Monday, January 26, 2015

Pampatalinong pondo





                                                Pampatalinong pondo
                                                          REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                      Jan. 26, 2015

Magandang balita ang pagpapalabas ng administrasyong Aquino sa P290.4 milyong pondo para sa rehabilitasyon ng mga pasilidad ng state universities and colleges (SUCs) na sinira ng nakalipas na mga kalamidad.


Sa kautusan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino agarang ibinigay ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo sa Commission on Higher Education (CHED) para sa 23 SUCs na naapektuhan ng sumusunod na mga kalamidad: 7.2 lindol na tumama sa Visayas noong 2013, Zamboanga City siege noong 2013, at mga bagyong Labuyo, Odette, Santi, Sendong at Vinta.


Gagamitin ang pondo para palitan ang nasirang mga kagamitan, rehabilitasyon ng sistemang patubig, at pagbili ng tinatawag na energy-saving devices at generator sets. Kinuha ang P290.4 milyon sa 2014 Rehabilitation and Reconstruction Fund (RRF).


Narito ang sumusunod na makikinabang na SUCs at halaga ng pondo: Apayao State College (P11.347 milyon); Ifugao State University (P19.35 milyon); Batanes State College (P10.245 milyon); Nueva Vizcaya State University (P56.84 milyon); Quirino State University (P2.244 milyon); Cagayan State University (P7.596 milyon); Aurora State College of Technology (P3.088 milyon); Ramon Magsaysay Technological University (P3.134 milyon); Pampanga Agricultural College (P5.767 milyon); Tarlac State University (P3.97 milyon); Tarlac College of Agriculture (P12.232 milyon); at Nueva Ecija University of Science and Technology (P56.346 milyon).


Kasama rin sa benepisyunaryo ang Bohol Island State University (P39.411 milyon); Siquijor State College (P1.554 milyon); Negros Oriental State University (P3.5 milyon); Zamboanga State College of Marine Science and Technology (P4 milyon); Zamboanga City State Polytechnic College (P34 milyon); Misamis Oriental College of Agriculture and Technology (P2.15 milyon); Bukidnon State University (P3.187 milyon); Davao Oriental State College of Science and Technology (P3.2 milyon); Surigao del Sur State University (P1.895 milyon); Sulu State College (P1.8 milyon); at Adiong Memorial Polytechnic State College (P3.550 milyon).


Noong nakalipas na Mayo, 35 SUCs ang nakatanggap ng P987.3 milyon sa ilalim pa rin ng 2014 RRF na mayroong kabuuang P3 bilyon. Ilan lamang ito sa mga paraang isinasakatuparan ng administrasyong Aquino para mabilis na maisaayos ang nasirang mga pasilidad upang lalong bumuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa.


Batid ng Pangulo ang kahalagahan na tiyaking ligtas sa lahat ng pagkakataon ang mga pasilidad na pang-edukasyon sa bansa lalo’t madalas tamaan ng kalamidad ang bansa.


***


Isa pang magandang balita na naman ang kautusan ni PNoy sa Department of Budget and Management (DBM) na ipalabas ang P775.5 milyon para solusyunan ang kakapusan ng mga silid-aralan sa iba’t ibang mga lugar sa bansa.


Ipagkakaloob ang pondo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na ikaapat na transaksiyon ng P39-bilyong Basic Education Facilities Fund (BEFF) sa ilalim ng 2014 General Appropriations Act (GAA).

Aabot sa kabuuang 552 silid-aralan ang gagawin sa 128 mga lugar sa bansa para lalong mapabuti ang kalidad ng edukasyon.


Layunin ng BEFF na isagawa ang konstruksyon, rehabilitasyon, pagpapalit, pagtatapos at pagkumpuni ng mga gusali ng eskwelahan sa mga lugar na mayroong kakapusan ng silid-aralan.


Gagamitin din ang pondo para sa konstruksyon ng mga pasilidad sa tubig at sanitasyon at pagbili ng school desks, furniture, at fixtures para sa pampublikong mga eskwelahan.


Ikinukonsiderang mayroong kakapusan sa silid-aralan ang mga lugar na umiiral ang classroom-to-student ratio na 50:1 at pansamantalang silid-aralan, makeshift o hindi na talaga halos mapakinabangan.


Naglaan ang DBM ng P764.4 milyon para sa 16 na rehiyon, at P11 milyon para sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).


Matitiyak ng ipalalabas na pondo na magiging handa ang kakayahan ng mga eskwelahan sa pangangailangan ng K-to-12 program para sa mas maayos na mga pasilidad.


Kitang-kita naman na talagang malaki ang pagpapahalaga ni Pangulong Aquino sa pagkakaloob ng prayoridad sa sektor ng edukasyon.

Laging tandaan: “Bata mo ako at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter:follow@dspyrey)

No comments: