Wednesday, January 14, 2015

-Ibahagi ang biyaya





                                                   -Ibahagi ang biyaya
                                                              REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                        Jan. 14, 2015

Kapag tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo, nagkakaroon ng domino effect na nagta­taasan din ang presyo ng ibang serbisyo at produkto. Pero bakit ngayong bumaba ang presyo ng langis, dedma ang mga negosyante at parang mga zombie na walang nararamdaman?


Ngayong buwan pa lamang ng Enero, dalawang beses na uling natapyasan ang presyo ng mga produktong petrolyo ng mahigit P2 bawat litro. Bukod pa ito sa sunud-sunod na malalaking oil price rollback na naganap sa nakaraang mga buwan mula noong Oktubre.


Pero bago ang mga rollback, bugbog muna tayo sa sunud-sunod na price increase ng langis sa nakalipas na maraming buwan na naging dahilan para magsipag­taasan ang singil sa pamasahe sa mga pampublikong transportasyon.


At dahil tumaas daw ang gastusin sa transportasyon ng mga nagbibiyahe ng produkto, itinaas din nila ang presyo ng kanilang mga produkto o bilihin. Siyempre, hindi rin nagpahuli ang mga kumpanya na gumagamit ng produktong petrolyo sa kanilang serbisyo kaya nagtaas din sila ng singil sa kanilang serbisyo gaya ng kuryente.


Hindi ba’t ilang beses pang nag-rally at kilos-­protesta ang mga transport group dahil sa mga oil price hike at sa pamahalaang Aquino pa isinisisi ang usapin kahit batid naman nila na ang presyo ng mga produktong petrolyo ay dikta ng international market.


Pinuntirya rin ng mga protesta ang umano’y cartel o sabwatan ng mga oil companies sa pagdidikta ng presyo ng mga produktong petrolyo at damay uli ang pamahalaan dahil nais nilang kumilos ang gobyerno para mapawalang-bisa na ang Oil Deregulation Law.


Subalit ngayon, nakita natin na sadyang dikta ng world market ang presyo ng mga produktong petrolyo at walang kontrol dito ang pamahalaan. Ang pag­bagsak ng presyo ng langis sa world market ay sina­sabing pinakamababa na sa loob ng lima at kala­hating taon bunga ng sobrang suplay.


Iyon nga lang, kung anong init sa price increase ng mga naaapektuhan kapag may oil price hike, sila namang lamig na magpatupad ng price rollback nga­yong bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo.


***


Sa panahon ngayon na maganda ang lagay ng ekonomiya, mas marami ang may trabaho, mas magiging kaiga-igaya sa bansa na mararamdaman natin ang pagbuti ng pamumuhay ng mga Pinoy kung magkakaroon din ng pagbaba sa gastusin sa mga bilihin at serbisyo.


Hindi natin batid kung hanggang kailan magpa­patuloy ang pagbaba ng mga oil products sa world market, na ang nakikinabang ay ang maliliit at mga bansa na sumasandal sa mga inaangkat na langis tulad ng Pilipinas.


Pero sana habang nagaganap ang pambihirang pagkakataong ito, hayaan ng mga negosyante na maramdaman nating mga karaniwang mamamayan ang bahagyang ginhawa kahit maging pansamantala lang.


Malamang na marami ang matutuwa kung maba­bawasan ang singil ng pamasahe sa mga jeepney, taxi, bus at shuttle service; kung bababa ang presyo ng mga pangunahing produkto gaya ng gatas, bigas, asukal, at iba pa; kapag mas mura na rin ang lapis at papel; kung bababa ang singil sa kuryente; at kapag mag­mura ang bawat order ng kanin at isang ulam na may libreng sabaw sa karinderya.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: