naging mahigpit na ang seguridad na ipinatupad sa Metro Manila at mga lugar na kanyang pinuntahan, isipin na lang natin at unawain kung papaano pa ang pagdating ng 21 lider mula sa iba’t ibang bansa. Isa lang sa kanila -- o ang kasama ng kanilang delegasyon ang madisgrasya habang nasa Pilipinas, lagot tayo.
Kung sa mga international sports event ay sabik tayong makapag-host para maipakita ang husay ng ating mga manlalaro, makita ang mga manlalaro ng ibang bansa at mai-promote ang Pilipinas, higit na malaki ang nakataya sa APEC Summit dahil kalakalan sa buong mundo ang pag-uusapan dito. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment