-Kapayapaan at katarungan
REY MARFIL/Spy
on the Job
Jan. 30,
2015
Nagluluksa
ang bansa sa pagkamatay ng 44 na magigiting na tauhan ng Philippine National
Police-Special Action Force (PNP-SAF) habang tinutupad ang kanilang tungkulin.
Pero sa
harap ng nararamdaman nating matinding emosyon, hindi natin dapat kalimutan ang
kahalagahan ng isinusulong na negosasyon sa Moro Islamic Liberation Front
(MILF) para sa kapayapaan sa Mindanao.
Sa kanyang
pagharap sa bansa nitong Miyerkules, inihayag ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino
ang pagtutol sa mungkahi ng ilan na talikuran na ang peace negotiation na
isinasagawa sa MILF, na mahabang panahon na binalangkas ng magkabilang panig.
Marami ang
galit ngayon sa MILF dahil kabilang ang puwersa nito sa mga nakapatay sa mga
tauhan ng SAF sa Mamasapano, Maguindanao. Nagtungo sa lugar ang mga bayaning
SAF upang dakpin ang wanted na teroristang sina Abdulbasit Usman at Zulkipli
Bin Hir, alias Abu Marwan, na kinakanlong ng Bangsamoro Islamic Freedom
Fighter.
Bilang
pinuno ng bansa at itinuturing na ama ng bayan, inihayag ni PNoy ang matinding
kalungkutan sa sinapit na pagbubuwis ng buhay ng 44 kasapi ng SAF. Inilaan nila
ang kanilang buhay para madakip ang dalawang tao na nagdudulot ng matinding
banta sa seguridad ng maraming tao -- hindi lang sa Pilipinas.
Maliban kasi
sa Pilipinas, si Marwan ang itinuturong nasa likod ng maraming insidente ng
pambobomba sa iba pang bahagi ng Asya, kabilang na ang Bali bombing sa
Indonesia na ikinasawi ng mahigit 200 katao.
Sadyang
mapanganib na tao ang target ng operasyon.
Kaya naman
napakahalaga ng misyon ng SAF na madakip sina Marwan at Usman, na nagresulta
nga ay pagbubuwis ng 44 na buhay. Kasabay nito ay tiniyak ni PNoy na mananagot
ang mga opisyal na nagkarooon ng pagkukulang sa nasabing operasyon, batay na
rin sa magiging resulta ng imbestigasyon ng binuong board of inquiry.
***
Gayunman, sa
kabila ng trahedyang ito, naniniwala si Aquino na dapat pa ring maipagpatuloy
ang negosasyon sa MILF. Magandang hakbang din ang desisyon ng kanilang liderato
sa pagbuo ng sariling grupo na magsisiyasat sa nangyaring insidenteng nauwi sa
bakbakan ng dalawang puwersa, na magkakampi dapat sa pangangalaga ng
kaligtasan ng mga Pilipino.
Nawa’y
makapagpalabas din kaagad ng resulta ang gagawing imbestigasyon ng MILF at
papanagutin ang kanilang mga tauhan na mapapatunayang nagkasala. Sa ganitong
paraan ay maipakikita nila sa mga mambabatas at sambayanan ang kanilang
sinseridad na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan at pakikiisa sa paghahanap
ng katarungan.
Habang
hinihintay ang resulta ng imbestigasyon ng pamahalaan at MILF sa naganap na
engkuwentro, makabubuting sundin ang pakiusap ni PNoy na iwasan sana ang
pagkakalat ng haka-haka tungkol sa pangyayari.
Maging
mapagmasid din sana ang publiko at pag-aralang mabuti ang magiging pahayag ng
ilang pulitiko tungkol sa trahedyang ito. Hindi maiiwasan na mayroong mga
sumakay para sa personal na interes at mayroon ding mga sadyang kritiko ng administrasyon.
Tama si
PNoy, malayo na ang narating ng bansa tungo sa kapayapaang matagal nang
minimithi para sa Mindanao. Maraming pagsubok na ang pinagdaanan nito at
nararapat lang siguro na bigyan pa rin ito ng pagkakataon ng ating mga
mambabatas na tumatalakay sa Bangsamoro Basic Law.
Higit
kailanman, ngayon, sa harap ng ating pagluluksa at matinding emosyon na
makabawi, dapat magsama-sama ang mga mamamayan na paibabawin ang nagkakaisang
adhikain na makamtan ang matagal nang inaasam na kapayapaan sa bansa, kasabay
ng paghahanap ng katarungan ng ating mga bayaning pulis ng SAF.
Laging
tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment