Dapat tumigil ang China | |
REY MARFIL |
Parang nag-aalburutong bulkan ngayon ang mundo na anumang oras ay puwedeng sumabog at humantong sa world war 3 dahil sa mga nangyayari sa iba’t ibang bansa. Katulad na lang ng terorismong ginagawa ng Islamic State o ISIS, na pinalala pa ngayon ng pagpapabagsak ng Turkey sa fighter jet ng Russia.
Ang panggugulo ng ISIS sa Middle East ay umabot na sa Europe at maging sa Great Britain at ngayon ay nagbabanta na rin sila ng pag-atake sa Amerika. Ngunit nadagdagan ang tensyon ngayon nang pabagsakin ng Turkey ang fighter jet ng Russia dahil sa paglipad daw ng eroplano ng Russia sa airspace ng Turkey.
Sumusolo ang Russia sa pag-atake sa mga sinasabing ISIS at mga rebelde sa kaalyado nilang liderato ng Syria. Pero dahil boundary lang ang naghihiwalay sa Turkey at Syria, iginigiit ng Russia na nasa teritoryo ng Syria ang kanilang jet; bagay na hindi tinanggap ng Turkey. At matapos umano ng ilang ulit na paalala ng Turkey sa piloto ng Russia na nasa airspace sila ng Turkey kaya dapat silang umalis, hindi raw sumunod ang mga piloto ng Ruso at naganap na ang hindi dapat maganap.
Bunga ng insidente, kung dati ay ISIS at mga rebeldeng kontra sa gobyerno ng Syria ang puntirya ng Russia, ngayon ay hindi maaalis na gumanti ang mga Ruso sa Turkey lalo pa’t hindi pa malinaw ang kinasapitan ng kanilang mga piloto. Isipin na lang natin ang mga hindi magandang magaganap kapag nagbakbakan ang Rusia at Turkey, at mapilitan ang mga kaalyado nilang mga bansa ng suporta.
Habang umiinit ang tensyon sa Middle East at nababalot ng pangamba sa pag-atake ng terorismo ang Europa, Britanya at Amerika, dito naman sa atin sa Asya ay nakaamba rin ang kaguluhan dahil sa patuloy na pagmamatigas ng China na itigil ang land reclamation at ginagawang militarisasyon sa West Philippine o South China Sea.
***
Sa nakaraang pagpupulong ng ASEAN, maganda ang ginawang panawagan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa China na itigil ang mga pagkilos nito sa mga pinag-aagawang teritoryo para maibsan ang tensyon sa rehiyon. Dahil sa ginawang pag-angkin ng China sa halos kabuuan ng WPS, nanganganib ang malayang paglalakbay ng mga barkong pangkalakalan sa karagatan na makakaapekto sa maraming bansa -- kabilang ang Amerika.
Ang senaryong ito ng pagkontrol ng China sa paglalayag ng mga barkong pangkalakalan ang ikinakabahala ng Amerika dahil makakaapekto ito sa kanilang ekonomiya. Kaya ang ginagawang paglalayag ng mga barkong pandigma ng US sa mga ginawang isla ng China at tila paghamon ng mga Amerikano sa mga Tsino ay hindi direktang pagkampi sa ating mga Pilipino. Bagkus ay pinoprotektahan din ng US ang kanilang pansariling interes sa komersyo at pagpapatupad ng pandaigdigang batas para sa malayang paglalakbay sa naturang bahagi ng karagatan.
Gayunpaman, tulad ng insidenteng nangyari sa Russia at Turkey, anumang sandali ay maaaring magkasagupa ang US at China sakaling muling paglakbayin ng Amerika ang kanilang mga warship malapit sa mga islang ginawa ng China.
Dahil naniniwala ang US na maaari silang maglakbay sa naturang bahagi ng pinag-aagawang teritoryo, tiyak na hindi sila susunod kapag nakatanggap ng tawag at babala sa China na umalis. Kapag ginawa ito ng China, baka maghalo na ang burger sa mami.
Sana lang ay mapag-isipan ng mga lider ng China ang sinabi ni PNoy sa ASEAN meeting; na gaya ng sinabi ng China na sila ang pinakamatandang sibilisasyon sa Asya, dapat silang magsilbing nakatatanda sa rehiyon at maging huwaran sa pagpapatupad ng kapayapaan at kaunlaran sa Asya, sa halip na maging promotor ng kaguluhan.
Kung hindi ito gagawin ng China, magmumukha silang matanda na walang pinagkatandaan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter:follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment