Sakripisyo para sa bansa at APEC | |
REY MARFIL |
Nakapanlulumo ang nangyaring pag-atake ng mga terorista sa Paris na nagresulta sa pagkasawi ng mahigit 100-katao at ikinasugat ng mahigit 300 iba pa. Ang kinikilalang “City of Love” ng mundo, sa isang iglap ay binalot ng karahasan; ang pula na simbolo ng pusong nagmamahal, naging dugo na dumanak mula sa mga nasayang na buhay.
Ang nangyari sa Paris ang pinakabago sa serye ng mga pag-atake na umano’y kagagawan ng Islamic State na ISIS o ISIL laban sa mga bansang sumusuporta sa kampanya laban sa kanila. Matatandaan na ilang beses nang nasangkot ang ISIS sa mga pagpatay sa mga sibilyan na iba sa kanilang paniniwala.
Hindi madali ang kampanya laban sa ISIS na higit na aktibo sa ilang bansa sa Middle East at North America. Kaya nakababahala na makagawa sila ng pag-atake sa isang bansa sa Europa na marami ang nasawi gayung nasa walo pa lang ang napapabalitang nasawi sa hanay ng mga terorista.
Kung nagawa ng ISIS at ng kanilang mga kapanalig na malusutan ang seguridad ng mga modernong bansa gaya ng France, papaano pa ang Pilipinas? Hindi sa sinasabi nating lantad tayo sa pag-atake ng mga terorista pero minsan na ring nalusutan ang ating mga awtoridad noong taong 2000 na tinawag na “Rizal Day Bombing”.
Gaya sa Paris, iba’t ibang lugar din ang halos magkakasabay na tinarget ng mga teroristang nagsagawa ng pag-atake sa noong Dec. 30, 2000; may sumabog na bomba sa bagon ng LRT na puno ng pasahero, may bombang sumabog din sa isang bus na nasa EDSA, Cubao area, may bomba ring sumabog sa Makati at pati sa NAIA sa Pasay City.
Ang naturang karahasan ay nagresulta sa pagkakasawi ng mahigit 20-katao at pagkakasugat ng mahigit 100 iba pa.
***
Gayunpaman, nahuli naman ng ating mga awtoridad ang mga nasa likod ng pag-atake kabilang ang sinasabing may pakana nang lahat na Indonesian Islamic extremist na si Fathur Rahman al-Ghozi ng Jema’ah Islamiyah, na konektado sa grupong Al Qaeda ni Osama bin Laden.
Bagaman kapwa patay na ngayon sina al-Ghozi at bin Laden, wala pa ring katiyakan na ligtas na ang mundo mula sa mga terorista gaya ng nangyari sa Paris. Pero hindi dapat magpadala sa takot ang mundo -- gaya ng ginawa ni Madonna na itinuloy ang concert sa Stockholm, Sweden.
Sabi ni Madonna, pinili niyang ituloy ang concert habang nakikidalamhati sa mga biktima ng pag-atake sa Paris. Hindi raw dapat magpadala sa takot ang mga tao dahil ito ang nais mangyari ng mga terorista na nais ding supilin ang kalayaan.
Dito man sa atin sa Pilipinas, hindi nagpadala sa takot ang pamahalaang Aquino sa harap ng ginaganap na APEC Meetings sa Maynila na dadaluhan ng may 21 lider mula sa iba’t ibang bansa kabilang ang presidente ng Amerika at China. Kung mayroong grupo na nais lumikha ng matinding gulo sa mundo, malamang na pumasok sa isip ng mga ito na targetin ang APEC. Pero hindi naman papayagan ng pamahalaang Aquino na maisagawa ng sinuman na may masamang balak sa pandaigdigang pagtitipon na ito.
Kaya naman unawain natin at pagpasensyahan kung anuman ang abala na idinulot ng APEC at na-hashtag #APECtado bunga ng pagkakabuhul-buhol ng daloy ng trapiko. Inasahan na mangyayari ito kaya naman idineklarang holiday ang halos buong linggo mula Nob. 17 hanggang 20.
Sa halip na magalit at mag-isip ng hindi maganda dahil sa inabot na perwisyo dahil sa seguridad na ipinatupad sa APEC, mas maka-Filipino kung ang iisipin natin ay magtagumpay ang pagpupulong at walang anumang karahasan na maganap sa mga dayuhang lider na nandito sa atin sa Pilipinas.
Isipin na lang natin na ang perwisyong naranasan natin ay ambag na sakripisyo para sa ikatatagumpay ng APEC, na magiging tagumpay din ng ating bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment