Monday, November 30, 2015

Ipagpasalamat! REY MARFIL




Ipagpasalamat!
REY MARFIL



Hindi ba’t kapuri-puri ang patuloy na malaking suporta na ibinibigay ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa pagsulong ng sektor ng business process outsourcing (BPO).
Kaya naman nakatutok ang mga programa ni PNoy sa paglinang ng kakayahan at kasanayan ng mga Pilipino na nasa sektor ng BPO.
Inihayag ni Pangulong Aquino ang kanyang pangako sa naging talumpati nito sa inagurasyon ng Pointwest Digital Center sa Pasig City.
Ibinahagi ni Pangulong Aquino ang pagtalakay ng 21-ekonomiyang kasapi ng Asia Pacific Econo­mic Cooperation (APEC) sa epekto ng teknolohiya sa mga manggagawa sa nakalipas na Leader’s Meeting na isinagawa sa bansa.
Kailangan kasing makasabay ang kakayahan at kaalaman ng mga Pilipino sa teknolohiya.
Sa katunayan, nawalan ng hanapbuhay ang mga manggagawa sa Estados Unidos dahil sa pagpalit ng mga makina at robot sa kanilang trabaho.
Sa tulong ng Training for Work Scholarship Program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na matagumpay na pinamunuan ni dating Secretary General Joel Villanueva, nagkaroon ng kasanayan ang mga Pilipino na makasabay sa hamon ng teknolohiya.
Naglaan si Pangulong Aquino ng mahigit P1.6 bil­yon para sa mga programa ng tinatawag na IT-BPM sector kung saan sinanay ang mahigit sa 200,000 Pi­lipino.
Asahan nating magpapatuloy ang mga programang magpapataas pa sa antas ng kaalaman ng mga Pilipino upang makasabay sa pangangailangan ng teknolohiya lalo’t kabilang ang BPO sa mga tinututukang sektor ni PNoy.
***
Malaki ang pakinabang ng bansa sa matagumpay na pagdaraos ng APEC Leaders’ Meeting kamakailan. Isang pamana ng kahusayan ng pamumuno ni PNoy ang maayos at payapang APEC.
Makikinabang nang husto ang sektor ng turismo lalung-lalo na at naipakita ng APEC 2015 National Organizing Council ang pangunahing mga destinasyon sa Pilipinas kung saan isinagawa ang mga pagpupulong.
Nagsimula noong Disyembre ng nakaraang taon ang pag-iikot ng mga delegado sa iba’t ibang magagandang mga tanawin sa Pilipinas.
Ipinasyal sila sa Iloilo, Cebu, Tagaytay, Bataan, Boracay at Bacolod City kung saan ipinakita sa mga ito ang kagandahan ng Pilipinas.
Sa katunayan, nalampasan ng Department of Tourism (DOT) ang tinakda nitong 10,000 banyaga na bumisita sa bansa matapos umabot ang bilang sa 11,000 para sa buwan ng Nobyembre 2015.
Sa 11,000 turista, hindi kasama dito ang mga de­legado ng APEC na nagsimulang dumating sa Pilipinas noon pang nakalipas na taon. Take note: Hindi pa kabilang ang humigit-kumulang na apat na libong journalist at tinatayang tatlong libo ang foreign media na naglabas-pasok sa Pilipinas.
Sa hanay ng APEC CEO Summit, tinaya lamang ng organizers sa 800 ang mga delagado na umabot sa 1,300. Kabilang sa mga kasapi ng delegasyon ang mga negosyante, CEOs, high-level business mana­gers mula sa 21 APEC economies.
Pinatunayan ni PNoy na laging magbubunga ng maganda ang malinis at matapat na pamumuno sa bansa. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)


No comments: