Monday, November 16, 2015

ayan mo ang nakataya sa APEC! (part 2) REY MARFIL



Bayan mo ang nakataya sa APEC! (part 2)
REY MARFIL



Ngunit bukod sa malaki ang maitutulong nito sa ekonomiya ng Pilipinas kapag nagtagumpay, maaari ring maging daan ang summit para mapag-usapan ng mga bansang kasapi ng APEC ang mga personal na usapin nito sa ibang bansa.
Gaya halimbawa ng Pilipinas at Japan na may sigalot sa China dahil sa agawan sa teritoryo; ang China na may isyu sa Amerika dahil sa pagpalalayag ng mga barkong pandigma ng huli sa South China Sea; ang Amerika na may isyu rin sa Russia dahil naman sa gulo sa Syria; at marami pang iba na posibleng ma­resolba kapag nakapag-usap sila habang nasa ating bansa.
Kaya naman dapat na mag-isip tayo -- sino ang hindi magnanais na maging matagumpay ang APEC Summit? Bakit may mga pumupuna sa halos P10 bil­yon na ang inilaang pondo sa pagtitipon na kung tutuusin ay hindi naman ginastos ng isang bagsakan lang kung hindi sa loob ng halos isang taon na preparasyon?
Kabilang sa ginastusan nito ay ang pagpapaganda ng Roxas Boulevard, paghahanda at pagbili ng mga gamit para sa seguridad upang mabantayan ang mga darating na lider, at mga lugar na pagdarausan ng pulong at marami pang iba.
Kung tutuusin ay mababawi rin naman ang pondong ito sa paraan ng maisasarang negosasyon ng bansa sa mga negosyanteng kasama sa delegasyon ng APEC members na mahihikayat na mamuhunan sa bansa kapag nasiyahan sila sa makikita nila sa pagbisita sa atin.
***
Kahit nga ang pag-alis sa mga informal settlers sa mga dadaanang lugar ng APEC delegates ay sini­sita dahil itinatago raw ang mukha ng kahirapan sa Maynila. Pero hindi yata naiisip ng mga pumupuna na kung may taong namamalagi sa lugar na dadaanan ng world leaders gaya ni US President Obama, maaari itong samantalahin ng mga may masamang hangarin at magtago doon para isagawa ang pananabotahe.
May mga nagbabalak pang magprotesta malapit sa lugar na pagdarausan ng APEC Summit gayung may iba namang lugar na maaari silang magprotesta. Para bang isang kapitbahay na pasaway na nais lang hiyain ang kapitbahay sa harap ng mga bisita nito.
Kumpara sa APEC meeting na ginawa sa Subic, Zambales noon pang 1996, higit na malaking hamon sa bansa na idaos ito ngayon sa Maynila. Kaya naman dapat makiisa at unawain ng lahat -- kabilang na ang maaabalang mga motorista na minsan lang ito mangyayari sa atin kaya dapat nating ipagmalaki at ipag­dasal na maging matagumpay at walang anumang pa­ngit na magaganap na ikasisira ng imahe natin bilang Pilipino. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: