Bawal ang epal
Rey Marfil/Spy
on the Job
Jan. 16,
2015
Napapanahon
at dapat talagang ipagpasalamat ng mga Pinoy ang pagbisita sa bansa ni Pope
Francis.
Bukod kasi
sa mapapaangat niya ang ating kamalayang espiritwal bilang Kristiyano, aakayin
din niya ang ating kamalayang bilang tao na maging mapagkalinga sa mga
nangangailangan at maging mapagpakumbaba.
Batay sa
isang pag-aaral, kahit maliit lang tayong bansa, lumilitaw na pangatlo ang
Pilipinas sa mga bansa sa mundo na may pinakamaraming Katoliko-kasunod ng
Brazil at Mexico. Sa kabuuan ng ating populasyon, mahigit 80 porsiyento ng mga
Pinoy ay Katoliko.
Kaya naman
hindi kataka-taka kung maging maingay at parang kapistahan ang pagdating ni
Pope Francis sa bansa.
Aba’y may
katagalan na rin naman nang huling may bumisitang Santo Papa sa Pilipinas sa
katauhan ng ngayong Santo na si Pope John Paul II noong 1995 pa.
At kasabay
ng pananabik ng marami sa pagdating ni Pope Francis, may ilang politiko at
negosyante na nais samantalahin ang pagkakataon at makaeksena sa moment ng
Santo Papa. Kanya-kanya sila ng kabit ng mga tarpaulin at streamer sa pagbati
at pag-welcome sa lider ng Vatican.
The nerve
ika nga na inilalagay pa sa pagbati ang pangalan nila (pati yata ng buong
pamilya) at negosyo, na para bang mababasa ni Pope Francis. Pero kung
tutuusin, ang talagang pakay lang naman ng mga “epalist” na ito ay
makapagpapogi sa kanilang nasasakupan.
Umaasa silang
maaalala ng mga tao ang kanilang pangalan kapag may tarpaulin at streamer na
may nakalagay ng “iboto” ang kanilang ipakakalat sa 2016 elections.
***
Huwag naman
sanang ganu’n. Pag-asa sa mga kababayan nating nahihirapan at dumadaan sa mga
pagsubok (lalo na sa mga biktima ni Yolanda) ang hatid ng pagbisita ng Santo
Papa.
Bukod sa
pagiging maawain at may malasakit sa mga kapus-palad, kilala rin si Pope
Francis sa kanyang adbokasiya laban sa pagwasak sa kalikasan at pakikibaka sa
climate change.
Ang Leyte na
kasama sa kanyang mga bibisitahin ay malubhang napinsala ng napakalakas na
bagyong Yolanda, na sinasabi ng mga environmentalist na epekto ng pagbabago ng
panahon.
At sa harap
ng mga panawagan ng iba’t ibang bansa kabilang ang Pilipinas na bumuo ang
pandaigdigang kasunduan upang obligahin ang mayayaman at industriyalisadong
bansa na gumawa ng paraan para mabawasan ang nililikhang kemikal na nagpapalala
sa climate change, malaking tulong sa krusadang ito ang magiging tinig ng Santo
Papa kapag natalakay niya sa kanyang mga gagawing aktibidad habang nasa bansa.
Kaya sana
naman, pakinggan, tulungan at sundin natin ang panawagan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’
Aquino na tiyakin ang kaligtasan ni Pope Francis habang nasa Pilipinas.
Magkaisa tayo para maging matagumpay ang kanyang paglalaan ng oras sa mga
Pilipino na sinasabing sadyang malapit sa puso ng Santo Papa.
Sa iba pang
nagbabalak na ipagpatuloy ang kanilang pag-epal, mabuti pa na ang gagastusin
ninyo sa mga tarpaulin at streamer ay ibili na lang ng pagkain at ipamahagi sa
mga nagugutom at nangangailangan baka matuwa pa sa inyo ang Santo Papa kapag
kanyang nalaman.
Laging
tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment